“Maria Magdalena: Pagmamahal at mga Tanong,” Liahona, Peb. 2026.
Nakilala Nila ang Tagapagligtas
Maria Magdalena: Pagmamahal at mga Tanong
Bilang unang naitalang saksi ng nabuhay na mag-uling Cristo, nagtakda si Maria ng huwaran ng mapagmahal na pagkadisipulo.
Paglalarawan ni Laura Serra
Ano ang mga nadama ni Maria Magdalena sa kanyang puso nang magpunta siya sa libingan ng Tagapagligtas, nang maaga, sa ikatlong araw matapos Siyang mamatay? Ano ang nalaman niya, at ano ang hindi pa niya naunawaan?
Hindi talaga tayo makatitiyak. Ngunit may mga clue sa simple at magiliw na salaysay tungkol sa kanyang karanasan sa Juan kabanata 20. At ang natutuhan natin mula kay Maria—ang tapat na disipulo ni Cristo—ay maaaring magbigay ng kaalaman at inspirasyon sa ating sariling pagkadisipulo.
“Samantalang Madilim pa”
Ang isa sa mga unang bagay na dapat pansinin sa salaysay na ito ay na si Maria ay dumating sa libingan nang “maaga,” bago sumikat ang araw (tingnan sa Juan 20:1). Hindi sinabi ni Juan kung bakit naroon si Maria. Nakasaad sa mga salaysay nina Marcos at Lucas na gusto ni Maria at ng ilan pang kababaihan na pahiran ng langis ang katawan ni Jesus ngunit kinailangan nilang maghintay hanggang matapos ang Sabbath (tingnan sa Marcos 16:1; Lucas 23:55–56; 24:1). Sinabi lamang ni Mateo na sila ay nagpunta “upang tingnan ang libingan” (Mateo 28:1).
Anuman ang dahilan, tila gusto ni Maria at ng kanyang mga kasama na makarating doon sa lalong madaling panahon. Ang pagmasdan ang kanyang pinakamamahal na Panginoon na magdusa at mamatay sa krus, ilang araw pa lang ang nakararaan, ay tiyak na masakit. Mukha sigurong walang katiyakan, madilim, at nakakatatakot ang hinaharap. Ngunit hindi nanatili si Maria sa kanyang kadiliman. Alam niya na si Jesus ang pinagkukunan niya ng liwanag—nailigtas Niya siya mula sa kadiliman (tingnan sa Lucas 8:2)—kaya sabik siyang nagpunta sa nag-iisang bagay sa lupa na naiwan Niya sa kanya: ang Kanyang libingan. At, sa matalinghagang pagsasalita, hindi niya hinintay na lumisan ang kadiliman at magliwanag ang kanyang landas. Gumawa siya ng mga hakbang ng pananampalataya sa kadiliman.
“Hindi Namin Alam”
Noong una, ang pagpunta sa libingan ay hindi nagbigay kay Maria ng perpektong pang-unawa. Sa katunayan, ang nakita niya roon ay nagdagdag ng iba pang mga tanong, ng higit na pagkalito. Paano naalis ang bato? Bakit wala ang katawan ni Jesus sa libingan? Nasaan Siya?
Para sa atin, ngayon, malinaw at maluwalhati ang mga sagot. Ngunit para kay Maria ay hindi—hindi pa. Sa pagtatangkang maunawaan ang nakita niya, naisip ni Maria sa huli, “Kinuha nila sa libingan ang Panginoon, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay” (Juan 20:2). Pagkatapos ay tumakbo siya kina Pedro at Juan para iulat ang pagnanakaw.
Sa nakababagabag na ideyang iyon na nasa kanya pa ring isipan, bumalik si Maria sa libingan. Doon ay nakakita siya ng dalawang anghel na nakaupo kung saan nakahimlay si Jesus—malinaw na katibayan na may nangyayaring makalangit. Subalit patuloy na ipinahayag ni Maria ang kanyang maling palagay na may nagnakaw sa katawan ni Jesus. (Tingnan sa Juan 20:11–13.)
“Ngunit si Maria ay Nakatayo”
Gayunman, kahanga-hanga na hindi nilisan ni Maria ang libingan. Kahit nalilito, kahit hindi nasagot ang lahat ng kanyang tanong, nanatili siya—umiiyak, naghahanap, patuloy na nagtatanong (tingnan sa Juan 20:10–11). Nanatili siya, hindi dahil naunawaan niya ang lahat kundi dahil mahal niya ang kanyang Panginoon. Sa kabila ng kanyang kawalang-katiyakan, nanatiling totoo na minahal ni Maria ang Tagapagligtas. Pagmamahal, hindi kaalaman, ang naghatid sa kanya sa libingan, at pagmamahal ang nagpanatili sa kanya roon.
At dahil nanatili siya, nasa tamang lugar siya sa tamang panahon para matanggap ang mga sagot na kinailangan niya nang dumating ang mga iyon sa wakas.
“Maria”
Unti-unting dumating ang pag-unawa. Nakita ni Maria ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas na nakatayo sa halamanan; kinausap niya ang Tagapagligtas, at kinausap siya ng Tagapagligtas. Ngunit hindi niya Siya nakilala noong una. Nang sambitin ni Jesus ang pangalan ni Maria ay saka lamang nito natanto kung sino Siya. (Tingnan sa Juan 20:14–16.) Bakit ganoon? Ano ang tungkol sa pagtawag ng Tagapagligtas kay Maria sa pangalan na mukhang mas makapangyarihang saksi sa kanya kaysa sa nakita at narinig niya? Alam ni Maria kung ano ang hitsura ni Jesus. Alam niya ang Kanyang tinig. Ngunit mas malalim ang kanyang kaugnayan sa Tagapagligtas kaysa riyan. Kilala niya Siya. Nagkaroon siya ng personal na koneksiyon sa Kanya sa paglipas ng mga taon—na sinusundan Siya, pinakikinggan Siya, pinagagaling ng Kanyang kapangyarihan. Mukhang iyan ang dahilan kaya Siya ay nakilala niya sa huli.
Siguro dapat tayong maging higit na katulad ni Maria. Kailangan nating lahat ng lakas-ng-loob na gumawa ng mga hakbang ng pananampalataya habang “madilim pa.” Kapag nakararanas tayo ng nakababagabag na mga bagay, kapag ang mga tanong ay humahantong lamang sa iba pang mga tanong, kapag ang ating mga palagay sa mundo ay iniiwan tayong espirituwal na bulag, maaari tayong kumapit sa ating pagmamahal kay Jesucristo, tulad ni Maria. Makakabuo tayo ng ugnayan sa Kanya na napakatibay kaya nagtitiwala tayo sa Kanya nang higit kaysa pagtitiwala natin sa ating mga pisikal na pandamdam. Marahil ang ating pagmamahal sa Tagapagligtas ay mapapanatili tayong malapit sa Kanya , anuman ang mangyari—hanggang sumikat ang araw sa huli at ang ating mga mata ay mabuksan, tulad ni Maria.