“Ang Pinakamainam na Maibibigay Natin sa Ating Pamilya,” Liahona, Peb. 2026.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Ang Pinakamainam na Maibibigay Natin sa Ating Pamilya
Dapat nating gawin ang lahat ng makakaya natin para maipaabot ang kaalaman at mga pagpapala ng ebanghelyo sa ating mga anak at sa iba.
Paglalarawan ni Casey Nelson
Noong bata ako, nahirapan ang mga magulang ko sa kanilang pagsasama, at naapektuhan nito ang aming pamilya. Nang malaman ito ng kaibigan ng nanay ko, sinabi niya sa nanay ko, “Pumarito ka kaya at matuto tungkol sa simbahan ko?” Sabi ng nanay ko, hindi sila handa ng tatay ko para doon. Sabi ng kaibigan niya, “Bakit hindi mo na lang pasamahin sa akin ang mga anak mo?” Limang taon ako noon. Walong taon ang ate ko.
Isinama kaming magkapatid ng butihing kaibigang ito sa simbahan nang ilang taon. Naaalala ko na naranasan ko ang kagalakan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Habang lumalago ang aking patotoo, ninais at ipinagdasal ko na matutuhan ng mga magulang ko kalaunan ang ebanghelyo. Nang magpasiya ang ate ko na magpabinyag, nadama ng mga magulang ko na kailangan nilang matuto nang kaunti tungkol sa Simbahan.
Nang magsimulang mag-aral ang mga magulang ko tungkol sa katotohanan ng ebanghelyo, nakita ko ang pagbabago ng puso nila. Nagpakumbaba sila, at nagawa nilang tanggapin ang ebanghelyo. Isang taon matapos silang sumapi sa Simbahan, nagwalong taong gulang ako at bininyagan ako ng tatay ko. Dininig at sinagot ng Ama sa Langit ang mga panalangin ko.
Makalipas ang tatlong taon, inilaan ang Mexico City Mexico Temple. Nagkaroon ako ng pagkakataong makapunta roon kasama ang aking pamilya. Lumuhod kami sa isang magandang altar para mabuklod magpakailanman, at nagalak sa mga pangako at pag-asang hatid ni Jesucristo at ng Kanyang ebanghelyo. Makalipas ang ilang taon, nabuklod kami ng aking asawa sa bahay ring iyon ng Panginoon.
Naaalala ko noong isilang ang panganay kong anak. Sa magiliw na mga sandaling iyon nang yakapin ko siya, napuspos ako ng kadalisayan ng aking munting anak at ng likas na pagmamahal at hangarin ko bilang kanyang ama na protektahan siya, maglaan para sa kanya, at ituro sa kanya ang pinakamainam sa abot ng makakaya ko. Iniisip ang mga kalagayan ng makasalanang mundong ito at ang pagsilang dito ng aking anak kamakailan lang, nagkaroon ako ng matinding pag-asa at responsibilidad dahil sa mga tipang ginawa naming mag-asawa sa Panginoon sa templo. Natanto ko na ang pinakamainam na maaari kong ituro sa aking anak—at, sa paglipas ng panahon, sa lahat ng anak ko—ay ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ito mismo ang ginagawa ng Panginoon sa atin sa simula pa lang.
Isang Sagradong Responsibilidad
Iniutos ng Panginoon kay Adan na ituro sa kanyang mga anak “na ang lahat ng tao, sa lahat ng dako, ay kinakailangang magsisi, o sila sa anumang paraan ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos. …
“Samakatwid, ako ay nagbibigay sa iyo ng isang kautusan, na malayang ituro ang mga bagay na ito sa iyong mga anak, nagsasabing:
“… Kayo ay kinakailangang isilang na muli sa kaharian ng langit, sa tubig, at sa Espiritu, at malinisan sa pamamagitan ng dugo, maging ng dugo ng aking Bugtong na Anak; upang kayo ay mapabanal mula sa lahat ng kasalanan, at magtamasa ng mga salita ng buhay na walang hanggan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating. …
“At ngayon, masdan, sinasabi ko sa iyo: Ito ang plano ng kaligtasan sa lahat ng tao” (Moises 6:57–59, 62).
Ang pamilya ang pinakamagandang lugar para matuto tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo. Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, “Ideyal na parehong nariyan [ang ama at ang ina], na may iba’t ibang kaloob para gumabay sa [paglaki ng kanilang mga anak].” Ngunit kahit hindi ideyal ang mga sitwasyon, maituturo pa rin natin sa ating mga anak ang doktrina ni Cristo at ang kahalagahan ng pagtanggap at paggamit ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa kanilang buhay. At, sana, umusbong ang ebanghelyo sa puso nila.
Tinutulungan tayo ng ebanghelyo na turuan ang ating mga anak na matutuhan ang kaibhan ng mabuti sa masama. Kung minsan, kailangan nilang “[matikman] ang pait, upang kanilang matutuhang pahalagahan ang mabuti” (Moises 6:55). Habang natututo ang ating mga anak, sila ay “malayang makapipili [para] sa kanilang sarili” (Moises 6:56). Maaari nilang piliing sundin o ipasiyang huwag sundin ang ating itinuturo, ngunit hindi tayo nag-iisa habang ginagampanan natin ang sagradong responsibilidad na ito.
Ang Kaloob na Espiritu Santo
Kung tayo ay maniniwala kay Jesucristo, magsisisi, at mabibinyagan, sinabi ng Panginoon, “[Kayo] ay tatanggap ng kaloob na Espiritu Santo” (Moises 6:52). Isa ito sa pinakadakilang mga kaloob na matatanggap natin. Wala nang mas dakilang kasama na maglilinis at magpapabanal sa atin at magpapabago sa ating likas na pagkatao, “na ginagawa tayong mas banal, mas ganap, mas [ka]tulad ng Diyos (tingnan sa 3 Nephi 27:20).”
Dapat nating gawin ang lahat ng ating makakaya para matulungan ang ating mga anak at ang iba na malaman na ang Espiritu Santo ay tunay na isang pagpapala at mahalagang kaloob mula sa Diyos. Ang Espiritu Santo “ay ibinigay upang manatili sa [atin]; ang patotoo ng langit; ang Mang-aaliw; ang mga mapagpayapang bagay ng kawalang-kamatayang kaluwalhatian; ang katotohanan ng lahat ng bagay; yaong nagpapasigla sa lahat ng bagay, na nagbibigay-buhay sa lahat ng bagay; na nakaaalam ng lahat ng bagay” (Moises 6:61).
Kabilang sa pinakamaiinam na bagay na magagawa natin para sa ating pamilya ay tulungan silang matutong umasa sa Diyos sa buong buhay nila at maging masigasig upang makasama nila palagi ang Espiritu Santo.
Sulit ang Bawat Pagsisikap
Nagpapasalamat ako para sa kaalaman ko tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo. Nagpapasalamat ako sa responsibilidad at pribilehiyo naming mag-asawa na ipaabot ang kaalamang ito at ang mga pagpapala ng ebanghelyo sa aming mga anak at sa iba.
Ito ay isang tuluy-tuloy na proseso. Sinisikap pa rin naming mag-asawa na turuan ang aming mga anak, at gumagawa sila ng sarili nilang mga desisyon batay sa kalayaang ibinigay ng Diyos sa kanila. Ang patuloy na pagtuturo ng mga bagay na ito nang malaya sa ating mga anak ang pinakamainam na magagawa natin para sa kanila, at sulit ang bawat pagsisikap. Alam ko ito dahil naranasan ko ito. Nakita ko kung paano ako napadalisay ng Tagapagligtas at ng Kanyang ebanghelyo pati na ang aking mga hangarin. Hindi ko maisip kung ano ang magiging buhay ko kung hindi nangyari ito. Ano kaya ang mangyayari sa pamilya ko na lumaki sa isang maliit na bayan sa gitna ng Mexico kung hindi namin natagpuan ang ipinanumbalik na ebanghelyo? Hindi ko talaga alam kung ano ang magiging buhay ko kung wala ang ipinanumbalik na ebanghelyo.
Sulit ang bawat pagsisikap na tanggapin ang paanyaya ng Tagapagligtas na sikaping maging sakdal na tulad Niya at ng ating Ama sa Langit (tingnan sa 3 Nephi 12:48) at hikayatin ang ating mga mahal sa buhay na gawin din ito. Kapag ginawa natin ito, magiging banal tayo kalaunan tulad Nila. At bagama’t nakakaranas tayo ng kalupitan, paghihirap, at kawalang-katarungan sa buhay na ito, may pag-asa sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo (tingnan sa Moroni 7:41). Ang mga ordenansa at tipan ng Kanyang ebanghelyo ay nagbibigkis sa atin—at sa ating pamilya—sa Kanya at sa ating Ama sa Langit, na ginawa ang lahat ng posibleng gawin para sa ating walang-hanggang kaligayahan.
Nawa’y sikapin nating gawin ang lahat ng ating makakaya para matulungan ang ating mga anak at mga mahal sa buhay na ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ito ang pinakamainam na maibibigay natin sa kanila ngayon at magpakailanman.