2021
Ang mga Alituntunin ng Aking Ebanghelyo
Mayo 2021


“Ang mga Alituntunin ng Aking Ebanghelyo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Mayo 2021.

Sesyon sa Linggo ng Hapon

Ang mga Alituntunin ng Aking Ebanghelyo (Doktrina at mga Tipan 42:12)

Mga Sipi

barko

Larawan mula sa Getty Images

Ang isang alituntunin ng ebanghelyo ay isang gabay na nakabatay sa doktrina para sa matwid na paggamit ng kalayaang pumili. Ang mga alituntunin ay nagmumula sa mas malawak na mga katotohanan ng ebanghelyo at nagbibigay ng patnubay at mga pamantayan habang patuloy tayo sa paglakad sa landas ng tipan. …

Ang pag-alam, pag-unawa, at pamumuhay sa mga alituntunin ng ebanghelyo ay nagpapalakas sa ating pananampalataya sa Tagapagligtas, nagpapalalim ng ating katapatan sa Kanya, at nag-aanyaya ng maraming pagpapala at espirituwal na kaloob sa ating buhay. Ang mga alituntunin ng kabutihan ay tumutulong din sa atin na huwag magtuon sa pansariling kagustuhan at makasariling hangarin sa pamamagitan ng paglalaan ng mahalagang pananaw ng walang-hanggang katotohanan habang pinagdaraanan natin ang iba’t ibang kalagayan, hamon, desisyon, at karanasan ng mortalidad. …

Nang mabilanggo si Joseph Smith sa Liberty Jail, sumulat siya ng mga liham na nagtatagubilin sa mga miyembro at lider ng Simbahan at ipinaalala sa kanila na “isang malaking sasakyang-dagat [ang] labis na natutulungan ng isang napakaliit na timon sa oras ng bagyo, sa pamamagitan ng paggamit nito nang naaayon sa hangin at mga alon” [Doktrina at mga Tipan 123:16].

Ang “timon” ay isang manibela o tiller at nakakabit na kagamitan na ginagamit sa pag-ugit ng isang barko o bangka. At ang ibig sabihin ng “paggamit nito nang naaayon sa hangin at mga alon” ay pag-ugit ng barko para mapanatili nito ang balanse at hindi lumubog kapag may bagyo.

Tulad ng timon na gumagabay sa isang barko gayon din ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa atin. Dahil sa mga wastong alituntunin, magagawa nating mahanap ang daan at makatayong matibay, matatag, at hindi matitinag nang sa gayon ay makapagbalanse tayo at hindi mahulog sa nagngangalit na mga unos ng kadiliman at pagkalito sa mga huling araw.