“Mga Pusong Magkakasama,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Mayo 2021.
Sesyon
Mga Pusong Magkakasama
Mga Sipi
Nang tanungin, “Guro, alin ba ang dakilang utos?” sumagot ang Tagapagligtas na “ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo,” na sinundan ng, “Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili” [Mateo 22:36–39]. Ang tugon ng Tagapagligtas ay nagpapatibay sa ating makalangit na tungkulin. Iniutos ng isang sinaunang propeta “na hindi nararapat na magkaroon ng pakikipag-alitan sa isa’t isa, sa halip [tayo] ay [umasam] … na ang [ating] mga puso ay magkakasama sa pagkakaisa at sa pag-ibig sa isa’t isa” [Mosias 18:21, idinagdag ang pagbibigay-diin]. …
Ngayon, para sa mga kabataang lalaki at babae, habang tumatanda kayo, ang panunukso sa iba ay maaaring humantong sa kapahamakan ng iba. Ang pagkabalisa, depresyon, at mas malala pa riyan ay kadalasang resulta ng pambu-bully. …
Malinaw na ginagamit ito ng kaaway upang pinsalain ang henerasyon ninyo. Dapat ay walang puwang para dito sa inyong cyberspace, mga kapaligiran, paaralan, korum, o klase. Gawin sana ninyo ang lahat ng makakaya ninyo para gawing mas mapagmalasakit at ligtas ang mga lugar na ito. …
… Habang pinakikitunguhan ninyo ang iba nang may kabaitan, malasakit, at habag, kahit sa pamamagitan ng teknolohiya, ipinapangako ko na maiaangat ninyo ang mga kamay na nakababa at mapagagaling ninyo ang mga puso. …
Sikapin nawa ng bawat isa sa atin, anuman ang edad, na magpakabuti.
Kahit sinisikap ninyong pakitunguhan ang iba nang may pagmamahal, paggalang, at kabaitan, walang duda na masasaktan kayo o maaapektuhan nang hindi maganda sa masasamang pagpapasiya ng ibang tao. Kung gayon ay ano ang gagawin natin? Susundin natin ang payo ng Panginoon na “ibigin ninyo ang inyong mga kaaway … at ipanalangin ninyo ang mga umaapi sa inyo” [Lucas 6:27–28].
Kapag naghatid sa atin ng paghihirap at pagdurusa ang mapamintas, negatibo, maging ang masasamang gawain ng iba, maaari nating piliing umasa kay Cristo. Ang pag-asang ito ay nagmumula sa Kanyang paanyaya at pangakong “magalak, sapagkat akin kayong aakayin” [Doktrina at mga Tipan 78:18] at na Kanyang ilalaan ang inyong mga paghihirap para sa inyong kapakinabangan [tingnan sa 2 Nephi 2:2].