2021
Masdan! Ako ay Diyos ng mga Himala
Mayo 2021


“Masdan! Ako ay Diyos ng mga Himala,“ Para sa Lakas ng mga Kabataan, Mayo 2021.

Sesyon sa Linggo ng Hapon

“Masdan! Ako ay Diyos ng mga Himala”

Mga Sipi

tanawin ng bundok

Sagana ang mga himala, tanda, at kababalaghan sa mga alagad ni Jesucristo ngayon, sa inyong buhay at sa akin. Ang mga himala ay mga banal na gawa, pagpapakita, at pagpapahayag ng walang-hanggang kapangyarihan ng Diyos at isang pagpapatibay na Siya “rin ang kahapon, ngayon, at magpakailanman” [Moroni 10:19]. Si Jesucristo, na lumikha sa mga dagat, ay mapapayapa ang mga ito; Siya na nagbigay ng paningin sa bulag ay maiaangat ang ating tingin sa langit; Siya na naglinis sa mga ketongin ay mapapagaling ang ating mga kahinaan; Siya na nagpagaling sa lalaking hindi makalakad ay maaari tayong ibangon sa pagsasabing “Pumarito ka, sumunod ka sa akin” [Lucas 18:22].

Marami sa inyo ang nakasaksi na ng mga himala, nang higit kaysa inaakala ninyo. Maaaring tila maliit ang mga ito kumpara sa pagpapabangon ni Jesus sa patay. Ngunit hindi natutukoy ang himala sa laki, kundi na ito ay nagmula lamang sa Diyos. …

May mga pagkakataon na umaasa tayo sa isang himalang mapagaling ang isang mahal sa buhay, na maitama ang isang kawalang-katarungan, o lumambot ang puso ng isang kaluluwang nasasaktan o dismayado. Sa pagtingin sa mga bagay gamit ang mortal na mga mata, nais nating mamagitan ang Panginoon, na ayusin ang nasira. Sa pamamagitan ng pananampalataya, darating ang himala, bagama’t maaaring hindi ayon sa ating takdang panahon o sa ipinasiya natin. …

Ipinaalala na sa atin ng Panginoon, “Ni ang inyong mga pamamaraan ay aking mga pamamaraan” [Isaias 55:8]. Ang alok Niya, “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan” [Mateo 11:28]—kapahingahan mula sa pag-aalala, pagkasiphayo, takot, pagsuway, pag-aalala sa mga mahal sa buhay, sa nawala o nasirang mga pangarap. Ang kapayapaan sa gitna ng pagkalito o kalungkutan ay isang himala.