“Si Cristo ay Nagbangon; Ang Pananampalataya sa Kanya ay Makapagpapalipat ng mga Bundok,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Mayo 2021.
Sesyon sa Linggo ng Umaga
Si Cristo ay Nagbangon; Ang Pananampalataya sa Kanya ay Makapagpapalipat ng mga Bundok
Mga Sipi
Ang pananampalataya kay Jesucristo ang saligan ng lahat ng paniniwala at paraan sa pagtatamo ng banal na kapangyarihan. …
Lahat ng mabuti sa buhay—lahat ng pagpapala na maaaring matamo na may walang-hanggang kahalagahan—ay nagsisimula sa pananampalataya. Ang tulutan ang Diyos na manaig sa ating buhay ay nagsisimula sa pananampalataya na handa Niya tayong gabayan. …
Mahal kong mga kapatid, ang pakiusap ko sa inyo sa umagang ito ng Pasko ng Pagkabuhay ay dagdagan simula sa araw na ito ang inyong pananampalataya. Sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, daragdagan ni Jesucristo ang inyong kakayahang maglipat ng mga bundok sa inyong buhay. …
Ang inyong mga bundok ay maaaring kalungkutan, pag-aalinlangan, karamdaman, o iba pang mga personal na problema. Magkakaiba ang mga bundok ninyo, ngunit ang sagot sa bawat isa sa inyong mga problema ay dagdagan ang inyong pananampalataya. …
… Magbibigay ako ng limang mungkahi na tutulong sa inyo na magkaroon ng gayong pananampalataya at tiwala.
Una, mag-aral. …
Pangalawa, piliing maniwala kay Jesucristo. …
Pangatlo, kumilos nang may pananampalataya. …
Pang-apat, tumanggap ng mga sagradong ordenansa nang karapat-dapat. …
At panglima, humingi ng tulong sa inyong Ama sa Langit, sa pangalan ni Jesucristo. …
Ang pananampalataya kay Jesucristo ang pinakadakilang kapangyarihang matatamo natin sa buhay na ito. Ang lahat ng bagay ay posible sa kanila na nananampalataya [tingnan sa Marcos 9:23].
Ang inyong lumalaking pananampalataya sa Kanya ay makapagpapalipat ng mga bundok—hindi ng mga bundok ng bato na nagpapaganda sa mundo kundi ng mga bundok ng kapighatian sa inyong buhay. Ang inyong lumalagong pananampalataya ay tutulong sa inyo na magawang walang kapantay na pag-unlad at oportunidad ang mga pagsubok.
Sa Linggong ito ng Pasko ng Pagkabuhay, nang may matinding pagmamahal at pasasalamat, ipinahahayag ko ang aking patotoo na si Jesucristo ay tunay ngang nagbangon. Siya ay nagbangon upang pamunuan ang Kanyang Simbahan. Siya ay nagbangon upang pagpalain ang buhay ng lahat ng anak ng Diyos, saanman sila naroon. Sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya, malilipat natin ang mga bundok sa ating buhay.