“Ang Nabaling Braso ni Lenkana,” Kaibigan, Pebrero 2026, 38–39.
Ang Nabaling Braso ni Lenkana
Paano ako maglalaro? Paano ako magsasaya?
Isang kuwento sa tunay na buhay mula sa Kenya.
“Ituloy mo lang ang pagtakbo, Lenkana!” sigaw ni Gideon.
Ngumiti si Lenkana at tumakbo nang mas mabilis, na nakatuon ang tingin sa football.
Mahilig sa mga laro si Lenkana. Naglalaro man siya sa labas kasama ang kanyang mga kaibigan pagkatapos ng mga klase sa paaralan o sa kanyang computer sa bahay, hindi niya mapigilang ngumiti at tumawa. Para kay Lenkana, ang mga laro ang pinakamainam na paraan para maging masaya. Tutal, paano siya magiging masaya kung hindi siya nag-e-enjoy?
Tumakbo si Lenkana nang mabilis hangga’t kaya niya para habulin ang bola. Ngunit biglang—BUUG! Nadapa siya at bumagsak nang malakas sa lupa. Sobrang sakit ng kanyang kamay.
“Aray!” sigaw niya. Nagtipon ang kanyang mga kaibigan sa paligid niya.
Tinawag ni Gideon ang nanay ni Lenkana at tinulungan siyang umupo. Sobrang sakit ng braso ni Lenkana kaya hindi niya mapigilang tumulo ang kanyang mga luha . Mabilis na dumating ang kanyang ina at agad siyang dinala sa ospital.
Sa ospital, tiningnan ng doktor ang kanyang braso. “May maliit kang bali,” sabi niya. “Lalagyan namin ng semento ang braso mo, at hindi magtatagal ay gagaling ito.”
Nalungkot si Lenkana. “Paano po ako maglalaro? Paano po ako magsasaya?”
Hinawakan ni Inay ang kanyang maayos na kamay at ngumiti. “Gagaling ka rin. Pero sa ngayon, maghanap tayo ng iba pang bagay na magpapaligaya sa iyo.”
Nang gabing iyon naupo si Lenkana sa kanyang higaan, na nalulungkot. Masakit ang braso niya, at ni hindi niya magamit ang computer para malaro ang mga paborito niyang laro.
Pagkatapos ay may ideyang pumasok sa kanyang isipan. Kapag nalulungkot ako, nagbabasa ako ng tungkol kay Jesus.
Dinampot niya ang kanyang mga banal na kasulatan at binuksan ang aklat ni Mateo. Binasa niya ang tungkol sa pagsilang ni Jesucristo. Pagkatapos ay binasa niya ang kuwento tungkol kay Juan Bautista na nagbibinyag kay Jesus. Ito ang mga paborito niyang kuwento sa Biblia. Sumigla ang kanyang pakiramdam habang binabasa niya ang mga ito.
Sa sandaling iyon, pumasok sa silid ang nakababata niyang kapatid.
“Hello, Lenkana!” sabi niya. “Hulaan mo kung ano ako!”
Gumawa ang kanyang kapatid ng nakakatawang ekpresyon sa mukha. Hindi nagtagal, humahalakhak na si Lenkana habang naglalaro sila ng hulaan. Gumaan ang pakiramdam niya.
Nang sumunod na Linggo, nakita ni Lenkana si Gideon sa simbahan.
“Kumusta ang braso mo?” tanong ni Gideon.
“Medyo masakit pa rin ito,” sabi ni Lenkana. “Pero masaya ako.”
Ikiniling ni Gideon ang ulo niya. “Ano ang nagpasaya sa iyo?”
Ngumisi si Lenkana. “Ang pamilya ko, kapatid ko, at si Jesus!”
Tumawa si Gideon. “Magandang sagot iyan.”
Habang nakaupo sila sa Primary, nakinig si Lenkana sa lesson tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ipinaliwanag ng kanyang mga guro kung paano nagdusa si Jesus upang makasamang muli ng lahat ang Ama sa Langit balang-araw. Sinabi nila na nauunawaan ni Jesus ang lahat ng ating nadarama—kung malungkot tayo at pati na rin kung masaya tayo.
Naging mas masaya ang puso ni Lenkana habang nakikinig siya. Alam niya na kahit hindi masyadong masaya ang buhay, maaari siyang patuloy na sumulong. Pasasayahin siya ng kanyang pamilya, at tutulungan siya ni Jesucristo na maging malakas. Hindi siya kailanman nag-iisa.
Mga paglalarawan ni Kimberlie Clinthorne-Wong