“Ang Sopa para Makapag-isip-isip,” Kaibigan, Peb. 2026, 4–5.
Ang Sopa para Makapag-isip-isip
Ano ang gagawin ni Jesus kung narito Siya?
Isang tunay na kuwento mula sa USA.
Ayaw umupo ni June sa sopa na ginagamit para makapag-isip-isip!
Sa kanyang pamilya, kailangan mong umupo sa malaki at maluwang na sopa kapag nakagawa ka ng masamang pagpili. Nitong huli, kinailangang umupo roon si June nang madalas, tulad nang magsinungaling siya o nagkalat sa kusina at ayaw maglinis. Pero kadalasan ay umuupo siya sa sopa para makapag-isip-isip matapos makipag-away sa kapatid niyang si Kelly.
Ngayo’y nakaupo si June sa isang panig at nakaupo si Kelly sa kabilang panig. Umupo sa tabi nila si Inay at itinuro ang larawan ni Jesucristo sa dingding.
“Isipin natin kung gaano kayo kamahal ng Tagapagligtas,” sabi ni Inay. “Ano ang gagawin Niya kung narito Siya? Ano ang gugustuhin Niyang gawin ninyo?”
Tumitig si June sa sahig. Ayaw niyang tingnan ang larawan. Alam niya na nais ni Jesus na maging mabait siya. Pero nag-alala rin siya na baka magalit Siya sa kanya dahil nakipag-away siya.
Makalipas ang ilang araw nang naroon ang kaibigan nilang si Samantha, matindi ang naging pag-aaway nina June at Kelly.
Matapos ng galit na pag-alis ni Kelly, galit na galit si June na para bang sasabog siya sa galit. “Ayaw ko nang makipaglaro kay Kelly. Salbahe siya palagi!”
“Pero gusto kong nakikipaglaro sa inyong dalawa,” sabi ni Samantha. “At hindi naman palaging salbahe si Kelly.”
“Pero, palagi siyang salbahe sa akin,” sabi ni June. “Sinisigawan niya ako at kung anu-ano ang itinatawag niya sa akin at … hinahampas niya ako!”
Nanlaki ang mga mata ni Samantha. “Hindi ko pa nakitang hinampas ka niya.”
“Hay, hinahampas niya ako,” sabi ni June. “Palagi!”
Mukhang malungkot si Samantha. Nagsimulang pumangit ang pakiramdam ni June. Bakit siya nagsisinungaling?
Napatingala si June nang tumunog ang pintuan. Naroon si Kelly. Narinig niya ang lahat! Tumakbo si Kelly palayo na umiiyak. Nalungkot si June.
Hindi nagtagal ay umuwi na si Samantha. Pero nanatiling nakaupo si June sa sahig. Pagkaraan ng ilang sandali, pumasok si Inay sa silid.
“Nagalit si Kelly,” sabi niya. “Ano’ng nangyari?”
Yumuko si June. “Um … nagsinungaling ako. Sinabi ko na hinahampas niya ako. Hindi naman iyon totoo. Dapat kausapin ko siya.”
Alam ni June na kailangan siyang humingi ng paumanhin. Pero paano kung hindi siya patawarin ni Kelly?
Matapos tumingin sa paligid, nakita ni June si Kelly na nakabaluktot sa sopa para makapag-isip-isip. Umupo siya sa tabi niya. Pero hindi niya alam kung ano ang sasabihin para gumanda ang mga bagay-bagay. Nagsimula siyang umiyak.
“Sorry,” sabi ni June. “Hindi ko alam kung bakit ako nagsinungaling. At talagang gusto kong makipaglaro sa iyo.”
Hinintay ni June na sumigaw si Kelly. Sa halip, umupo siya at niyakap nang mahigpit si June. “Pinapatawad na kita,” sabi nito.
“Ano?” ang gulat na sinabi ni June.
“Sorry din,” sabi ni Kelly. “Huwag na tayong mag-away.”
Pinunasan ni June ang kanyang mga mata. “Magandang ideya ‘yan.”
Tiningnan niya ang larawan ni Jesucristo. “Dati, nag-alala ako na baka magalit Siya sa akin dahil nakikipag-away ako,” sabi ni June. “Pero hindi ganoon si Jesus. Ano sa palagay mo ang gagawin Niya?”
“Sa palagay ko ay yayakapin Niya tayo nang mahigpit,” sabi ni Kelly. “At sasabihin Niyang maging mas mabait tayo sa isa’t isa.”
Ngumiti si June. “Palagay ko nga rin!”
Larawang-guhit ni Shawna J. C. Tenney