Kaibigan
“Sulit Ito sa Akin”
Pebrero 2026 Kaibigan


“Sulit Ito sa Akin,” Kaibigan, Pebrero 2026, 22–23.

Sulit Ito sa Akin”

Hindi sigurado si Max kung ano ang sasabihin, pero alam niya ang nadama niya.

Isang tunay na kuwento mula sa USA.

Sumasabay ang ulo ni Max sa ritmo ng awiting tumutugtog sa radyo ng kotse. Hindi na siya makapaghintay! Isasama siya ngayon ni Inay para makipaglaro sa pinsan niyang si Preston. Pero nang nasa kanyang paboritong bahagi na ang awitin, hininaan ni Inay ang musika. Sasabihin niya sana sa Inay niya na lakasan ito ulit pero nakita niya ang mukha nito sa salamin sa harapan. Mukhang medyo malungkot siya.

“Ano po’ng nangyari?” tanong ni Max.

“May dapat tayong pag-usapan bago tayo makarating sa bahay ni Preston,” sabi ni Inay. “Nagpasiya ang pamilya ni Preston na titigil na sila sa pagsisimba.”

Sabay na nabinyagan sina Max at Preston. Naisip niya ang lahat ng oras na magkasama silang nagsimba. Nalungkot siyang isipin na baka hindi na ulit mangyayari iyon.

“Bakit po?” tanong ni Max.

Bumuntong-hininga si Nanay. “Hindi na naniniwala ang mga magulang niya na totoo ang Simbahan. Medyo nagalit sa akin si Tiya Abby noong isang araw nang pag-usapan namin ang tungkol sa simbahan.”

Parang humigpit ang tiyan ni Max. “Paano kung magalit din sa akin si Preston tungkol dito?” bulong ni Max.

Tiningnan ni Inay si Max sa salamin. “Kung hindi ka sigurado kung ano ang sasabihin, makinig ka na lang. “Tutulungan ka ng Espiritu Santo na malaman ang gagawin. Anuman ang mangyari, pamilya natin sila, at lagi natin silang mamahalin.”

Medyo kinabahan si Max nang makarating siya sa bahay ni Preston, pero agad silang nag-usap at naglaro na parang normal lang. Pagkatapos ng kanilang paligsahan sa trampoline, pumasok sila para uminom. Natanto ni Max na halos oras na para sunduin siya ni Inay.

“Malapit na akong umalis,” sabi ni Max. “Sana, puwede pa akong magtagal.”

“Dapat dito ka na matulog ngayong gabi!” Iniabot ni Preston kay Max ang isang basong tubig.

Uminom si Max. “Hindi puwede. Kailangan kong gumising nang maaga bukas.”

“Para magsimba?” Tumawa si Preston. Hindi iyon pagtawa ng isang kaibigan. Hindi iyon nagustuhan ni Max.

“Dapat hindi ka muna magsimba,” sabi ni Preston. “Dito ka lang. Matutulog tayo nang matagal at pagkatapos ay maglalaro tayo buong maghapon. Kung magsisimba ka, kailangan mong magsuklay at tahimik na umupo habang nagsasalita ang mga tao tungkol sa nakakainip na bagay.” Pumikit siya at nagkunwaring natutulog. Pagkatapos ay nagmulat siya at muling tumawa. “Talaga bang sulit ito?”

Paglalarawan ng dalawang batang lalaking nakaupo sa tabi ng mesa at nag-uusap

Kinabahan si Max. Ano ang dapat niyang sabihin? Sumipsip siya ng tubig, huminga nang malalim, at tahimik na nanalangin para malaman ang gagawin. Pagkatapos ay ngumiti si Max at sinabi lang na, “Ang totoo … sulit ito sa akin.”

Dahan-dahang tumango si Preston. “OK,” sabi niya. “Maganda ‘yan. Sana lang, makapaglaro tayong muli
sa lalong madaling panahon.”

“Oo nga,” ngumiti si Max.

Habang pauwi, sinabi ni Max kay Inay ang nangyari.

Tahimik na nakinig si Inay at ngumiti. “Kita mo? Nakinig ka sa Espiritu Santo, at nalaman mo kung ano ang sasabihin.”

Naging masaya si Max. Natuwa siya na tinulungan siya ng Espiritu Santo na maging malakas ang loob at manindigan sa alam niyang tama.

PDF ng Kuwento

Paglalarawan ni Kavel Rafferty