“Matulunging mga Kamay na Masasaya,” Kaibigan, Peb. 2026, 18–19.
Matulunging mga Kamay na Masasaya
Lunar New Year noon, at handa nang maglingkod ang mga bata!
Totoong kuwento mula sa Taiwan.
Tuwang-tuwa sina Yu-Qian at Yu-He. Oras na para ipagdiwang ang Lunar New Year! Buong taon nilang hinintay ang espesyal na araw na ito.
Sa gabing iyon, ang buong pamilya nila ay magtitipon para sa isang malaking party. May masasarap na pagkain at magagandang paputok sa kalangitan. At sina Yu-Qian at Yu-He ay kapwa makatatanggap ng pulang sobre na may perang masuwerte.
Pero hindi lahat ay makapagdiriwang ngayong gabi na tulad ng dati. Maraming tao ang walang tahanan o kahit pamilya man lamang. Dahil dito ay nalungkot sina Yu-Qian at Yu-He. Gusto nilang tumulong. Kaya nagpasiya silang maghanda ng pagkain para sa mga taong nangangailangan nito. Sabik nilang hinintay ang pag-uwi ni Mama na may dalang mga suplay.
Sa wakas, dumating na si Mama at ang kanyang kaibigang si Mavis na may dalang mga grocery. Tumakbo si Yu-Qian para tulungan silang dalhin ang mga bag.
“Nakabalik na kayo!” sabi ni Yu-He. “Nabili n’yo po ba lahat?”
“Oo!” sabi ni Mama. “Magluluto tayo ng maraming taro porridge at mga egg tart para maipamigay.”
Nang sumunod na ilang oras, nagsikap nang husto sina Yu-Qian, Yu-He, Mama, at Mavis sa pagluluto ng pagkain. Nang tapos na sila, mayroon silang 20 lalagyan ng taro porridge at 30 egg tart! Mayroon din silang maraming kit na may mga tissue, bandage, hand wipe, at medyas.
“Maaari po ba kaming tumulong sa paghahatid ng lahat?” tanong ni Yu-He.
“Ibababa lang natin ang mga ito sa istasyon ng tren,” sabi ni Mavis. “Ibibigay ng isang charity group ang lahat ng ito sa mga taong nangangailangan nito.”
“OK lang,” sabi ni Yu-Qian. “Gusto pa rin naming sumama!”
Ngumiti si Mama. “Natutuwa ako sa inyo, mga bata, sa pagbibigay ng oras ngayong holiday para gawin ito.”
Matapos nilang ibaba ang mga supply, nagpaalam si Mavis at umalis na para umuwi.
“Oras na para umuwi na rin tayo,” sabi ni Mama.
“Sandali po,” sabi ni Yu-He. “Puwede po ba tayong maghintay at panoorin ang pagbibigay nila ng pagkain?”
Pinag-isipan iyon ni Mama. “Sige, may oras pa naman tayo. Dito na lang tayo magmasid.”
Naghintay ang mga bata at si Mama sa labas ng istasyon ng tren. Pinagmasdan nila ang mga miyembro ng charity na nagbigay ng pagkain at mga kit sa mga taong nagtipon sa labas. Mukhang tuwang-tuwa ang mga tao!
Tumuro si Yu-Qian. “Tingnan ninyo! Hayun na ang mga egg tart natin!”
“At ang mga supply kit natin!” sabi ni Yu-He.
Natahimik ang mga bata. May nadama silang pamilyar na damdamin, at naging masaya ang puso nila. Alam nila na nagmula ito sa Espiritu Santo.
Sa daan pauwi, hindi iniisip nina Yu-Qian at Yu-He ang pagkain, mga regalo, paputok, at larong naghihintay sa kanila. Iniisip nila ang mga taong tinulungan nila.
“Mama, ano na nga po ang talata na lagi ninyong binabanggit?” tanong ni Yu-Qian. “Ang isa kung saan sinabi ni Jesus, ‘ang pinakamaliit sa mga ito’?”
“Katotohanang sinasabi ko sa inyo, yamang ginawa ninyo ito sa isa sa pinakamaliit sa mga kapatid kong ito, ay sa akin ninyo ginawa,’” sabi ni Mama.
Nagngitian sina Yu-Qian at Yu-He. Masaya sila na may magagawa silang espesyal para kay Jesucristo sa espesyal na gabing ito.
Mga larawang-guhit ni Valentina Fontana