Kaibigan
Ang Pandaraya sa Cheetah Chase
Pebrero 2026 Kaibigan


“Ang Pandaraya sa Cheetah Chase,” Kaibigan, Pebrero 2026, 34-35.

Ang Pandaraya sa Cheetah Chase

Walang makakaalam kung magpapatuloy lang siya. Hindi naman iyon isang malaking bagay, ‘di ba?

Isang tunay na kuwento mula sa USA.

Mahigpit na hinawakan ni Emma ang kanyang lapis nang iabot ng kanyang guro ang mga papel.

“Oras na para sa ating Cheetah Chase,” sabi ni Bb. Malcolm. “Mayroon kayong limang minuto para gawin ang 93 tanong sa math. Lahat ng natapos sa oras ay maaaring magdagdag ng cheetah sticker sa kanilang chart.”

Talagang gusto ni Emma na magkaroon ng cheetah sticker. Kung nakakuha ka ng limang sticker, mananalo ka ng isang gantimpala! Ngunit napakahirap ng mga math problem sa Cheetah Chase.

“Handa na ba ang lahat?” Sabi ni Bb. Malcolm. “Simulan na!”

Paglalarawan ng batang babae na nag-iisip at nagsusulat sa papel habang napapaligiran ng mga problema sa math

Binuklat ni Emma ang kanyang papel at nagsimulang sagutin ang mga tanong. Kinailangan niyang pag-isipang mabuti ang bawat isa. Mahirap ito!

BZZZZZZZ! Tumunog na ang timer, kaya napatalon si Emma.

“Ibaba ang mga lapis!” Sabi ni Bb. Malcolm.

Itinago ni Emma ang kanyang papel gamit ang kanyang kamay at patuloy na nagsulat ng mga sagot. Hindi naman iyon malaking bagay kung patuloy siyang magsusulat, ‘di ba? Nagawa na niya ito dati, at walang nakapansin.

“Ipasa ang inyong papel sa katabi ninyo para sa pagmamarka,” sabi ni Bb. Malcolm.

Natapos ni Emma ang huling sagot bago ipasa ang kanyang papel.

Nang ibalik na kay Emma ang kanyang papel, nakita niya ang pulang 100% sa itaas. Pero hindi maganda ang pakiramdam niya.

“Ipakita ninyo sa aking lahat ang inyong mga papel para makuha ang mga sticker ninyo,” sabi ni Bb. Malcolm.

Naglakad si Emma papunta sa mesa ni Bb. Malcolm na hawak ang kanyang papel.

“Emma, puwede ka bang manatili rito nang isang minuto?” Sabi ni Bb. Malcolm.

Habang nag-uusap ang lahat, bumaling si Bb. Malcolm kay Emma. “Patuloy ka bang sumagot ng mga tanong kahit tumunog na ang timer?”

Talagang nag-init ang mukha ni Emma. Tumango siya at tumingin sa ibaba. “Opo.”

“Nagawa mo na ba iyan noon?”

Umiling si Emma. “Hindi po.” Pero nadama niya na naging mas mainit ang mukha niya. Nandaya na siya dati. At ngayon, nagsinungaling siya.

“Hindi kita mabibigyan ng cheetah sticker maliban kung susundin mo ang mga patakaran. Nauunawaan mo ba ako?”

Tumango si Emma. Pagkatapos ay naglakad siya papunta sa kanyang upuan na nakayuko.

Paglalarawan ng isang cheetah sticker

Sa buong maghapon sa eskuwela, nadama ni Emma na sinisikmura siya. Nalungkot siya dahil nandaya siya. Nalungkot siya dahil nagsinungaling siya. Ayaw niya ang pakiramdam na ito!

Pagkatapos ng klase, kinausap ni Emma si Inay. “Hindi po maganda ang pakiramdam ko,” sabi niya.

“Ano’ng problema?” tanong ni Inay.

Biglang kinabahan si Emma. Dapat ba niyang sabihin kay Inay ang ginawa niya?

Huminga siya nang malalim. “Nandaya ako sa paaralan kanina.” Iyon ang unang pagkakataon na sinabi niya ito nang malakas. Parang nawala ang pananakit ng tiyan niya. “At nagawa ko na po ito dati. Masama po ang pakiramdam ko.”

Niyakap ni Inay si Emma. “Salamat sa pagsasabi sa akin. Alam mong mali ang pandaraya. Bakit mo ito ginawa?”

“Dahil talagang gusto ko po ng cheetah sticker, pero hindi ko po natapos ang mga math problem sa tamang oras.”

Tumango si Inay. “Ano sa palagay mo ang dapat mong gawin ngayon?”

Nag-isip si Emma. “Dapat po akong manalangin sa Ama sa Langit para humihingi ng patawad sa hindi pagiging tapat. Pagkatapos ay sasabihin ko po ito sa titser ko.”

“Ayos ’yan.” Ngumiti si Inay. “At matutulungan kitang magpraktis ng math para maging handa ka sa susunod na Cheetah Chase.”

“Salamat po, Inay,” sabi ni Emma. Pagkatapos ay lumuhod sila ni Inay para manalangin. Nakadama si Emma ng sigla. Natuwa siya na nagpasiya siyang magsisi.

Paglalarawan ng batang babae at ina na magkasamang nagdarasal

Matapos niyang magdasal, sumulat si Emma ng email sa kanyang guro. Sinabi niya ang katotohanan at humihingi siya ng tawad sa pandaraya. Nangako siyang hindi na niya ito gagawing muli.

Matapos iklik ang send, gumaan ang pakiramdam ni Emma. Alam niyang maaaring burahin ni Bb. Malcolm ang kanyang cheetah sticker sa kanyang chart. Pero OK lang iyon. Mula ngayon ay magkakamit siya ng gantimpala sa tapat na paraan.

PDF ng Kuwento

Mga paglalarawan ni Anny Chen