2024
Sapat ang Tapang
Disyembre 2024


“Sapat ang Tapang,” Kaibigan, Disyembre 2024, 40–41.

Sapat ang Tapang

Natigilan si Terry. Hindi niya akalain na may mga batang hindi niya kilala sa play practice.

Ang kuwentong ito ay nangyari sa Taiwan.

Batang lalaking mukhang takot sa entablado

“Handa ka na ba?” Sumilip ang ate ni Terry na si Hailey sa kuwarto niya. “Oras na para magpraktis para sa dula-dulaang Pamasko.”

Oo nga! Kasama sa espesyal na dula-dulaan sina Terry at Hailey para sa kanilang ward Christmas party.

“Halos handa na!” Isinuot ni Terry ang jacket niya at lumabas sa pinto sa harapan. “Sino pa ba ang pupunta doon?”

“Sina Mia at Jake. At ilang bata mula sa eskuwelahan ni Jake,” sabi ni Inay. “Ang ibang mga bata ay hindi sa atin nagsisimba, pero sabik din silang tumulong.”

Nabigla si Terry. Hindi niya akalain na may mga batang hindi niya kilala na kasama sa praktis. Walang paraan para maging sapat ang tapang niya para bigkasin ang kanyang mga linya sa harap nila.

“Ayoko nang magpunta,” sabi ni Terry.

“Bakit naman?” tanong ni Inay.

“Hindi ko po kilala ang ibang mga bata,” sabi ni Terry. Lagi siyang kinakabahang makipag-usap sa mga bagong kakilala.

“Pero pwede kang magkaroon ng mga bagong kaibigan. At kasama mo naman ako,” sabi ni Hailey.

Umiling si Terry. “Baka sa susunod na lang. Puwede po bang praktisin na muna natin sa bahay ang mga linya ko sa ngayon?”

Tumango si Inay. “OK. Pero kung gusto mong makasama sa dula-dulaan, kailangan mong makipagpraktis sa iba pang mga bata sa lalong madaling panahon.”

Gusto ni Terry na nagpapraktis sa bahay. Madali lang iyon! Pero alam niya na kailangan din niyang magpraktis na kasama ang iba pang mga bata.

Sa panalangin ng pamilya makalipas ang ilang gabi, nagkaroon ng ideya si Terry.

“Puwede po ba nating ipagdasal na magkaroon ako ng lakas-ng-loob na sumali sa praktis?” sabi ni Terry. “Baka matulungan po ako ng Ama sa Langit.”

“Oo naman,” sabi ni Itay. “Magandang ideya.”

Pumikit silang lahat at humalukipkip.

“Mahal naming Ama sa Langit,” panalangin ni Itay, “pakitulungan po sana Ninyo si Terry na magkaroon ng lakas-ng-loob na pumunta sa praktis ng dula-dulaan.”

Sa araw ng sumunod na praktis, pumasok si Terry sa simbahan kasama sina Inay at Hailey. Mabilis ang tibok ng puso niya, pero gusto niyang subukan. Nadama niya na handa na siya. Tinutulungan siguro ako ng Ama sa Langit at ni Jesus! naisip niya.

“Terry! Tuwang-tuwa kaming makita ka,” sabi ni Sister Tee.

Ngumiti at tumango si Terry. Marami pang ibang bata na nagsasalita na at nagtatawanan. Nakita niya sina Jake at Mia. Pero hindi niya kilala ang iba.

Sinabihan ni Sister Tee ang mga bata kung saan sila uupo at kailan magsasalita habang nagpapraktis sila. Kabado pa rin si Terry na tumabi ng upo sa mga batang hindi niya kilala, pero pinilit niyang alalahanin ang panalangin ni Itay. Gumanda ang pakiramdam niya dahil doon.

Paulit-ulit nilang pinraktis ang mga kanta at linya nila. Nakakatuwa ang mga batang katabi ni Terry sa upuan. Napatawa siyang masyado ng mga ito!

Makalipas ang ilang araw, oras na para sa dula-dulaan. Ang simbahan ay dinekorasyunan ng maraming Christmas tree, ilaw, at laso. Lahat ay nakasuot ng pula at berde.

Halos hindi na kabado si Terry. Gusto na niyang makasama ang iba pang mga bata, kahit ang mga batang hindi niya kilala noon!

Sa dula-dulaan, maganda ang pakiramdam ni Terry. At nang siya na ang nagsalita, malakas at malinaw niyang sinabi ang mga linya niya.

Pagkatapos ng dula-dulaan, natagpuan ni Terry ang pamilya niya.

“Magaling!” sabi ni Itay.

Ngumiti si Inay. “Mukhang masaya ka.”

“Talaga po! Buti na lang nagkaroon ako ng sapat na tapang na gawin ito,” sabi ni Terry.

Hindi sana ito nagawa ni Terry kung wala sina Inay, Itay, Hailey, at ang Ama sa Langit. Ang paghingi ng tulong sa panalangin at pagiging matapang ay talagang sulit!

PDF

Larawang-guhit ni Lisa Hunt