2024
Mga Kandila sa Bisperas ng Pasko
Disyembre 2024


“Mga Kandila sa Bisperas ng Pasko,” Kaibigan, Disyembre 2024, 4–5.

Mga Kandila sa Bisperas ng Pasko

Nagningning ang buong sementeryo na parang puno ito ng mga bituin.

Ang kuwentong ito ay nangyari sa Finland.

Isang sementeryo na may mga kandila sa mga puntod

Tahimik na naglakad si Joska at ang kanyang pamilya sa niyebe. Bisperas ng Pasko noon, at ginagawa nila ang isa sa mga paborito nilang tradisyon. Taun-taon, binibisita ng mga tao sa Finland ang sementeryo para magsindi ng mga kandila sa mga puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.

Maraming maliwanag na kandilang kumikinang sa dilim. Kahit maginaw noon, naging komportable at payapa ang sementeryo.

Dinala sila ng mga magulang ni Joska sa isang puntod. “Sino po ito?” tanong ng kanyang bunsong kapatid na si Aasa.

“Tiyuhin ko ito,” sabi ni Inay.

Itinuro ni Turo, kuya ni Joska, ang mga petsang nakasulat sa lapida. “Isinilang siya mahigit isang daang taon na ang nakararaan!”

Isang pamilya na nasa sementeryo

“Tama. Pero bahagi pa rin siya ng pamilya natin.” Naglabas ng kandila si Inay. “Gusto mong sindihan ito, Joska?”

Tumango si Joska at sinindihan ang kandila. Pagkatapos ay maingat niya itong nilagyan ng takip na metal na may mga butas sa ibabaw. Hindi mapapatay ng hangin ang apoy dahil dito. Ipinatong niya ang kandila sa lupa sa harap ng puntod. Magandang tingnan ang banayad at maningning na liwanag.

Pumunta sila sa sumunod na puntod ng pamilya. Hinawakan ni Joska ang kamay ni Aasa nang maglakad sila.

“Bakit tayo nagsisindi ng kandila sa mga puntod?” tanong niya.

“Kasi mahalagang alalahanin ang mga kapamilya natin,” sabi niya.

“Kahit daang taon na ang nakaraan nang mabuhay sila?” tanong ni Aasa.

“Oo,” sabi ni Itay. “Lahat ng tita, tito, pinsan, at lolo’t lola natin ay bahagi ng pamilya natin. Isang malaking pamilya tayong lahat dahil kay Jesucristo.”

Naglabas ng isa pang kandila si Inay. Tinulungan ni Turo si Aasa na sindihan iyon.

“Pero bakit tayo nagsisindi ng kandila tuwing Pasko?” tanong ni Aasa.

Sandali itong pinag-isipan ni Joska. Maaari silang magsindi ng mga kandila sa sementeryo kahit sa ibang araw. Bakit sa Bisperas ng Pasko?

“Siguro dahil si Jesus ang Ilaw ng Sanlibutan,” sabi ni Joska.

Ngumiti si Inay. “Napakagandang sagot niyan. Palagay ko tama ka.” Tinulungan niya si Aasa na itayo ang kandila nito sa niyebe sa tabi ng puntod. “Si Jesucristo ang dahilan kaya maaari nating makapiling ang ating pamilya magpakailanman. At dahil nabuhay Siyang muli, lahat din tayo ay mabubuhay na muli.”

Umatras silang lahat para masdan ang mga ilaw. Nagningning ang buong sementeryo na parang puno ito ng mga bituin.

Masigla ang puso ni Joska nang maglakad sila pabalik sa kotse. Pagdating nila sa bahay, nagbubukas sila ng mga regalo at naglalaro ng mga game. Pero ngayon, masaya si Joska na nagkaroon siya ng tahimik na sandaling ito sa piling ng kanyang pamilya. Lagi siyang magpapasalamat sa liwanag ni Jesus.

PDF

Larawang-guhit ni Flavio Remontti