“Ang Pinakamagandang Regalo sa Lahat,” Kaibigan, Disyembre 2024, 36–37.
Ang Pinakamagandang Regalo sa Lahat
Nag-isip si Jessica kung nadama ba noon nina Jose at Mary na naligaw sila at nag-iisa, tulad ng nadama niya ngayon.
Ang kuwentong ito ay nangyari sa USA.
Hindi napalagay sa kaba si Jessica habang sakay ng kotse papunta sa ward ng tita at tito niya. Ilang araw na lang ay Pasko na, pero parang ayaw niyang magdiwang.
Sa simula ng linggong iyon nagkaroon ng sunog sa bahay niya. Ligtas ang lahat, pero natupok ang bahay nila. Marami sa mga gamit nila ang nasira. Si Jessica at ang kanyang nanay, kapatid na lalaki, at dalawang kapatid na babae ay nakitira na sa kanyang tito at tita hanggang sa makumpuni ang bahay nila.
Ngumiti ang tita ni Jessica sa kanya. “Alam ko na magiging masaya ka sa Primary namin,” sabi nito.
Hindi gaanong sigurado si Jessica. Kinabahan siyang dumalo sa ibang Primary. Wala naman akong kakilala, naisip niya. Magiging mabait kaya sila sa akin?
Sinikap ni Jessica na huwag mag-isip tungkol sa sunog habang papunta siya sa Primary. Hinawakan niya ang kamay ng pinsan niyang musmos na si Sam at tinulungan itong makaupo. Kumanta ang Primary ng mga Pamaskong awitin tungkol kay Jesus. Inisip ni Jessica kung paano napalayo sa kanilang tahanan sina Jose at Maria nang isilang si Jesus. Inisip niya kung nadama nila na naligaw sila at nag-iisa, tulad ng nadama niya ngayon.
Nang oras na ng klase, lalo pang kinabahan si Jessica. Nginitian siya ng isa pang batang babae. “Hi, ako si Anna. Gusto mo bang tumabi sa akin sa klase?”
Gumanti ng ngiti si Jessica. “Sige.”
Sa klase nagbasa sila sa mga banal na kasulatan tungkol sa pagsilang ni Jesucristo. Sinabi ng guro na si Sister Rios na ang Tagapagligtas ang pinakadakilang kaloob ng Ama sa Langit sa sanlibutan. “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak”* pagbasa niya sa klase.
Hindi pa naisip ni Jessica kailanman na isang regalo si Jesus. Naisip niya ang mga Pamaskong regalo nila na nasunog. Gustung-gusto niyang tumatanggap ng mga regalo at nalungkot siya na nawala na ang kanyang mga regalo. Pero mas mahal niya si Jesus at alam niya na hindi Siya lalayo kailanman.
Sa pagtatapos ng klase, naglabas si Sister Rios ng ilang maliliit na kahon mula sa bag niya. Bawat isa ay may maliit na lilok ng sanggol na si Jesus.
“May regalo ako para sa bawat isa sa inyo.” Sinimulang ipasa ni Sister Rios ang mga kahon. “Matutulungan kayo nitong maalala na mahal kayo ng Diyos kaya Niya isinugo ang Kanyang Anak para sa inyo.” Pagkatapos ay tumingin siya kay Jessica. “Jessica, sori talaga. Wala ako para sa iyo. Hindi ko alam na pupunta ka ngayon.”
Tumingin si Jessica sa kanyang mga kamay at pinilit na huwag umiyak. Hindi rin niya alam na pupunta siya rito. Inisip niya na sana ay nasa sariling tahanan nila siya, sa sarili niyang klase sa Primary para sa Pasko.
Maya-maya pa, may naglagay ng isang kahon sa kandungan niya. Tumingala siya at nakita si Anna na nakangiti sa kanya. “Maligayang Pasko!” Sa iyo na itong sa akin.”
Marahang hinawakan ni Jessica ang maliit na pigurin ng sanggol na si Jesus. “Salamat! Maligayang Pasko rin sa iyo!”
Pagkatapos ng simba, niyakap siya ni Inay. “Kumusta ang Primary?” tanong nito.
“Mabuti po! May nagregalo po nito sa akin.” Ngumiti si Jessica. “At nalaman ko na si Jesus ang pinakamagandang regalo sa lahat.”
Mga larawang-guhit ni Shawna J. C. Tenney