2024
Pagtatali ng Hallacas
Disyembre 2024


“Pagtatali ng Hallacas,” Kaibigan, Disyembre 2024, 10–11.

Pagtatali ng Hallacas

“Bakit hindi ako maaaring magkaroon ng mahalagang gawaing tulad ninyo o ni Inay?” tanong ni Ivette.

Ang kuwentong ito ay nangyari sa Venezuela.

Tumakbo si Ivette paakyat ng hagdan sa harapan ng bahay ng kanyang abuela (lola). Kasunod niya ang kanyang mga magulang. Pasko noon, at magdiriwang sila kasama ang buong pamilya.

Maraming tao sa bahay at maingay. Sa paligid niya, nagtatawanan at nagbibiruan ang mga kapamilya ni Ivette. Gustung-gusto nilang magtipon para gumawa ng hallacas, isang pagkain sa Venezuela kapag may holiday o pista-opisyal. Ngayong taon, nangako si Abuela kay Ivette na tutulong siya sa paggawa ng mga ito. Pasikut-sikot na nakiraan si Ivette sa mga tito, tita, at pinsan niya sa paghahanap kay Abuela.

“Ivette?” pagtawag ni Abuela. “Ivette, nasa’n ka?”

“Narito po ako, Abuela!” Tumakbo si Ivette papunta kay Abuela at niyakap ito. Pagkatapos ay tumingala siya, na patalun-talon sa tuwa. “Ano po ang espesyal na trabaho ko ngayong taon?”

“Sasabihin ko sa ‘yo maya-maya!” mahinang tumawa ni Abuela. “Una, ipapakita sa iyo ang mga trabaho ng iba pa para makita mo kung paano gawin ang hallacas.”

Lola at batang babaeng may hawak na mga dahon ng saging

Sinundan ni Ivette si Abuela sa mesa. Napuno ang paligid ng masarap na amoy ng sibuyas, karne, at mga pampalasa. Hindi siya makapaghintay na magsimula!

“Una,” sabi ni Abuela, “ihahanda ni Tita Carmen ang masa.”

Paggawa ng masa

Naglagay si Tita Carmen ng binilog na malambot na masa ng mais sa berdeng dahon ng saging. Pagkatapos ay pinisil-pisil niya ito nang pabilog.

“Sumunod, ilalagay ni Ana ang palaman,” sabi ni Abuela.

Karneng ipapalaman sa hallacas

Nilagyan ng nakatatandang pinsan ni Ivette na si Ana ng isang sandok ng pinakuluang karne ang masa. Nagdagdag siya ng olives, sili, pasas, at hinimay-himay na manok sa ibabaw.

“Ngayon ay itutupi ng nanay mo ang mga dahon.”

Marahang ibinilot ni Inay ang mga dahon nang perpektong parihaba.

Natapos ang hallaca

“Tayo na ang magtatrabaho, Ivette.” Ipinasa ni Abuela ang nakatiklop na hallaca kay Ivette. “Tatalian natin ito para magsara.”

Dumampot si Abuela ng isang pirasong cotton string. Maingat niyang tinalian nang paekis-ekis ang hallaca. “Ilagay mo ang daliri mo sa ibabaw para hindi ito gumalaw habang tinatapos ko ang buhol.”

Nanamlay si Ivette. Ginagawa-gawa lang nila ang trabahong ito, naisip niya. Hindi talaga nila ako kailangan.

“Bakit hindi ako maaaring magkaroon ng mahalagang trabahong tulad ninyo o ni Inay?” tanong niya na parang nayayamot.

Pagtatali sa hallaca

“Napakahalaga ng trabaho mo, Ivette.” Marahang inilapat ni Abuela ang daliri ni Ivette sa tali. “Kung wala ka rito para pigilan ang pisi, hindi natin maitatali ang hallacas para magsara. Tapos magsasabug-sabog ang mga ito habang niluluto. Masasayang ang pinaghirapan ng lahat. Lahat tayo ay may espesyal na bahagi sa paggawa ng hallacas—tulad ng lahat tayo ay may espesyal na bahagi sa pamilya ng Ama sa Langit.”

Isang espesyal na bahagi para lang sa kanya? Naisip iyon ni Ivette habang itinatali ni Abuela ang buhol sa ibabaw ng daliri niya. Inalis niya ang kanyang daliri sa buhol para mahigpitan ito ni Abuela.

“Kailangan tayong lahat sa pamilyang ito,” dagdag pa ni Inay. “Diyan tayo nananatiling matibay.”

Napatingin si Ivette sa pamilya niyang nakapaligid sa mesa. Lahat ay magkakaiba. Pinakamahusay ang tita niya sa pagbibiro. Masarap yumakap ang kanyang ina. At laging alam ni Abuela ang sasabihin para gumanda ang sitwasyon. Binigyan sila ng Ama sa Langit ng iba’t ibang mga kaloob, pero iyon ang dahilan kaya sila naging espesyal.

Isinama ni Abuela ang hallaca sa iba pang nasa basket. Lahat ay nalagyan na ng palaman, naitupi, at naitali ng mga miyembro ng pamilya ni Ivette, na bawat isa ay tumutulong sa iba’t ibang paraan.

Ngumiti si Ivette. Bawat miyembro ng kanyang pamilya ay may espesyal na lugar sa pamilya ng Ama sa Langit, tulad ng pagkakaroon nila ng espesyal na bahagi sa paggawa ng hallacas sa Pasko. Kahit si Ivette!

Ipinatong niya ang kanyang daliri sa kasunod na hallaca habang itinatali ito ni Abuela.

PDF

Mga larawang-guhit ni Denise Damanti