2024
Pag-alaala kay Jesus
Disyembre 2024


“Pag-alaala kay Jesus,” Kaibigan, Disyembre 2024, 18–19.

Pag-alaala kay Jesus

“Espesyal na aklat ito. Matutulungan ka nitong alalahanin si Jesucristo.”

Ang kuwentong ito ay nangyari sa USA.

Si Inay na sinusuklayan ang anak na babae

Nakamasid si Victoria sa salamin habang sinusuklayan siya ni Inay. Halos oras na para magsimba.

“Bakit po tayo nagsisimba?” tanong ni Victoria.

Ibinaba ni Inay ang hairbrush. “Nagsisimba tayo para tumanggap ng sakramento at matuto tungkol kay Jesucristo.”

“Pero bakit po?” tanong ni Victoria.

“Ipinapaalala sa atin ng tinapay at tubig kung paano nagdusa at namatay si Jesus para sa atin,” sabi ni Inay. “Kapag tumatanggap tayo ng sakramento, naaalala natin ang lahat ng mabubuting bagay na ginawa Niya. At nangangako tayo na sisikapin din nating gumawa ng mabubuting bagay.”

Ngumiti si Victoria. “Kaya puwede tayong maging katulad ni Jesus!”

“Tama!” Tinulungan ni Inay si Victoria na magsuot ng kanyang sapatos. “Ang pagsisikap na maging katulad ni Jesus ay nagpapasaya sa atin.”

Sa simbahan tahimik na nakaupo si Victoria sa tabi nina Inay at Itay. Hindi nagtagal ay oras na para sa sakramento. Yumuko siya at nakinig sa panalangin.

Pagkatapos ay may inilabas na aklat si Inay mula sa kanyang bag. “Espesyal na aklat ito,” bulong niya. “Matutulungan ka nitong alalahanin ang Tagapagligtas sa oras ng sakramento.”

Binuklat ni Victoria ang aklat. Maraming larawan ni Jesucristo roon. Ang isang larawan ay ipinakita Siya bilang isang sanggol sa sabsaban. Ang isa pa ay ipinakita na binibinyagan Siya. Naalala ni Victoria ang kuwentong iyon mula sa Primary. Mabibinyagan din siya balang-araw!

Iniabot ni Inay ang trey ng tinapay. Mapitagang kumuha ng isang piraso si Victoria. Pagkatapos ay muli niyang tiningnan ang kanyang aklat. Sa sumunod na pahina may isang larawan ni Jesus na nagdarasal sa isang halamanan. Alam ni Victoria na nagdusa Siya para sa mga kasalanan ng lahat at nadama ang kanilang pasakit at kalungkutan. Mahal na mahal Niya siguro kami, naisip niya.

Patuloy na binuklat ni Victoria ang mga pahina. Maraming larawan ang nagpakita kay Jesus na tumutulong sa iba. Sa isang larawan, nagtuturo Siya sa mga tao. Sa isa pa, pinagaling Niya ang isang bulag. May isa pa nga na kasama Niya ang mga bata.

Sumunod ay oras na para sa tubig. Yumuko si Victoria sa oras ng pagdarasal. Pagkatapos ay ipinasa sa kanya ni Inay ang trey.

Mag-inang tumatanggap ng sakramento

Kumuha si Victoria ng maliit na cup ng tubig para inumin. Naisip niya kung paano minahal ni Jesus ang iba. Sumaya ang puso niya. Ginusto rin niyang maging mabait at mapagmahal.

“Inay, gusto ko pong maging katulad ni Jesus,” bulong ni Victoria.

Ngumiti si Inay. “Nagpapasaya sa akin iyan. At alam ko na nagpapasaya rin iyan sa Kanya.”

Ngumiti rin si Victoria. Mahal niya si Jesucristo. Gusto niyang palagi Siyang alalahanin.

Nakangiting batang babae na hawak ang kanyang aklat ng pagpipitagan
PDF

Mga larawang-guhit ni Tammie Lyon