Pag-aangkop ng Lumang Tipan sa Inyong buhay
Oo, Kayo ay Isang Katiwala sa Mundo—Pero Huwag Matakot!
Ang pangangalaga sa kapaligaran ay isang mahalagang utos, pero hindi natin ito kailangang gawing kumplikado.
Polusyon. Pagiging kalbo ng kagubatan. Mga karagatang puno ng basura. Pagbabago ng klima.
Kapag naririnig ninyo ang mga salita at pariralang ito, maaari kayong mabalisa, mawalan ng pag-asa, o magwalang-bahala sa sobrang dami ng impormasyon.
Nitong mga nakaraang taon, itinuon ng social media ang ating pansin sa mga alalahanin sa ating kapaligiran, at mahalagang makita ang saklaw ng mga isyu. Pero kung minsan, sa gayon kalawak na pananaw ay maaaring mahirap matukoy kung ano ang inyong personal na responsibilidad—o kung bakit dapat muna ninyong gawin ito.
Ang solusyon? Pag-unawa sa inyong banal na tungkulin bilang katiwala ng mga likha ng Diyos.
Bakit Dapat Akong Magmalasakit?
Alam ba ninyo na inutusang tayong lahat ng Ama sa Langit na aktibong makibahagi sa pangangalaga sa mundo?
Sa Doktrina at mga Tipan 104:13, ipinaabot ng Panginoon ang napakahalagang paanyayang ito: “Sapagkat kinakailangan na ako, ang Panginoon, ay dapat panagutin ang bawat tao, bilang isang katiwala sa mga makalupang pagpapala, na aking ginawa at inihanda para sa aking mga nilalang.”
Kung hindi iyan sapat para kumilos, ipinahayag ng ating propeta sa makabagong panahon na si Pangulong Russell M. Nelson: “Bilang mga [makikinabang] sa banal na Paglikha, ano ang dapat nating gawin? Dapat nating pangalagaan ang mundo, maging matatalinong katiwala nito, at ingatan ito para sa mga darating na [henerasyon].”
Ang katiwala ay isang taong nagbabantay sa isang bagay na ipinagkatiwala sa kanya. Ibinigay ng Panginoon ang mundo sa inyong pangangalaga, at ang trabaho ninyo ay alagaan ito.
Madaling ipasa ang responsibilidad sa kapaligiran sa ibang tao o sa isang mas malaking entidad kaysa sa sarili ninyo kapag pakiramdam ninyo ay parang napakalaking problema nito na hindi ninyo kayang gawin nang mag-isa.
Ang pagbabago ng pananaw tungkol sa isang pandaigdigang responsibilidad at gawin itong personal na espirituwal na responsibilidad ang susi para hindi mahirapan. Tandaan: Kayo ay natatangi at kwalipikado sa inyong tungkulin bilang katiwala sa mundo dahil sa inyong banal na pagkatao bilang anak ng Diyos.
Saan Ako Magsisimula?
Kababasa pa lamang ninyo sa deskripsyon ng trabaho. Ano na ngayon ang gagawin ninyo? Oras na para alamin kung ano ang pinakamainam gawin batay sa mga alituntunin ng pananampalataya.
Narito ang 10 ideya para makapagsimula kayo:
-
Isara ang gripo kapag hindi ito ginagamit.
-
Maghanap ng masasayang paraan para ayusin at muling magamit ang mga lumang gamit.
-
Pumili ng mga alternatibong uri ng transportasyon kung maaari.
-
Simulan ang isang service project sa inyong komunidad.
-
Maging mas maingat sa inyong binibili. Itanong, “Gagamitin ko ba talaga nang matagal ang item na ito?”
-
Gumamit ng liwanag ng araw hangga’t maaari sa buong maghapon.
-
Laging alamin ang lokal na mga inisyatiba at batas sa pagsuporta sa mga lokal na proyekto. Maaaring ito ay kasing-simple ng pagsunod sa mga social media account ng inyong lokal na pamahalaan.
-
Pagandahin ang inyong kapaligiran. Damputin ang basura, subukang magtanim ng mga bulaklak o puno, at maging responsable kapag namamasyal.
-
Tulungan ang inyong kapwa. Isiping maghalaman, mag-alok ng transportasyon, o kunin ang ipapa-recycle nila para sa kanila kung wala silang sasakyan para gawin iyon.
-
Ipagdasal na malaman kung paano ninyo magagamit ang inyong mga talento at espirituwal na kaloob para maging mas mahusay na katiwala sa kapaligiran.
Paano Kung Wala Akong Makitang mga Resulta?
Ginawa na ninyo ang lahat ng nasa listahan, at puno pa rin ng basura ang karagatan, problema pa rin ang polusyon, at hindi pa nagiging mas positibo ang feedback sa inyong social media feed.
Teka lang! Bago kayo sumuko, alalahanin ang “dahilan” kung bakit mo ito ginagawa.
Sa isang debosyonal kamakailan, sinabi ng Relief Society General President na si Camille N. Johnson: “Mahalagang maunawaan natin ang koneksyon sa pagitan ng pangangalaga sa mundo at [ng] pangangalaga sa ating kapwa. Sa pangangalaga sa mundo, pagpapaganda ng ating lokal na kapaligiran, at pagtulong sa ating mga komunidad na maging mas [matatag], kumikilos tayo bilang matatalinong katiwala ng mundo upang pagpalain ang buhay ng ating kapwa.”
Bawat pagsisikap, gaano man kaliit, ay isa pang hakbang sa pagsunod sa utos ng Panginoon na kumilos bilang katiwala sa mga pagpapala sa mundo.
Hayaang Magalak ang Inyong Puso
Ipinaliwanag ng Panginoon na “lahat ng bagay na nanggagaling sa lupa, sa panahon niyon, ay ginawa para sa kapakinabangan at gamit ng tao, kapwa upang makalugod sa mata at upang pasiglahin ang puso” (Doktrina at mga Tipan 59:18).
Unahin ang pangangasiwa sa kapaligiran sa inyong buhay, pero huwag hayaang madaig ng pagkabalisa, kawalan ng pag-asa, o takot ang kagalakang nagmumula sa pamumuhay sa magandang mundong ito.
Itinuro ni Presiding Bishop Gérald Caussé, “Ang napakagandang likhang ito ay inihanda para sa ating kapakinabangan at isang buhay na katibayan ng pagmamahal ng Lumikha sa Kanyang mga anak.”
Habang sinisikap ninyong sundin ang utos na ito na maging mas mabubuting katiwala sa mundo, lalo ninyong mapapahalagahan ang mga likha ng Diyos at mapagyayaman ang buhay ng mga nasa paligid ninyo.