Lingguhang YA
Ang Pagsisisi ay Hindi Lang Tungkol sa Pagdaig sa Kasalanan
Enero 2026 Liahona


“Ang Pagsisisi ay Hindi Lang Tungkol sa Pagdaig sa Kasalanan,” Liahona, Ene. 2026.

Mula sa Lingguhang YA

Ang Pagsisisi ay Hindi Lang Tungkol sa Pagdaig sa Kasalanan

Ang pagbaling kay Cristo—pagbabago ng ating saloobin at pag-aayon ng ating mga pananaw sa Kanya—ay isa ring uri ng pagsisisi.

paglalarawan sa isang missionary na nakatingala sa liwanag

Paglalarawan ni Nate Wilde

Habang nasa misyon ako, hindi ako nakadalo sa kasal ng matalik kong kaibigan.

Hindi ko mapigilang isipin siya buong maghapon. Mag-roommate kami sa kolehiyo, at agad siyang naging parang kapatid ko. Alam ko na ginabayan ako ng Ama sa Langit na makilala siya.

Pero ngayon, hindi ako makadalo para ipagdiwang ang isa sa pinakamagagandang sandali sa kanyang buhay. At galit na galit ako.

Di-inaasahang mga Pagsubok

Bago ako nagmisyon, hindi perpekto ang buhay ko, pero maganda iyon. Gustung-gusto ko ang kolehiyo at naging matalik kaming magkaibigan. Medyo masaya ako.

Alam ko na maaaring mahirap magmisyon. Gayunpaman, inasahan ko na ang pagmimisyon ang magiging pinakamagandang 18 buwan sa buhay ko—na may kaunting hirap.

Ngunit pagkaraan ng anim na buwan, ang kasal ng kaibigan ko ang naging pinakabago sa listahan ng mahihirap na bagay na hindi ko inasahan. Ang pagpunta sa ibang bansa at pag-aaral ng bagong wika ay nagpalungkot at nagpabalisa sa akin. Ang pagtangging naranasan ko bilang bahagi ng buhay ng missionary ay nakakapanghina. Ang totoo, gusto ko lang umuwi.

Pagod ako at dismayado, at pakiramdam ko ay hindi ako binibigyan ng Diyos ng pag-asa at kaligayahan na kailangang-kailangan ko. Matapos subukan ang lahat ng iba pang opsiyon, saka lang ako bumaling sa isang pangako mula sa aking patriarchal blessing: na madarama ko ang pagmamahal ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan.

Isang Bagong Pananaw

Nang saliksikin ko ang mga banal na kasulatan, labis akong nakaugnay sa kuwento tungkol kay Eva. Siya ay pinaalis sa paraiso at napunta sa isang madilim at mapanglaw na ilang, na siyang nadama ko noon. Katulad ng karanasan ko, dumating ang pagbabago kay Eva dahil sa isang partikular na pasiya. Inisip ko kung pinagsisihan ba niya ang kanyang pasiya, tulad ko na nagsisimulang pagsisihan ang pasiya kong maglingkod.

Pero mas matalino ang pananaw ni Eva kaysa sa akin. Bagama’t talagang nawala sa kanya ang lahat, nang malaman niya na mayroon siyang Tagapagligtas, siya ay “natuwa, nagsasabing: Kung hindi dahil sa ating paglabag … kailanman ay hindi [natin] nalaman ang mabuti at masama, at ang kagalakan ng ating pagkakatubos” (Moises 5:11).

Hindi niya pinagsisihan ang kanyang pasiya. Labis siyang nagpasalamat para dito! Kahit pinaalis sila ni Adan sa paraiso, ang kagalakang matubos ay mas matamis kaysa sa sakit na dulot ng nawala sa kanya. Sa katunayan, tila ang pagkatubos ay mas naghatid sa kanya ng higit pang kagalakan kaysa kung hindi talaga siya kinailangang matubos.

Paano nangyari iyon?

Ang Kagalakan ng Pagsisisi

Maaaring isipin natin na ang pagsisisi ay parang pag-aalis lang ng mga kasalanan at masasamang ugali sa ating buhay. Ang prosesong iyan ng pag-aalis ay maaaring maging mahirap at masakit paminsan-minsan, kaya madaling bigyan ng negatibong kahulugan ang salita.

Ngunit ang pagsisisi ay hindi lamang tungkol sa pagiging di-gaanong makasalanan. Tungkol din ito sa pagiging higit na katulad ni Cristo.

Ang pagbaling sa Kanya—pagbabago ng ating saloobin at pag-aayon ng ating mga pananaw sa Kanya—ay isa ring uri ng pagsisisi.

Natanto ko na sa aking galit at kalungkutan, naging makitid ang aking pananaw. Masyado akong nagtuon sa hindi ko nagawa kaya hindi ko nakita ang aking natamo: mas malapit na relasyon sa aking Tagapagligtas.

Natanto ko na kailangan kong pagsisihan ang masamang pag-uugali ko. Nangailangan iyon ng panahon, pero nang magsumamo ako na tulungan ako ng aking Manunubos, natiyak ko na “sa buhay na ito ako ay makatatamo ng kagalakan” (Moises 5:10).

Nalungkot pa rin ako na hindi ako nakadalo sa kasal ng kaibigan ko, pero sa paglipas ng panahon, sinagot ng Panginoon ang aking mga dalangin. Napakasaya ko para sa kaibigan ko, at labis akong nagagalak sa aking patotoo na talagang nakikita at minamahal ng Ama sa Langit ang bawat isa sa Kanyang mga anak. Mas marami akong natamo kaysa sa mga nawala sa akin.

Itinuro ni Sister Kristin M. Yee, Pangalawang Tagapayo sa Relief Society General Presidency, “Ang pagsisisi ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong madama ang pagmamahal ng Diyos at makilala at mahalin Siya sa mga paraan na hindi natin malalaman kailanman sa ibang paraan.”

Dahil sa pagsisisi, alam ko na ngayon na kapag lumapit ako kay Cristo, “gagawin niyang parang Eden ang [aking] ilang, ang [aking] disyerto na parang halamanan ng Panginoon; kagalakan at kasayahan ay matatagpuan doon” (Isaias 51:3).

Pag-uwi ko mula sa aking misyon, hindi ako bumalik sa paraiso. Ang buhay ko pagkatapos ng misyon ay isang bagong ilang para linangin ko. Hindi iyon madali, at kung minsa’y naiisip ko pa rin ang buhay ko bago ako nagmisyon.

Pero alam ko na dahil kay Cristo, ang aking kagalakan ay gagawing mas malalim sa kaalaman ng aking pagtubos.