Tungkol sa Isyung Ito
Tema sa Buwang Ito: Pagtanggap sa Kagalakan ng Pagsisisi
Mahal na mga kaibigan,
Hindi ako interesado sa paggawa ng mga mali. Maaari ninyong sabihin na isa akong perpeksyonista.
Na kabalintunaan, dahil sa trabaho ko bilang manunulat, kailangan kong magsumite ng di-perpektong gawain araw-araw.
Anumang artikulong ginagawa ko ay maraming beses na nirerebyu at ini-edit hanggang sa maging pinakamagandang bersiyon na ito. At alam ba ninyo? Sa halip na malungkot kapag naituro ang mga pagkakamali ko, gustung-gusto ko talagang makita na maiayos ang mga iyon hanggang sa maging mas maganda ang artikulo kaysa sa nagawa ko nang mag-isa.
Para sa akin, nagpapakita lamang ito ng isang bahagi ng kagalakang nagmumula sa pagsisisi.
Ang kakayahang magsisi ay isa sa mga batong panulok ng ebanghelyo ni Jesucristo, pero para sa maraming tao, ang pag-iisip na magsisi ay nagdudulot ng mas malaking takot o pagkabagabag ng konsiyensiya kaysa kagalakan. Kapag kailangan ninyong magsisi, maaari ninyong madama na masama kayo dahil sa inyong mga kasalanan.
Pero ito ang totoo: Ang pangangailangan sa isang editor ay hindi nangangahulugan na hindi ako mahusay na manunulat. At ang pangangailangang magsisi ay hindi rin nangangahulugan na masama akong tao.
Ang pagsisisi ay hindi backup plan o tanda ng kabiguan. Ang pagsisisi ang plano! Batid ng Ama sa Langit na kakailanganin natin ang tulong ng Tagapagligtas para makabalik tayo sa Kanya. At hindi nag-aatubili si Jesucristo na tulungan tayo—nais Niya na magamit natin ang Kanyang kapangyarihan.
Habang binabasa ninyo ang mga kuwento sa buwang ito mula sa mga young adult na nakatuklas sa kagalakan ng pagsisisi, sana ay mabigyan kayo ng inspirasyon na madama ang pasasalamat, tiwala, at kapayapaang iyon. Narito ang ilan lamang sa mga artikulong makikita ninyo sa buwang ito:
-
Isang young adult mula sa Pilipinas na nalampasan ang kanyang takot na makipag-usap sa kanyang bishop
-
Natuklasan ng isang sister mula sa South Africa na hindi siya kailangang maging perpekto para magkaroon ng halaga
-
Ang kahulugan ng magsisi araw-araw
-
Ang aking artikulo tungkol sa kung paano tayo tinutulungan ng pagsisisi na bumaling kay Jesucristo
Mayroon din kaming mga kuwento na bahagi ng aming patuloy na serye:
-
Mula sa Mission Field: Paano magtiwala sa Panginoon kapag ang mga mission call—at mga wika—ay hindi gaya ng inasahan mo
-
Pag-angkop ng Lumang Tipan sa Iyong buhay: Suporta ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin tungkol sa bakit, saan, at ano ang maging tagapangasiwa ng mga likha ng Diyos
-
Naniniwala Ako: Paano unawain ang ebanghelyo nang may bagong pananaw, kahit matagal ka nang miyembro
-
Para sa mga Ina ng mga Batang Musmos: Ang ginagawa ng isang bagong ina para maunawaan kung paano maaaring maging maganda ang pagiging ina—kahit hindi ganoon ang pakiramdam niya
Kung may isang bagay na gusto kong maunawaan ninyo sa isyung ito, iyon ay lubos kayong minamahal. Ng mga tauhan ng Lingguhang YA, pero higit sa lahat, ng inyong Ama sa Langit at ng inyong Manunubos. Pakinggan ang Kanilang mensahe sa isyung ito: na laging may paraan para makabalik sa Kanila. At gagawin Nila ang lahat ng posible para tulungan kayong makauwi.
Nagmamahal,
Madelyn Maxfield, For the Strength of Youth Editorial Intern