Lingguhang YA
Pinipigilan ng Perpeksyonismo ang Aking Pag-unlad. Narito ang Ginawa Ko Tungkol Dito
Enero 2026 Liahona


Mula sa Lingguhang YA

Pinipigilan ng Perpeksyonismo ang Aking Pag-unlad. Narito ang Ginawa Ko Tungkol Dito

Nais ni Cristo na bumaling tayo sa Kanya ngayon, kahit pakiramdam natin ay hindi tayo handa.

paglalarawan sa repleksyon ng isang babae na pinipintasan siya

Sabi ng bantog na si Theodore Roosevelt, “Ang pagkukumpara ay magnanakaw ng kagalakan.”

Madaling malaman kung paano maiaangkop ang pahayag na ito sa mga pakikipag-ugnayan natin sa iba. Pero masasabi ko na may karagdagang aplikasyon ito sa sarili. Bagama’t maaaring ang pagkukumpara ay magnanakaw ng kagalakan, ang perpeksyonismo, para sa akin, ay magnanakaw ng pag-unlad.

Nahihirapan sa Perpeksyonismo

Halos buong buhay ko, naging mahusay akong estudyante at masunuring anak. Ipinagmalaki ko ang aking kakayahan sa pagbalanse ng trabaho, pag-aaral, at pamilya.

Lihim akong nahirapan dahil sa pagkabalisa pero ayaw kong malaman ng sinuman na malapit na akong bumigay. Hindi ko nakayanan ang perpeksyonismong ito noong junior year ko sa kolehiyo.

Nahirapan ako sa dami ng gagawin sa kurso ko. Ang mga marka ko ay hindi kasingtaas ng mga marka ko sa high school. Nagdagdag ako ng oras sa trabaho. Napabayaan ko ang calling ko sa Simbahan.

Pakiramdam ko ay nabigo ako nang lubusan.

Bukod pa riyan, takot-na-takot akong humingi ng tulong. Hindi ko maamin—sa sarili ko, sa iba, at sa Diyos—na hindi ko na kayang kontrolin ang buhay ko.

Minsan ay nagbabala si Elder Vern P. Stanfill ng Pitumpu: “Ang pagnanais na maging perpekto ang lahat ay nangangailangan ng isang imposibleng pamantayang nagpapahirap sa sarili na nagkukumpara sa atin sa iba. Nagiging sanhi ito ng pagkabagabag ng konsiyensya at pagkabalisa at maaari nitong ipadama sa atin na naisin nating lumayo at ihiwalay ang ating sarili.” At natutuhan ko ang aral na iyon sa mahirap na paraan.

Naniwala ako na dapat ay kayanin ko ang lahat ng bagay na makakaharap ko. Nang hindi ko iyon nagawa, lubos na nabagabag ang konsiyensya ko na humadlang sa akin na bumaling sa aking Ama sa Langit noong kailangang-kailangan ko Siya.

Hindi ako umunlad sa anumang aspeto ng buhay ko.

Pero may pag-asa pa rin. Tulad ng sinabi ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Sa pamamagitan ng espirituwal na pagbabago kay Jesucristo, matatakasan natin ang nagpapahinang perpeksyonismo.”

Pagkakaroon ng Kapayapaan sa Aking mga Tipan

Pagkatapos ng isang napakahirap na araw, nadama ko na dapat akong magpunta sa templo at magsagawa ng mga binyag para sa mga patay.

Doon sa bautismuhan, nakadama ako ng pagmamahal na napakatindi kaya napaluha ako.

Ginunita ko ang sarili kong binyag at kung gaano ako kasaya na naging malinis ako sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Nang makaahon ako mula sa bautismuhan, kinumusta ng nanay ko ang pakiramdam ko. Basang-basa at talagang nanginginig, sumagot ako gamit ang inosenteng pananalita ng isang walong-taong-gulang na bata: “Inay, napakaganda po ng pakiramdam ko.”

Nang araw na iyon sa templo, natanto ko na labis akong nakatuon sa pagiging perpekto gamit ang sarili kong kakayahan kaya lagi kong ipinagkakait sa sarili ko ang oportunidad na maging ganap kay Cristo (tingnan sa Moroni 10:32–33). Nakadama ako ng matinding pagpapatibay na maaari kong madama ang magandang pakiramdam na iyon araw-araw. Kung regular akong magsisisi, maaari akong maging ganap sa pamamagitan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala (tingnan sa Juan 17:23).

Pagtanggap ng Ikalawang Pagkakataon

Mula sa araw na iyon, nangako akong magbabago.

Nagsimula akong magdasal na muli nang taimtim. Hindi iyon madali—lalo na sa simula—pero naging mas panatag ako nang palakasin ko ang aking ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Nagsikap din ako na maunawaan pa nang mas malalim ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, na nakatuon sa walang-hanggang katotohanan na mamamagitan ang Tagapagligtas para sa atin kapag tayo ay tunay na nagsisisi.

Ganap na pinahihina ng perpeksyonismo ang layunin ng mortalidad. Kung ipinadala tayo sa lupa para matutong maging katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo (tingnan sa Alma 12:24), paano natin maaasahan na maging katulad na Nila? Kung talagang perpekto tayo, hindi natin kakailanganin ang Tagapagligtas o ang Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala.

Hindi tayo pinababayaan ng Tagapagligtas, kahit nadarama natin na tayo ay may pagkukulang o hindi perpekto. Tulad ng ibinahagi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Dumanas ang Tagapagligtas ng ‘mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso’ [Alma 7:11] upang tayo ay Kanyang mapanatag, mapagaling, masagip sa oras ng mga pangangailangan.”

Natutuhan ko na nais ni Cristo na bumaling tayo sa Kanya ngayon, kahit pakiramdam natin ay hindi tayo handa. Kapag pinalakas natin ang ugnayang iyan, tutulungan Niya tayong madaig ang ating mga kakulangan o kahinaan.

Magsisinungaling ako kung sasabihin ko na hindi na ako nahihirapang paglabanan ang perpeksyonismo. Pero ngayon ay napapansin ko na “masaya ang puso” ko sa tuwing ibinibigay ko ang lahat ng makakaya ko sa Panginoon, kahit hindi ito perpekto.

Kung pakiramdam mo ay hindi sapat ang iyong mga pagsisikap bilang isang disipulo, estudyante, empleyado, kaibigan, o kapamilya, dapat mong malaman na may pag-asa ka pa. Maaari kang mapagaling sa pamamagitan ng pagpokus sa Tagapagligtas. Maaaring ang perpeksyonismo ay magnanakaw ng pag-unlad, pero ang Tagapagligtas ang susi sa kapayapaan.

Bumaling sa Kanya, at makikita mo ang pag-unlad sa buhay mo.