“Natakot akong Kausapin ang Bishop Ko—Paano Kaya Siya Tutugon?,” Liahona, Ene. 2026.
Mula sa Lingguhang YA
Natakot Akong Kausapin ang Bishop Ko—Paano Kaya Siya Tutugon?
Mali ang mga pasiyang nagawa ko. Pero nang kausapin ko ang bishop ko, napanatag ako.
Noong mag-isa akong namuhay sa unang pagkakataon, nakadama ako ng bagong kalayaan.
Lumipat ako sa Pilipinas para magsimulang mag-aral, at mahal ang pamasahe sa magastos sumakay ng eroplano pauwi, kaya minsan lang sa isang taon kung bumisita ako para ma-renew ang visa ko. Dahil wala ang matapat na impluwensya ng pamilya ko sa malapit, unti-unti akong napalayo sa ebanghelyo.
Nagsimula akong manigarilyo, uminom, at gumawa ng iba pang mga bagay na itinuro sa akin na labag sa mga utos ng Diyos.
Pag-alaala Kung Sino Ako
Noong una, wala akong pakialam. Ang tingin ko sa mga tuntunin ng Simbahan ay mahigpit. Nagsimba pa rin ako, pero sa aking kalooban ay hindi ako karapat-dapat at tumigil ako sa pagtanggap ng sakramento sa loob ng ilang buwan.
Pagkatapos ay tumama ang COVID-19, na pumigil sa lahat ng hangarin ko. Halos kasabay nito, may nalaman akong nakakagulat: ampon ako. Hindi ito sinabi sa akin ng mga magulang ko kailanman, at nagdaan ako sa kaunting identity crisis.
Parang malayo ako sa lahat ng dati kong pinaniniwalaan. Nabatid ko na kailangan kong alaming muli kung sino talaga ako. Nang makauwi na ako sa wakas, ipinagtapat ko sa mga magulang ko ang lahat—pati na ang mga pagpapasiyang nagawa ko. Sa halip na pagalitan ako, pinakitaan nila ako ng pagmamahal. Ipinaalala nila sa akin kung sino talaga ako: anak nila at minamahal na anak ng Diyos.
Tulong sa Pagbabago
Ginusto kong magbago. Hinikayat ako ng mga magulang ko na kausapin ang bishop ko, simulan ang proseso ng pagsisisi, at magtiwala sa nakatutubos na kapangyarihan ng Tagapagligtas.
Pero natakot ako! Nag-alala ako na baka parusahan ako o husgahan sa aking mga ginawang pagpapasiya. Karaniwa’y wala akong pakialam sa iniisip ng mga tao tungkol sa akin, pero napakabait at kamangha-mangha ang bishop ko, at ayaw kong madismaya siya sa pamamagitan ng pagsasabi sa kanya ng nagawa ko.
Ngunit tulad ng itinuro ni Elder Scott D. Whiting ng Pitumpu: “Huwag pagtaguan ang mga nagmamahal at sumusuporta sa inyo; bagkus, lumapit sa kanila. Matutulungan kayo ng mga butihing bishop, branch president, at lider na magamit ang nagpapagaling na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”
Ang mga bishop ay “[nagtataglay ng] mga susi ng priesthood para katawanin ang Panginoon sa pagtulong sa mga miyembro ng Simbahan na makapagsisi.” Sa halip na harapin ang malupit na paghatol nang kausapin ko siya, pawang kapanatagan ang nadama ko sa opisina ng bishop ko. Natanto ko na nagtiwala sa kanya ang Panginoon na tutulungan niya ako, at nadama ko na maaari ko rin siyang mapagkatiwalaan.
Hinikayat ako ng bishop ko na mag-aral tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga espirituwal na gawi. Regular akong nakikipagkita sa bishop ko, at tinawagan niya ako linggu-linggo para subaybayan ako. Nadama ko na mahal na mahal niya ako tuwing kausap ko siya.
Ang Kaloob na Pagsisisi
Kalaunan, sa tulong ng bishop ko, lumayo ako sa mga bisyo ko sa buhay. Gayunpaman, kinabahan ako sa muling pagtanggap ng sakramento. Talaga bang karapat-dapat ako—kahit pagkatapos ng lahat ng nagawa ko?
Pero muli akong binigyang-katiyakan ng bishop ko. Ipinaalala niya sa akin na hindi ko kailangang maging perpekto—magkusa lang ako. Ginawa ko noon ang lahat ng makakaya ko, at batid iyan ng Tagapagligtas at patuloy Niya akong patatawarin kapag umasa ako sa Kanyang kaloob na pagsisisi.
Itinuro kamakailan ni Sister Tamara W. Runia, Unang Tagapayo sa Young Women General Presidency, “Ang paglapit kay Cristo ay pagsasabing, ‘Maaari ba ninyo akong tulungan?’ nang may pag-asa, isang inihayag na katiyakang ang Kanyang mga bisig ay nakaunat sa inyo [pa]lagi.”
Pagkaraan ng karanasang ito, sinimulan kong panibaguhin ang aking mga tipan sa pamamagitan ng sakramento nang may tiwala sa sarili. Para akong bagong tao, na may bagong pakiramdam kung sino talaga ako at ano ang kaya kong gawin sa tulong ng Panginoon. Nagmisyon ako dahil matapos masaksihan kung gaano nabago ng kaloob na pagtubos ng Tagapagligtas ang buhay ko, ginusto kong tulungan ang iba na mahanap ang pag-asang ibinibigay Niya sa akin araw-araw.
Hindi mahigpit ang mga kautusan—nariyan ang mga ito dahil nais ng Diyos na tayo’y magtagumpay, lumago, at makatakas sa bitag ng kasalanan. Ang sentro ng ebanghelyo ni Jesucristo ay ang pagmamahal Niya at ng Ama sa Langit para sa atin. Dahil nararanasan ko ang perpektong pagmamahal na iyan, sinisikap kong maging higit na katulad Nila.
Ang kanilang kaloob na pagsisisi ay pinupuspos ng kagalakan ang buhay ko.