“Nagsasanhi ng Kaguluhan ang Kasalanan, Samantalang si Cristo ay Naghahatid ng Kapayapaan,” Liahona, Ene. 2026.
Mula sa Lingguhang YA
Nagsasanhi ng Kaguluhan ang Kasalanan, Samantalang siCristo ay Naghahatid ng Kapayapaan
Kahit sa gitna ng kaguluhan sa buhay, si Cristo ay maaaring maghatid ng liwanag, kaayusan, at kapayapaan sa inyong kaluluwa.
Paglalarawan ni Kate Birch
Para bang medyo … magulo ang buhay kung minsan?
Ang nadaramang kaguluhan ay isang bagay na nararanasan nating lahat kung minsan. Dahil masalimuot ang mundo, madaling makalimutan na tayo ay mga espirituwal na nilalang na may mga mortal na karanasan—isang bagay na hindi natin nagawa noon.
Ang dalawang mahimalang kaloob na ibinigay sa atin ng Diyos ay ang mga mortal na katawan at kalayaan. Ang mga kaloob na iyon ay nagtutulot sa atin na makadama, maghangad, at kumilos para sa ating sarili. Kaya natural lang na maaaring parang magulo o walang katiyakan ang mga bagay-bagay dahil sa mga pagpapasiyang may tendensiyang piliin ng likas na tao.
Lahat tayo ay nagkakamali. Ngunit kapag nahihirapan tayo sa mga kasalanan o gawi na tila hindi natin kayang daigin, gaano man natin sikaping magbago, madali tayong maguluhan. Sa paghatak sa atin sa langit ng ating pagiging espirituwal at sa paghila naman sa atin ng ating pagiging mortal patungo sa mundo, pakiramdam natin ay parang palaging may nangyayaring hatakan.
Nahihirapan man tayo sa mga bagay na tulad ng tsismis, galit, di-matuwid na paghatol, sobrang paggamit ng media, paggamit ng pornograpiya, o iba pang bagay, mabilis pagningasin ng kaaway ang mga apoy ng kahihiyan, kawalang-pag-asa, at sa huli, espirituwal na kaguluhan.
Mabuti na lang, alam ng Ama sa Langit at ni Jesucristo kung paano ayusin ang kaguluhan.
Paghahangad sa Kanyang Liwanag ang Unang Hakbang
Noong panahon ng Paglikha—ang simula ng lahat ng alam natin—ang sansinukob ay inilarawan na nasa isang magulo at di-organisadong kalagayan: “Ang lupa ay walang anyo, at walang laman; at binalot sa kadiliman ang kalaliman” (Genesis 1:2). Ang kaguluhan at walang-pag-asang kadilimang ito ay nagpapaalala kung ano ang ipadarama sa atin ng kaaway kapag tayo ay nagkakasala o gumagawa ng mga pagpiling laban sa ating mga pinahahalagahan. Nasisiyahan siyang ipadama sa atin na nabitag tayo at kadalasa’y hinihikayat tayong magtago.
Ngunit tulad ng itinuro ni Sister Tamara W. Runia, Unang Tagapayo sa Young Women General Presidency: “Si Jesucristo ay nagbibigay ng liwanag sa taong nasa kadiliman. Kaya, sa mga araw na iyon kung kailan nadarama ninyong sinasabihan kayo ng tinig na iyon na magtago, na dapat kayong magtago sa madilim na silid nang mag-isa, inaanyayahan ko kayo na maging matapang at maniwala kay Cristo! Kumilos at buksan ang Ilaw—ang ating Ganap na Kaliwanagan ng Pag-asa.”
Sa ilalim ng pamamahala ng Diyos, sa oras ng Paglikha ang unang bagay na ginawa ni Jesucristo para pawiin ang kadiliman ng kaguluhan ay ang maghatid ng liwanag (tingnan sa Genesis 1:3; Moises 2:2–5). Mula roon, nagpatuloy Siya sa pag-organisa ng bawat magulong bahagi ng bagay, mula sa malawak na kalangitan hanggang sa pinakamaliit na binhi.
Kung kaya Niyang isaayos ang sansinukob, isipin kung ano ang maaaring mangyari kapag bumaling kayo sa Kanyang Anak para sa pagpapagaling at nakatutubos na kapangyarihan bawat araw. Kapag nadarama ninyo na nabibigatan kayo sa inyong mga paghihirap at sa kadiliman ng mundo, ang paghahangad sa liwanag ni Cristo ang unang hakbang tungo sa kapayapaan at banal na kaayusan.
Sumunod, Alalahanin Kung Sino Kayo
Matapos maorganisa at mapaganda ang kalangitan at lupa, naghanda ng daan ang Ama sa Langit para makaparito sa lupa ang Kanyang mga espiritung anak at tumanggap ng pisikal na katawan. Ngunit sa ating panahon sa lupa, nagsusumikap ang kaaway na ipalimot sa atin kung sino tayo.
Nakikita natin ang kanyang mga pagsisikap para makalimutan natin ang ating banal na pagkatao nang kausapin ng Diyos ang propetang si Moises at binahagian siya ng kaalaman. Sa Moises 1, tinawag ng Diyos si Moises sa pangalan at paulit-ulit siyang tinawag na Kanyang anak.
Ngunit nang makaalis ang Diyos, lumitaw si Satanas at tinawag si Moises na “anak ng tao” (Moises 1:12), na tinutukso siyang kalimutan kung sino siya talaga.
Nais ni Satanas na kalimutan natin kung sino tayo talaga. Nagtatanim Siya ng pag-aalinlangan sa kakayahan nating magbago. Nais Niyang maniwala tayo na tayo ay likas at di-nagbabagong mga lalaki at babae at laging magkakagayon.
Ngunit ipinaalala sa atin ni Elder Patrick Kearon ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Maaari kayong lumapit kay Cristo nang may pagtitiwala sa Kanyang mapagmahal na kabaitan at tanggapin ang lahat ng Kanyang kaloob na kagalakan, kapayapaan, pag-asa, liwanag, katotohanan, paghahayag, kaalaman, at karunungan. … Kayo ay minamahal na anak na babae ng Diyos, kayo ay itinatanging anak na lalaki ng Diyos, at ipinagkaloob Niya sa inyo ang Kanyang [perpekto at] banal na Anak upang tubusin kayo, bigyang-katwiran kayo, at pabanalin kayo.”
Ang pagtubos ay isang bagay na hindi kailanman tataglayin ni Satanas. At kapag sumandig tayo sa ating espirituwal na pagkatao, masasabi natin, tulad ni Moises:
“Sino ka? Sapagkat masdan, ako ay anak ng Diyos, na kawangis ng kanyang Bugtong na Anak. …
“Lumayo ka, Satanas; huwag mo akong linlangin; sapagkat sinabi sa akin ng Diyos: Ikaw ay kawangis ng aking Bugtong na Anak” (Moises 1:13, 16).
Kung parang magulo ang buhay, huminto sandali. Alalahanin ang inyong banal na pagkatao. Hayaang hilahin kayo patungo sa langit ng katotohanang iyan, na kayo ay minamahal na anak ng Diyos. Bumaling kay Jesucristo upang matulungan Niya kayong ipanumbalik ang kaayusan sa inyong kaluluwa.
Sa huli, Hayaan si Cristo na Gawing Kapayapaan ang Kaguluhan
Nang lisanin nina Adan at Eva ang Halamanan ng Eden, ang kapayakang alam nila noon pa man ay napalitan ng isang malungkot at mapanglaw na mundo. Ngunit nangako ang Ama sa Langit na magkakaroon sila ng kapayapaan dahil naghanda Siya ng isang Tagapagligtas para tubusin sila mula sa kanilang mga kasalanan at kalungkutan (tingnan sa Moises 5:7–10).
Kapag nahihirapan ka sa buhay na ito, alalahanin ang katotohanang ito: Alam ng Ama sa Langit na tayo ay mahaharap sa mga tukso, magkakamali, at magkakasala sa buong paglalakbay na ito pabalik sa Kanya—lahat ng iyon ay bahagi ng plano.
Sa pamamagitan ni Jesucristo, lagi tayong matutulungan ng Ama sa Langit na labanan ang mga kapangyarihan ng kadiliman sa buhay at palitan ang mga ito ng liwanag. Ilang beses man tayong magkamali, dahil sa ating Tagapagligtas, maaari nating ipagpalit ang kaguluhan sa kapayapaan sa ating kaluluwa kapag nagsisi tayo.
Pinatotohanan ni Pangulong Russell M. Nelson:
“Palalakasin [kayo ni Jesucristo]. Bibiyayaan Niya kayo ng kapayapaan, maging sa gitna ng kaguluhan. …
“Pinasan ni Jesucristo sa Kanyang sarili ang inyong mga kasalanan, ang inyong mga pasakit, ang inyong pighati, at ang inyong mga kahinaan. Hindi ninyo kailangang pasanin ang mga ito nang mag-isa! Patatawarin Niya kayo kapag nagsisisi kayo. [Bibiyayaan] Niya kayo ng mga kailangan ninyo. Pagagalingin Niya ang inyong sugatang kaluluwa.”
Anuman ang nagpapahirap sa inyo, kapag humingi kayo ng tulong sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, lagi Nilang maisasaayos ang magulo, mapapalaya kayo mula sa kaguluhan ng mga kasalanan at tukso, at mapapaganda ang inyong buhay.
Nagawa Nila ito nang paulit-ulit.