Mula sa Lingguhang YA
Ang Araw-araw na Pagsisisi ay Maaaring Tila Kumplikado—Pero Hindi Ito Kailangang Magkagayon
Parang nakakapagod ang ideyang magsisi araw-araw hanggang sa maunawaan ko sa wakas kung ano talaga ito.
Marami na akong narinig na mali tungkol sa pagsisisi.
Sa mahabang panahon, hindi talaga ako sigurado kung nagsisisi ako “sa tamang paraan.” Natutuhan ko ang “mga hakbang” sa pagsisisi. Pero pakiramdam ko, kung hindi ko sinunod nang tama ang bawat “hakbang,” hindi ako mapapatawad sa aking mga kasalanan.
Pero hindi rin talaga ako sigurado kung ano ang tamang paraan ng pagsisisi.
Nagso-sorry ako sa Ama sa Langit at humihingi sa Kanya ng kapatawaran, at dahil ang pagsasabi ko sa Kanya ng aking mga kasalanan ay nakatulong sa akin na hindi gaanong makonsiyensya, dama ko rin na parang karaniwang gawain ito—isang bagay lang na dapat magawa sa espirituwal na listahan. Hindi ko talaga maunawaan.
Ang Araw-araw na Pagsisisi ay … Maganda?
Pagkatapos, ilang taon na ang nakararaan, sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Wala nang mas nagpapalaya, mas nagpapabanal, o mas mahalaga sa ating indibiduwal na pag-unlad kaysa sa regular at araw-araw na pagtutuon sa pagsisisi.”
Namangha ako rito.
Natanto ko na noon pa ma’y itinuturing ko nang parang emergency tool ang pagsisisi—na gagawin lamang kapag kailangang-kailangan. Pero narito ang propeta na nagsasabi na dapat ko itong gawin sa bawat araw—at dapat maganda ang madama rito?
Sa totoo lang, dahil inakala ko na ang pagsisisi ay isang mahaba at masakit na listahan ng mga iminumungkahing gawin, ang isiping dapat magsisi araw-araw ay parang nakakapagod at mas nakakatakot pa nga kaysa hulaan lamang kung ano ang dapat pagsisihan na dati kong ginagawa. Hindi ko pa rin alam kung saan magsisimula o kung paano magsisi araw-araw.
Ano nga ba ang Pagsisisi?
Hindi nagtagal pagkatapos niyon, pumasok ako sa missionary training center at sinimulan kong pag-aralan ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Doon, nabasa ko: “Ang pagsisisi ay ang proseso ng pagbaling sa Diyos at pagtalikod sa kasalanan. Habang tayo ay nagsisisi, ang ating mga kilos, hangarin, at isipan ay nagbabago at umaayon ang mga ito sa kalooban ng Diyos.”
Habang binabasa ko ang talatang iyon, tinulungan ako ng Espiritu na maunawaan na ang pagsisisi ay hindi lamang checklist o isang bagay na ginagawa lamang natin pagkatapos gumawa ng malalaking pagkakamali.
Ang mahalaga rito, ang pagsisisi ay pagbabago.
At ang ibig sabihin niyan ay hindi lamang ito tungkol sa kasalanan. Nangangahulugan ito na anumang oras na magtakda ako ng mithiin na maging lalong katulad ni Jesucristo—na espirituwal, pisikal, o intelektuwal na lumago sa paraang nakaayon sa kalooban ng Diyos—nagsisisi ako.
At siyempre, ngayon ay may mga pagkakataon na may ilang kasalanan na kung saan ay kailangan nating makipag-usap sa mga lider ng priesthood para humingi ng tulong at payo. Pero kapag iniisip ko lalo na ang araw-araw na pagsisisi, iniisip ko na ito ay regular na pakikipag-usap sa Diyos para malaman kung ginagawa ko ang nais Niyang gawin ko. At kapag tinutulungan ako ng Espiritu na makita na may mas mabuti akong magagawa, ang ibig sabihin ng pagsisisi ay pagpiling magbago ng landas at humingi ng tulong sa Tagapagligtas habang ako ay nasa landas ng tipan.
Kaya Paano Ako Magsisisi Araw-araw?
Habang pinag-iisipan kong mabuti kung ano ang kahulugan ng magsisi araw-araw, nakatulong ang sinabi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabi niya:
“Ang makahulugang panalangin sa umaga ay isang mahalagang sangkap sa espirituwal na paghahanda sa bawat araw—at nagaganap bago simulan ang temporal na gawain o tunay na pagsasagawa sa araw na iyon. …
“Sa pagtatapos ng araw natin, muli tayong lumuluhod at nagrereport sa ating Ama. … Nagsisisi tayo at, sa tulong ng Espiritu ng Panginoon, natutukoy ang mga paraan para magawa nating magpakabait at magpakabuti kinabukasan.”
Sa madaling salita: Manalangin sa Diyos. Hilingin na gabayan ka Niya. Patuloy itong gawin. Magreport sa Kanya. Ulitin.
Narito ang ilang paraan na sinusunod ko ang payong iyan sa sarili kong buhay:
-
Nagtatakda ako ng mga lingguhang mithiin sa oras ng sacrament meeting. Pinagninilayan ko ang nagawa ko sa nagdaang linggo at nakikinig ako sa Espiritu kung ano ang maaari ko pang pagbutihin at baguhin.
-
Nagtatakda ako ng mga mithiin at plano para maisakatuparan ang mga mithiing iyon at nakasulat ang mga iyon sa whiteboard sa kuwarto ko.
-
Sa paglipas ng buong linggo ko, kapag nagdarasal ako, tinatalakay ko Ama sa Langit ang mga mithiin ko, humihingi ako ng tulong sa Kanya para maisakatuparan ang mga ito, at nagrereport ako tungkol sa takbo ng mga bagay-bagay, nakikinig ako sa karagdagang patnubay at katiyakan na ako ay nasa tamang landas.
Pagpili sa Kanya Araw-araw
Hindi tayo nagiging katulad ni Jesucristo sa pagdaig sa ilan sa malalaking kasalanan nang minsanan. Sa palagay ko ang maliliit at araw-araw na desisyon na umasa sa Kanya—nang isang porsiyentong mas mainam bawat araw—ang humahantong sa tunay na pagbabago sa paglipas ng panahon.
Maaari nating piliing sundin si Jesucristo araw-araw. At kapag nagkakamali tayo, ipinagkakaloob sa atin ang pagsisisi, pagpiling sundin Siya nang paulit-ulit, at patuloy na lumago sa lahat ng ito. Iyan ang araw-araw na pagsisisi para sa akin.