Mula sa Lingguhang YA
Mga Young Adult, Lumang Tipan: Pagsisimula sa Sinaunang Aklat na Ito
Ano ang mayroon sa sinaunang aklat na ito na para sa atin?
Ang Lumang Tipan ay napakatanda na. Nag-umpisa ito sa pagsisimula ng mortal na buhay sa mundo at nagwakas—nagwakas—mga 2,500 taon na ang nakararaan.
Maaaring mapaisip ka kung paano nagkaroon ng kaugnayan ang gayong sinaunang aklat sa kasalukuyang panahon, lalo na sa mga young adult. Maraming mahahalagang tao sa Lumang Tipan ang nagsakatuparan ng mga pinakatanyag na gawain nila noong sila ay, sabihin na nating, matatanda na. At kahit mayroon ding ilang kabataan na nagbibigay-inspirasyon, lahat ng kuwento tungkol sa kanila ay sinauna.
Pero nangangahulugan lamang iyan na ang mga salaysay na ito tungkol sa mga pakikipag-ugnayan ng mga tao sa Diyos ay nananatili sa buong kasaysayan nito. Ang mga kuwento mismo ay nagbibigay-inspirasyon—at ang katotohanang nakapagbigay-inspirayon ang mga ito sa mga tao sa loob ng ilang milenyo ay talagang nakapagbibigay-inspirasyon.
Kung nais mong malaman kung paano iaangkop sa iyong buhay ang pag-aaral mo ng Lumang Tipan ngayong taon, narito ang ilang bagay na dapat hanapin sa iyong pagbabasa:
Maghanap ng Katulad na mga Isyu
Tulad ng mga tao sa Lumang Tipan, hinihintay natin ang matagal nang ipinangakong Tagapagligtas. Tulad nila, nais nating mangyari ito ngayon, kung hindi man kahapon. Tulad nila, kailangan nating hintayin ang itinakdang oras ng Diyos—pero wala tayong duda kahit sandali na iyan ay mangyayari.
Hinihintay natin ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Hinihintay noon ng ating mga ninuno ang Kanyang unang pagparito. Ang ating pananampalataya ay pinalalakas ng kaalaman na nabuhay na Siya at naisakatuparan na Niya ang Pagbabayad-sala. Ang ating mga ninuno ay kinailangang manampalataya sa Tagapagligtas bago Siya isinilang sa mundo o nagsagawa ng Kanyang Pagbabayad-sala!
Ang pagsasaisip sa magkakatulad na hamong ito ay maaari pang gawing mas nagbibigay-inspirasyon ang mga kuwento ng pananampalataya at katapatan sa Lumang Tipan.
Hanapin ang Tagapagligtas
Ito ang isang mahalagang kaalaman tungkol sa doktrina: Ang banal na personaheng tinutukoy na “Diyos” at “ang Panginoon” (o “ang Panginoon”) sa Lumang Tipan ay karaniwang ang Tagapagligtas na si Jesucristo. Siya ay tinatawag noon na Jehova. Pinangasiwaan Niya ang mga gawain sa mundo sa ilalim ng patnubay ng Kanyang (at ating) Ama sa Langit.
Nang kausapin ng Diyos si Moises, iyon ay sa pamamagitan ni Jesucristo.
Nang tumakas si Jonas sa misyon na iniatas sa kanya ng Panginoon, si Jesucristo ang tinakasan niya.
Nang kausapin ng Diyos sina Ezekiel, Jeremias, Isaias, at ang lahat ng iba pang mga propeta, ginawa Niya ito sa pamamagitan ng Nilalang na kalaunan ay magbabayad-sala para sa kanilang (at ating) mga kasalanan.
Ang pangalang “Jesucristo” ay hindi lumitaw sa Lumang Tipan. Ngunit kapag natanto mo kung sino Siya, matatagpuan mo Siya sa halos lahat ng pahina.
Tumingin sa Hinaharap
Sinabi namin kanina na ang Lumang Tipan ay nagwakas 2,500 taon na ang nakararaan. Ang katagang Lumang Tipan ay tumutukoy sa pinakaunang mga propesiya, pero higit pa riyan ang mga propesiyang naroon. Marami ang angkop sa ating panahon at sa hinaharap.
Alam na ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa simula pa lamang kung ano ang mangyayari sa mundong nilikha Nila. Ang mga banal na kasulatan, pati na ang Lumang Tipan, ay narito upang ituro sa atin kung ano ang natutuhan—o hindi natutuhan ng ating mga ninuno: na ang pananampalataya sa Diyos at sa Kanyang Anak ang pinakamahalagang bagay na maaari nating matamo sa ating buhay. Ngayong taon, may pagkakataon tayong lahat na makahanap ng bagong inspirasyon sa isang napakalumang aklat.