Lingguhang YA
Kapag Tila Hindi na Maaayos ang mga Bagay-Bagay, Dalhin ang Sarili Mo sa Isang “Espirituwal na Mekaniko”
Enero 2026 Liahona


Mula sa Lingguhang YA

Kapag Tila Hindi na Maaayos ang mga Bagay-Bagay, Dalhin ang Sarili Mo sa Isang “Espirituwal na Mekaniko”

Ang pagsisisi ay parang pag-aayos ng kotse—kung minsan ay kailangan mo ng isang taong dalubhasa para tulungan ka.

isang lalaki na nag-aayos ng kotse

Noong 16 anyos ako, nagpasiya akong ayusin ang lumang ’67 Mustang ng lola ko. Nagtrabaho na ako sa mga kotse dati, pero hindi pa sa ganitong uri ng makina, at maraming problema ito. Ang tanging paraan para maayos ito ay ibaba ang makina, kalas-kalasin ito, at buuin itong muli.

Bumili ako ng aklat tungkol sa pag-aayos ng makina at binasa ko ang lahat ng pahina nito nang tatlong beses, at nalaman ko ang istruktura niyon. Inayos at pinalitan ko ang lahat ng lumang parte, pero nang paandarin ko ang makina, pumugak-pugak ito. Ang totoo—naglabas ito ng maliliit na bolang apoy.

Kaya muli kong pinag-aralan iyon. Nalaman ko na mali ang pagkabalik ko sa isang parte ng makina, kaya inayos ko iyon at muli kong pinaandar ang kotse.

Sa pagkakataong ito, umandar ang makina … at hindi ayon sa gusto ko. Ang pangit ng tunog nito. Parang mas malala pa iyon kaysa noong bago ko kinalas-kalas ang mga parte ng makina. Talagang nanghina-ang-loob ko at nadismaya ako. Nagtrabaho ako nang husto, pero ni hindi ko alam kung ano ang nagawa kong mali, lalo na kung paano ito ayusin.

Pakiramdam ko ay nabigo ako.

Kung nagkamali ka na—at dahil tao ka lang, talagang nagkamali ka—maaaring nadama mo na rin ito. Kapag nagkamali o nagkasala ka, maaaring mahirap malaman kung paano ayusin ang iyong “espirituwal na makina.” Salamat na lang at mayroon tayong mapagmahal na mga lider o “espirituwal na mga mekaniko” na maaaring magturo sa atin kapag bumabaling tayo sa Tagapagligtas para maayos tayo.

Walang Hindi Maaayos

Kapag nagkakasala tayo, kasama sa pagsisisi ang pagkilala sa nagawa nating mali, paggawa ng mga kinakailangang gawin para ituwid iyon, at pagkatapos ay patuloy na suriin ito—na gumagawa ng mga pagwawastong nagtatagal sa lahat ng panahon.

Gayunpaman, hindi ito gayon kasimple palagi. Kung minsan ay gusto mong magbago, pero sa kabila ng lahat ng pagsisikap mo, patuloy kang bumabalik sa mga dating gawi. Maaari mo pa ngang madama na imposibleng madaig ang iyong mga kasalanan.

Pero hindi iyan totoo.

Maaari ka pa ring maligtas. Kahit ang kotse ng lola ko, gaano man ang sira nito, ay maaayos.

Kailangan ko lang ng dagdag na tulong.

Dinala ko ang kotse sa isang mekaniko na alam na alam ang uri ng makina, at nakita niya ang problema. Inayos niya ito at ipinakita sa akin kung paano ito ayusin sa hinaharap upang mapanatili kong umaandar nang maayos ang makina. Nakahinga ako nang maluwag dahil hindi nabigo ang proyekto, salamat sa tulong ng isang taong higit ang kaalaman kaysa sa akin—isang taong makapagtuturo sa akin.

Kapag parang biglang tumigil nang lubusan ang iyong “espirituwal na makina,” ang pagsisisi ay maaaring “magpasimula ng positibong espirituwal na momentum” at maghikayat sa iyo na magpatuloy muli. At sa tulong ng isang taong mas matalino ay maipapakita sa iyo kung paano talaga iyon gawin.

Hindi Ka Nag-iisa

Maaaring nakakahiya o nakakatakot aminin ang isang kasalanan sa iyong bishop o branch president, pero ang kahihiyan ay hindi nagmumula sa Diyos. Itinuro kamakailan ni Sister Tamara W. Runia, Unang Tagapayo sa Young Women General Presidency, “Bagaman [nag-aalala] ang Diyos sa ating mga pagkakamali, mas mahalaga sa Kanya kung ano ang mangyayari pagkatapos nating magkamali.“

Ang paghingi ng tulong para makapagsisi ay hindi tanda ng kahinaan. Tanda ito na mapagpakumbaba kang nagtitiwala sa proseso at patnubay ng Ama sa Langit.

Kaya nga hinikayat tayo ni Elder Scott D. Whiting ng Pitumpu: “Huwag pagtaguan ang mga nagmamahal at sumusuporta sa inyo; bagkus, lumapit sa kanila. Matutulungan kayo ng mga butihing bishop, branch president, at lider na magamit ang nagpapagaling na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”

Ganito ang isipin ninyo: Nang magpunta ako sa mekaniko para magpatulong sa makina ng kotse, hindi niya ipinadama sa akin na mangmang ako, hindi niya ako pinaalis, o sinabihan na pag-isipan iyon nang mag-isa. Trabaho niyang ayusin ang mga problema sa kotse!

Katulad niyon, ang trabaho ng bishop ay tulungan ang mga miyembro ng kanyang ward na sundin si Jesucristo, na kinabibilangan ng pagsisisi. Sa katunayan, ang kanyang “pangunahing responsibilidad … ay pangalagaan ang bagong henerasyon sa ward.” Kabilang ka riyan!

Hindi ka pabigat sa iyong bishop o branch president kapag humihingi ka ng tulong sa kanya. Ang kanyang trabaho ay hindi para pintasan ka o sabihin sa iyo na dapat ay mas alam mo iyan. Ang trabaho niya ay suportahan at gabayan ka sa mga pinagmumulan ng espirituwal at emosyonal na lakas—lalo na sa iyong Manunubos.

May Nakakaunawa

Kahit hindi pa napagdaanan ng iyong bishop ang napagdaanan mo mismo, nauunawaan iyon ni Jesucristo, at matutulungan ka Niya sa pag-uusap na iyon. Sa Tagapagligtas, walang hindi naaayos.

Alam ko na kasama ko ang Tagapagligtas habang sinisikap kong ituwid ang aking mga pagkakamali. Ginagawa Niyang posible para sa akin na magawa ang kailangan kong gawin. Labis akong nagpapasalamat sa patnubay, payo, at tulong na ibinibigay Niya sa akin. Tinutulungan Niya ako na panatilihing buo ang aking “espirituwal na makina” at sumulong sa landas ng tipan, kahit may ilang kabiguan sa daan.