Lingguhang YA
Natutuhan Ko na ang Aking Halaga ay Hindi Nakabatay sa Pagiging Perpekto
Enero 2026 Liahona


Mula sa Lingguhang YA

Natutuhan Ko na ang Aking Halaga ay Hindi Nakabatay sa Pagiging Perpekto

Nang hindi ko na inisip na nakabatay ang halaga sa pagsunod, sa wakas ay naunawaan ko ang kahulugan ng biyaya.

isang dalagitang nakatingin sa paglubog ng araw

Pakiramdam mo ba ay parang nagsasawa na ang Diyos sa iyo dahil paulit-ulit mong ginagawa ang parehong mga kasalanan? O na parang ang iyong halaga ay nakabatay sa kung gaano kahusay mo sinusunod ang mga tuntunin?

Kung nadama mo na ito, dapat mong malaman na hindi ka nag-iisa.

Simula noong bata pa ako, ibinabatay ko ang pagpapahalaga ko sa aking sarili sa pagiging “mabuting” anak—o kahit paano sa batang hindi gumagawa ng mali. Gusto ko noon na purihin ako, kaya nagsikap akong maging pinakamahusay na estudyante, pinakamabait na anak—isang taong laging masunurin.

Pero ang mga bata ay nagkakamali. Ang mga estudyante ay nangangailangan ng pagtutuwid. Ang ibig sabihin ng paglaki ay pagkatuto, kung minsa’y sa pamamagitan ng kabiguan o mga hamon o mga pagkakamali. Gayunpaman, kahit alam kong totoo ito, bawat pagkakamali ay parang kabawasan sa aking halaga. Nakikita ko ang sarili ko na walang gaanong halaga sa aking pamilya, mga titser, at kabarkada sa tuwing hindi ko lubos na nagagawa ang mga inaasahan.

Pag-alaala Kung Bakit Naparito si Cristo

Ang perpeksyonistang pag-iisip na ito ay agad na napasama sa aking pananampalataya nang sumapi ako sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa edad na 18. Naniwala ako na sa pagiging pinakamasunuring miyembro ay nagkaroon ako ng halaga sa paningin ng Ama sa Langit. Muli, sinusukat ko ang halaga ko batay sa kung gaano kahusay ko sinusunod ang mga tuntunin.

Bagama’t tapat ang mga hangarin ko, nagkamali ako. Ang ganitong pag-iisip ay unti-unting nagpahina sa tiwala ko sa aking sarili.

Kaya, ano ang nagpabago?

Para sa akin, iyon ay ang pangkalahatang kumperensya noong Abril 2025—lalo na ang mensaheng ibinigay ni Sister Tamara W. Runia, Unang Tagapayo sa Young Women General Presidency. Sabi niya, “Pinatototohanan ko na bagaman [nag-aalala] ang Diyos sa ating mga pagkakamali, mas mahalaga sa Kanya kung ano ang mangyayari pagkatapos nating magkamali.”

Habang nakatayo ako sa salas, tumulo ang mga luha sa aking pisngi. Nangusap ang Espiritu sa puso ko, na ipinapaalala sa akin na mali na ibatay ko ang aking halaga sa aking pagsunod at na kailangan kong baguhin ang pananaw ko sa mga bagay-bagay.

Hindi nababawasan ang halaga ko sa Diyos kapag nagkakamali ako. Maling-mali ako na pinaniwalaan ko iyon. Nagpatuloy si Sister Runia sa pagtuturo na kapag nagsisisi tayo, nagagalak ang Diyos. Bawat linggo kapag tumatanggap ako ng sakramento, may oportunidad akong magpanibago ng aking mga tipan, magsimulang muli, at sumubok na muli.

Ang Halaga ay Hindi Nagbabago—Palagi

Ang bahagi ng mensahe na talagang tumimo sa akin ay nang ilarawan ni Sister Runia ang ating halaga bilang mga anak ng Diyos gamit ang kanyang mga kamay.

Itinaas niya ang kanyang kaliwang kamay upang kumatawan sa likas na halaga ng isang tao, pagkatapos ay ginamit ang kanyang kanang kamay para ipakita ang mabubuti at masasamang nangyayari sa buhay—mga pagkakamali, tagumpay, paghihirap, at pag-unlad. Habang taas-baba ang kamay ng “pagsunod,” nanatiling matatag ang kamay ng “halaga.”

Nagpatotoo si Sister Runia: “Ang inyong halaga ay hindi [nakabatay] sa pagsunod. Ang inyong halaga ay nananatiling pareho; hindi ito nagbabago kailanman. Ibinigay ito sa inyo ng Diyos, at kayo o ang sinuman ay walang magagawa upang mabago ito. Ang pagsunod ay nagdudulot ng mga pagpapala; totoo iyon. Pero ang halaga ay hindi kasama sa mga ito. Ang inyong halaga ay laging ‘labis-labis sa paningin ng Diyos’ [Doktrina at mga Tipan 18:10], hindi alintana kung saan kayo dinala ng inyong mga desisyon.”

Isa itong makapangyarihang katotohanan na kailangan kong matutuhan.

Paghahayag para sa Aking Kaluluwa

Sa pangkalahatang kumperensyang iyon, sinagot ng Ama sa Langit ang isang tanong na hindi ko natanto na malalim na nakabaon sa aking kaluluwa. Ito ay paghahayag para sa aking puso, na pumapawi sa mga dekada ng mababang pagpapahalaga at kawalan ng tiwala sa sarili at pinupuspos ako ng Kanyang dalisay na pagmamahal at awa.

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay pag-asa dahil nagtuturo ito ng pagsisisi. Sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, maaari tayong mapanibago, malinis, at mapabanal. Talagang nalulugod Siya na patawarin tayo. Kaya nga kusang-loob Siyang nagdusa para sa ating mga kasalanan at paghihirap. Kapag naaalala ko ang katotohanang ito at nagtutuon ako sa walang-hanggang awa na ibinibigay Niya sa tuwing bumabaling ako sa Kanya, nadarama ko na nadaragdagan ang pagpapahalaga ko sa aking sarili at napapawi ang kawalan ko ng kumpiyansa.

Kung nadarama mo na ang iyong halaga ay nakabatay sa iyong pagsunod, alalahanin kung paano ka lubos na minamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Naglaan Sila ng paraan para matubos ka. Itanong sa Ama sa Langit kung ano ang tingin Niya sa iyo—at pagkatapos ay hayaang tumimo nang malalim ang katotohanang iyon sa iyong kaluluwa.

Pakatandaan iyon. Huwag muling pagdudahan iyon.