Lingguhang YA
Binabalewala Mo Ba ang Ebanghelyo?
Enero 2026 Liahona


Naniniwala Ako

Binabalewala Mo Ba ang Ebanghelyo?

Ang awtor ay naninirahan sa Mallorca, Spain.

May mga pagkakataon tayong lahat sa ating buhay na natatanto natin na hindi natin pinahahalagahan ang himala ng ebanghelyo.

lalaking kinukunan ng retrato ang pusa sa bintana

Isang araw habang naglalakad ako papunta sa trabaho, nainis ako sa isang karaniwang sagabal: mga turista.

Sanay na ako sa mga turista dito sa Mallorca, pero sa partikular na araw na ito, nagmasid ako nang may tumitinding pagkainis dahil napakarami nila sa bayan, at tumitigil para kunan ng retrato ang lahat ng nakikita nila.

Naaalala ko na napansin ko ang isang turista na sumisilip sa isang bintana at kumukuha ng mga retrato at napaisip ako, “Bakit? Karaniwang bintana lang ito. Bakit mo ito kinukunan ng retrato?”

Pero para maging patas, malamang gayon din ang ginagawa ko kapag bumibisita ako sa mga lugar na bago sa akin. Kaya nagpasiya akong baguhin ang istilo ko.

Nang makita ko na itinutok ng isang tao ang kanyang kamera sa isang gusali, nagpasiya akong tumingala rin at tingnan kung mahahanap ko ang anumang napakahalagang bagay na lubos na pinagtutuunan nila ng pansin. Kung napansin ko ang isang tao na nakamasid sa isang shop na nadadaanan ko araw-araw, nagpapasiya ako na suriin itong muli at tuklasin ang napakahalagang bagay doon na sa palagay nila ay dapat kunan ng retrato.

At alam mo ba? Nakakita ako ng ilang magagandang bagay sa paglalakad na iyon papunta sa trabaho. Nang subukan kong tingnan ang bahay ko na para bang noon ko lang iyon nakita at tumigil sa pagbalewala dito, nakakita ako ng mga bagong bagay na dapat pahalagahan o pasalamatan.

Kalaunan, ganito ang naisip ko:

Gaano kadalas kong binabalewala ang ebanghelyo?

Pagkilala sa mga Pagpapalang Natanggap na Natin

Naaalala ko ang isang pagkakataon sa aking misyon noong hindi ako gaanong masaya. Paulit-ulit kong ipinagdasal ang pare-parehong mga bagay at pakiramdam ko ay hindi ako nakatatanggap ng mga sagot.

Kinausap ko ang aking mission president tungkol sa nadarama ko, at sinabi niya na baka hindi ako lubos na nagtitiwala sa mga pangako ni Cristo. Noong una, hindi ko alam ang ibig niyang sabihin, pero nang patuloy kong pinag-isipan ito at pinag-aralan ang ibig sabihin ng lubos na magtiwala sa Panginoon, nahiwatigan ko na dapat kong simulang tukuyin at pasalamatan ang mga pagpapalang natanggap ko na. Nakatulong ito sa akin na maunawaan na nasagot na ng Ama sa Langit ang marami sa aking mga panalangin at pinagpala ako sa maraming paraan.

Itinuro ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang gayong kawalan ng interes ay nakikita sa unti-unting pagkawala ng ating kasabikan na lubos na makibahagi sa ebanghelyo ng Panginoon. … Ang ganitong pagiging kampante, ika nga, ay nagiging dahilan para balewalain natin ang mga kaloob ng ebanghelyo, at kalaunan, may peligrong mapabayaan na natin ang regular na pakikibahagi sa mahahalagang aspeto ng ebanghelyo ni Jesucristo at ang mga tipang ginawa natin.”

Kapag tila nadarama ko na baka nababalewala ko ang ebanghelyo ni Cristo, ang sagot kung minsan ay pagbalik sa mga pangunahing alituntunin at pag-alaala kung ano ang pinakamahalaga.

Tingnan ang Ating Relihiyon nang may Bagong Pananaw

Halos buong buhay ko, natagpuan ko ang sarili ko sa mga sitwasyon kung saan ako lang ang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nagsisimba ang pamilya ko, at maganda ang branch ko, pero sa paaralan o kasama ang mga kaibigan, madalas ay nag-iisa ako sa aking relihiyon.

Kapag may mga bago akong nakikilala, ako ang unang nakikilala nila sa ebanghelyo. Kapag nalaman nila ang mga bagay tungkol sa akin at kung paano ako namumuhay, ang tingin nila dito ay bago at kawili-wili.

Halimbawa, ilang buwan na ang nakalipas ay nasa isang party ako ng kumpanya namin kung saan ang lahat ay umiinom ng alak. Nang ipaliwanag ko sa mga kasamahan ko na hindi ako umiinom, inakala nila na hindi lang ako iinom ng alak sa gabing iyon dahil kailangan kong magmaneho kalaunan. Nang ipaliwanag ko na kailanman ay hindi ako uminom ng alak, napakarami nilang tanong.

Kapag nararanasan ko ang mga ito, ipinaliliwanag ko ang relihiyon ko sa mga taong ngayon lang nakarinig nto (o narinig lamang ang tungkol sa ating Simbahan sa media). At kapag nakikita ko na natututo sila tungkol sa ating Simbahan sa unang pagkakataon, nakatutulong ito sa akin na tingnan ang sarili kong relihiyon nang may bagong pananaw.

Pagbalik sa Tamang Landas

Palagay ko lahat tayo ay may mga pagkakataon sa ating buhay na natatanto natin na hindi natin pinahahalagahan ang himala ng ebanghelyo. Pero may mga simpleng bagay tayong magagawa para makabalik sa tamang landas, tulad ng pagkilala sa tulong ng Panginoon sa ating buhay at pagbabahagi ng ating patotoo sa iba. Maaari tayong maging katulad ng mga turistang iyon, na nakakita ng mga himala sa mga bagay na karaniwan. Makikita at mamahalin natin ang magagandang bahagi ng ebanghelyo na naging karaniwan na sa atin.

Gustung-gusto ko ang Mga Kawikaan 3:5–6, na nagsasabing:

“Sa Panginoon ay buong puso kang magtiwala, at huwag kang manalig sa sarili mong pang-unawa.

“Sa lahat ng iyong mga lakad siya’y iyong kilalanin, at itutuwid niya ang iyong mga landasin.”

Kapag kinikilala natin ang nagawa ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa atin, patuloy Nila tayong bibigyan ng bagong patnubay at inspirasyon.

At tutulungan Nila tayo na patuloy na matanto ang pagpapala ng pagkakaroon ng ebanghelyo sa ating buhay.