Lingguhang YA
Ito ang Misyon Mo; Kaya Mo Ito!
Enero 2026 Liahona


Mula sa Mission Field

Ito ang Misyon Mo; Kaya Mo Ito!

Nang matanggap ko ang aking mission call, nakadama ako ng pagdududa at pangamba. Talaga kayang magagalak ako sa paglilingkod sa Panginoon?

isang bata pang missionary na mag-isang nagdarasal sa simbahan

Noong Setyembre 2023, natanggap ko ang mission call ko. Mula nang malaman ko na makakatanggap ako ng call, ipinagdarasal ko na madestino ako sa bagong lugar. Nagulat ako nang tawagin akong maglingkod sa Cote d’Ivoire Yamoussoukro Mission.

Naisip ko, “Hindi iyan Argentina!”

Sumigaw ang kapatid kong babae, “Sa Africa, sa Africa ‘yan!”

Isang Di-Inaasahang Assignment

Naisip ko, “Nagbibiro yata sila. Nagkamali siguro sila.”

Batid na maglilingkod ako sa isang French-speaking mission sa Africa, nakadama ako ng kawalang-katiyakan at pagdududa—mga damdaming natukoy ko na nagmumula sa kaaway.

Natuklasan ko rin na walang isa man mula sa aking bansa ang nagmisyon sa Cote d’Ivoire noon! Sa Ghana missionary training center, natanto ko na wala ni isa roon ang nagsasalita ng Espanyol. Napakahirap na hindi ko magawang makipag-usap gamit ang sarili kong wika.

Gusto ko nang sumuko at umuwi, pero naalala ko na gayon din ang naranasan ni Nephi. Nang pumasok siya sa lungsod na hinahanap ang bahay ni Laban, sabi niya, “At ako ay pinatnubayan ng Espiritu, nang sa simula ay hindi pa nalalaman ang mga bagay na nararapat kong gawin” (1 Nephi 4:6).

Para akong si Nephi. At, matapos manalangin nang taimtim, nakadama ako ng kapayapaan. Nang magkaroon ako ng mga pagdududa, pumasok sa isipan ko ang katatang “Ito ang misyon mo, at kaya mo ito.” At alam ko na sa tulong ng Panginoon, kaya ko ito.

Pagbabago ng Aking Pananaw

Pagdating ko sa Cote d’Ivoire, nagulat ako sa mga abang tahanan at matinding halumigmig. Mahirap ang mga unang buwan, dahil sa limitadong tubig at kuryente. Ipinagdasal ko na magkaroon ako ng lakas, at ang mga salita ring iyon ang naisip ko: “Ito ang misyon mo, at kaya mo ito.”

Isang araw, nabasa ko ang 3 Nephi 5:13: “Masdan, ako ay disipulo ni Jesucristo, ang Anak ng Diyos. Ako ay tinawag niya na ipahayag ang kanyang mga salita sa kanyang mga tao, upang magkaroon sila ng buhay na walang hanggan.”

Binago nito ang aking pananaw. Natuto akong gawing masasaya ang hindi magagandang karanasan at makita ang mga pagpapalang natanggap ko.

Nagsimula akong di-gaanong mag-alala tungkol sa mga bagay na wala ako at mas isipin kung ano ang kailangan ng iba. Salamat sa Panginoon sa pagbibigay sa akin ng kaloob na mga wika, natuto ako ng French sa loob ng ilang buwan at naging bihasa sa Ingles kaya tatlong wika ang nasasalita ko! Ang aking mga pagdududa at pangamba ay napalitan ng kagalakan sa paglilingkod sa Panginoon.

Darating ang mga Pagpapala

Kalaunan ay natuklasan ko kung bakit ako tinawag na maglingkod.

Itinuro ni Elder David F. Evans ng Pitumpu: “Gusto ba ninyong lumigaya? … Maglingkod sa inyong kapwa bilang misyonero para sa Panginoon. … Babaguhin nito ang lahat. … Mahirap ang gawain, pero may malaking kasiyahan at galak din sa inyong paglilingkod. Kung tapat kayo sa inyong misyon at pagkatapos nito, gugunitain ninyo ang inyong buhay at masasabi ang sinabi ni Pangulong [Gordon B.] Hinckley na, ‘Lahat ng mabuting nangyari sa akin mula noon ay dahil sa desisyon kong magmisyon at ilaan ang buhay ko sa Panginoon.’”

Kung nag-aalala ka kung ano ang mangyayari sa iyong pamilya, mga kaibigan, pag-aaral, trabaho, o sa taong napupusuan mo, tandaan na nangako ang Panginoon, “Hindi ko kayo iiwang nag-iisa: ako’y darating sa inyo” (Juan 14:18).

“Kalimutan ang inyong sarili,” sabi nga ni Pangulong Hinckley, at magtuon sa dakilang adhikaing ito. Pagpapalain ng Panginoon ang iyong mga pagsisikap, ang iyong mga kapamilya, at ang iyong buhay, kapag ibinibigay mo ang lahat sa Kanya.

Kung gusto mong maging masaya, sundan ang landas ng ebanghelyo, at kung may oportunidad ka, magmisyon. Ang mga pagpapalang dumarating sa mga naglingkod sa Panginoon ay nakikita rin pagkatapos ng kanilang misyon.

Inaanyayahan Tayo ng Panginoon

Inaanyayahan ko rin ang lahat ng kayang maghanda at maglingkod sa misyon. Inaanyayahan tayo ng Panginoon na hanapin ang Kanyang mga anak na naghahanap sa Kanya. Darating ang mga pagsubok, pero sa pagsampalataya kay Cristo at sa positibong pagbabago sa iyong pananaw, makikita mo ang mga pagpapala ng Diyos habang naglilingkod ka sa Kanya.

Sa pagtutuon ng aking puso’t isipan sa Panginoon, nagbago ang aking pag-iisip. Nagsimula akong maging mas positibo, naglaho ang aking mga pangamba at pagdududa, at naranasan ko ang walang-hanggang kagalakan ng pamumuhay ayon sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Alam ko na mahal tayo ng Diyos at kilala Niya ang bawat isa sa atin, at ito ang dahilan kaya Niya isinugo ang Kanyang Bugtong na Anak, “upang ang sinumang sa kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (John 3:16).

Alam Niya kung saan tayo kailangang maglingkod. Hindi magtatagal at magkakaroon ako ng oportunidad na makitang muli ang aking pamilya at magpatotoo na si Jesus ang Cristo, na saanman tayo tawagin ay kailangan tayo ng Panginoon, na ang Kanyang ebanghelyo ay iisa sa lahat ng wika, at na talagang: ito ang misyon ko, at nakaya kong gawin ito.

Kaya mo rin ito!

Mga Tala

  1. David F. Evans, “Babaguhin ng Inyong Misyon ang Lahat,” Liahona, Mayo 2006, 33.

  2. Gordon B. Hinckley, “Forget Yourself and Go,” New Era, Okt. 2002, 4–5.