Lingguhang YA
Kapag Di-Gaanong “Kahanga-hanga” sa Pakiramdam ang Pagiging Ina
Enero 2026 Liahona


Para sa mga Ina ng Maliliit na Bata

Kapag Di-Gaanong “Kahanga-hanga” sa Pakiramdam ang Pagiging Ina

Ang pagiging ina ay maaaring magkahalong galak at mga hamon.

isang pagod na ina na may kargang sanggol

Noong ako ay bagong ina na may bagong-silang na sanggol, pagod-na-pagod ako. Buong magdamag akong gising dahil sa aking sanggol na anak, at muntik na kaming hindi nakasimba. Pagkatapos ng miting, hinawakan ng isang mabait na matandang babae ang braso ko at sinabing, “Kahanga-hanga ang maging isang ina, ’di ba?”

Masyadong akong dismayado para sumagot. Buong buhay kong ginustong maging ina, at kahit inaamin ko na napakaraming kahanga-hangang aspeto sa pagiging ina, sa sandaling iyon, hindi talaga ito “kahanga-hanga” para sa akin.

Nagsimula akong makonsiyensya nang pumasok sa isip ko ang mga ideya at alalahaning dulot ng postpartum. Paano kung ayaw ko palang maging ina? Sa mga hamon na naranasan pagkatapos magsilang, hindi ko palaging nararamdaman ang “saya” na sinasabi ng ibang mga ina. Nakikisimpatiya rin ako sa mga kababaihang sabik na maging ina, at nadama ko na makasarili ako dahil hindi ko sinusulit ang bawat sandali ng pagiging ina.

Masamang ina ba ako dahil diyan? Ako lang ba ang nakadarama nito?

Paghahanap ng Kahanga-hanga

Nag-text ako sa ilan sa mga kaibigan ko na nagsilang din kamakailan. Nakahinga ako nang maluwag nang marinig ko na mayroon ding mga araw (at gabi) na nahirapan sila. Ang pakikipag-usap sa kanila ay humantong sa nakamamanghang realisasyon:

Ginagamit siguro natin ang salitang kahanga-hanga para ilarawan ang pagiging ina dahil maaari itong maging mahirap at kamangha-mangha rin.

Nadismaya ako na ginagamit natin ang salitang kahanga-hanga para ilarawan ang pagiging ina, sa halip na ang mga salitang tulad ng mahirap, di-makasarili, nakakapagod, mga salitang totoong-totoo sa akin dahil umasa sa akin ang aking anak nang 24/7. Halos ninais ko na ang babaeng iyon sa simbahan ay nagtanong na lang sana ng, “Napakahirap bang maging ina?”

Bigla kong naisip ang mga titik sa himnong “Ako ay Namangha”:

“O kahanga-hanga para sa akin!”

Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay mahirap, di-makasarili, at nakakapagod. Pero inilalarawan natin ito sa awiting iyon gamit ang salitang kahanga-hanga.

Ang Itinuro sa Akin ng Pagiging Ina

Ngayon ay isang taon na ang anak ko, at kapag ginugunita ko ang nakaraang taon mula nang ako ay maging ina, marami na akong natutuhan. At ang pinakamahalaga, mas napalapit ako kay Jesucristo.

Madalas kong pagnilayan ang pahayag na ito ni Pangulong Jeffrey R. Holland, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Walang pag-ibig sa mortalidad na halos makakatulad sa dalisay na pag-ibig ni Jesucristo maliban sa di-sakim na pag-ibig ng isang tapat na ina sa kanyang anak.”

Mas naunawaan ko ang Tagapagligtas nang matutuhan ko kung ano ang maging ina.

Nadagdagan din ang pagpapahalaga ko sa aking mabait na ina at sa di-mabilang na mga sakripisyong ginawa niya para sa akin sa buong buhay ko. Kahanga-hanga ang salitang gagamitin ko para ilarawan siya.

Palaging binabanggit sa mga banal na kasulatan ang mga ina at pagiging ina. Ang pagbabasa nito bilang isang ina ay nagbigay ng bagong pananaw sa buhay ko.

Halimbawa, nang muli kong basahin ang Isaias 49:15, naging mas makatotohanan ito sa akin ngayong nauunawaan ko na kung ano ang pakiramdam ng palaging alagaan ang anak: “Malilimutan ba ng babae ang kanyang batang pasusuhin, na siya’y hindi mahahabag sa anak ng kanyang sinapupunan? Oo, ang mga ito’y makakalimot, ngunit hindi kita kalilimutan.”

Hindi kalilimutan ng aking pisikal na katawan na mayroon akong anak na nakadepende sa akin, pero—hindi pa rin ito maikukumpara sa perpekto at walang-hanggang pagmamahal ng Tagapagligtas para sa atin.

Ang pagpapalaki sa anak ay nakatulong sa akin na mas maunawaan ang mga ipinangakong pagpapala ng aking mga tipan sa templo at nagbigay sa akin ng mas dakilang hangarin na maging halimbawa ng mga turo ng aking Tagapagligtas.

Ang bawat araw bilang isang ina ay naghahatid ng magkahalong mga hamon at galak, na ganap na naglalarawan kung bakit ang pagiging ina ay maaari pa ring maging “kahanga-hanga,” kahit maaaring hindi ganito ang pakiramdam.

Bagama’t hindi ko laging nadarama na “kahanga-hanga” akong ina, umaasa ako bawat araw na lalo akong magiging katulad ng aking Tagapagligtas na si Jesucristo, at maturuan ko ang aking anak kung paano sumunod sa Kanyang mga yapak.