Matwid na mga Katiwala—Mga Disipulo ni Jesucristo
Pandaigdigang Debosyonal Para sa mga Young Adult
Mayo 4, 2025
Mahal naming mga kaibigan sa lahat ng dako ng mundo, welcome! Tuwang-tuwa ako sa oportunidad na ito na makasama kayo—upang maipadama ang aking pagmamahal at aking mga minimithi para sa inyo. Higit sa lahat, isang karanasan ang inaasahan kong mararanasan ninyo ngayong gabi—isang karanasan kung saan nararamdaman ninyo ang pagmamahal ng Diyos at binigyang-inspirasyon na makamit ang Kanyang pinakamimithi para sa inyo!
Narito tayo sa makasaysayang Tabernacle sa Temple Square sa Salt Lake City. Nagsimula ang konstruksyon ng maringal na gusaling ito isandaang taon na ang nakalipas bago ako isinilang. Isang panahon iyon na napakamahal ng mga materyales sa pagtatayo ng mga gusali sa Utah Territory, walang riles ng tren na magdadala ng mga suplay, at kung mayroon man, kakaunti ang pera. Ngunit ang mga nagtatrabaho sa maringal na istrukturang ito ay maparaan at nag-recycle ng magagamit na mga materyales. Ang ilan sa mga kahoy na ginamit ay ni-recycle mula sa mga tirahang itinayo dati. Ang mga pako at washer ay pinanday mula sa mga lumang bakal na sapatos ng mga baka. At ang plaster ay hinaluan ng mga buhok ng hayop para patibayin. “Ayusin,” “gamitin ulit,” at “i-recycle” ay mga katagang sinambit na nila bago pa man naging bahagi ito ng terminolohiya natin ngayon.
Ang aking pangalawa at pangatlong lolo sa tuhod, na mga imigrante mula sa England, ay tumulong sa paggawa ng malalaking pintuan para sa Tabernacle na ito. Naisip kaya nila na balang-araw ang kanilang inapo, isang apong babae, ay magsasalita sa makasaysayang lugar na ito?
Mga kapatid, nauunawaan ba ninyo ang maaaring maging epekto ng inyong mga gagawin?
Ang mundong ginagalawan natin ay puno ng mga hamon. At kayo ay isang henerasyon ng kababaihan at kalalakihan na nakalaan para sa panahong ito—nasa inyo ang kakayahan, ang mga katangian, ang hangarin, at ang oportunidad na humugot ng kapangyarihan ng Diyos upang harapin ang mga hamong iyon at lutasin ang mga ito. Walang hanggan ang inyong potensyal.
Nananalig ako sa inyo. Ipinapahayag ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag ang kanilang tiwala sa inyo. Ang mga salitang sinabi nila, ay tila ba mismong ang Panginoon ang nagsabi.
Huwag sana tayong sumuko sa pagsisikap nating harapin ang mga kumplikasyon ng panahong ito. Kailangan namin kayo!
Nauunawaan ko na madali tayong mabihag ng mga negatibong bagay, at matuon sa patuloy na ibinabalitang laganap na kaguluhan sa mundo. Armadong labanan, mga away sa pulitika, panunupil, mga kalamidad na dulot ng kalikasan, pagdurusa ng tao—halos hindi na ako makahinga. Maaaring maramdaman ninyo na wala kayong magagawa para mabigyan ng pangmatagalang solusyon ang mga iyon.
Tiwala kong ipinapahayag, na, pinagpala ng lakas at kapangyarihan ng Diyos na natatamo ninyo sa pamamagitan ng paggawa at pagtupad ng Kanyang mga tipan, magagawa ninyong labanan ang mga negatibong bagay at magbigay ng liwanag sa bawat sulok ng kadiliman.
“[Tayo] ang ilaw ng sanlibutan,” pahayag ng Tagapagligtas. At “liwanag ay kumukunyapit sa liwanag.” Ang pagpapaningning ng liwanag ng ating pagiging disipulo ni Jesucristo ang pinakadakilang uri ng enerhiya na nagpapanumbalik ng lakas—enerhiya na ang pinagkukunan ng lakas ay laging puno. Pinatototohanan ko na sa paghahatid ng Kanyang kaginhawahan at liwanag sa iba, natatagpuan natin ang sariling kaginhawahan sa Kanya.
Kaya maging isang tagapayapa sa inyong sariling tahanan, at sa inyong imahe sa online. Pagaanin ang mga paghihirap ng sarili ninyong mga kapitbahay.
Layunin ni Satanas na diktahan ang kilos natin. Salungat ito sa plano ng kaligayahan ng Ama na nagbibigay sa atin ng pagkakataong kumilos, maging mga kinatawan para sa kabutihan, para sa kapayapaan, at para sa pag-asa.
Maaari nating kontrahin ang maling impormasyon sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga bagay na nagbibigay sigla, pag-asa, at tamang impormasyon—maging mga tagapagtaguyod ng katotohanan sa halip na mga tagasagap lamang ng impormasyon. Makokontra natin ang mga negatibong bagay sa pamamagitan ng pagpuno sa mundo ng liwanag at mabubuting balita ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Tulad ng sinabi ng ating minamahal na propetang si Pangulong Russell M. Nelson, “Ang sagot ay laging si Jesucristo.” “Anuman ang mga tanong o problema ninyo, ang sagot ay laging matatagpuan sa buhay at mga turo ni Jesucristo.”
Inanyayahan tayo ni Pangulong Nelson na ang ating pagkadisipulo ang “unahin natin higit sa lahat.” Pinalalalim natin ang ating pagkadisipulo kapag natututuhan at nalalaman natin ang tungkol kay Jesucristo. Kaya saliksikin natin ang mga turo ng Tagapagligtas.
Ang Mateo kabanata 25 ay naglalaman ng tatlong talinghaga, ang mga huling talinghaga na itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang ministeryo sa mundo na naitala ni Mateo. Sa paghahanda ng aking mensahe sa pangkalahatang kumperensya kamakailan, at sa paghahanda para sa debosyonal na ito, nagpahiwatig ang Espiritu sa akin na balikan ang mga kuwentong ito at matuto mula sa mga ito.
Para sa ating mga layunin, nais kong bigyang-diin ang mga aspekto ng paghahanda at pangangasiwa na napapaloob sa mga talinghagang ito. Inanyayahan tayo ni Pangulong Nelson na “ngayon ang panahon … na maghanda para sa Ikalawang Pagparito … ni Jesucristo.” Ang pangangasiwa ay maingat at responsableng pamamahala ng isang bagay na ipinagkatiwala sa pangangalaga ng isang tao. Sa pagsisikap nating mangasiwa, tinutularan natin si Jesucristo. Kaya pakinggan ang mga aral sa paghahanda at pangangasiwa na mapupulot natin sa mga kuwentong ito.
Una, ang talinghaga tungkol sa sampung dalaga—lima ang matatalino at lima ang inilarawang mga mangmang.
Sa talinghaga, ang lahat ng sampung dalaga ay nasa tamang lugar, at naghihintay sa pagdating ng kasintahang lalaki. Bawat isa sa kanila ay may dalang ilawan. Kayong lahat ay tulad niyon. Narito kayo, ipinakikita ang inyong pananampalataya at pinatitibay ang inyong patotoo.
Nang dumating ang kasintahang lalaki—na kumakatawan sa Tagapagligtas—sa hindi inaasahang oras ng hatinggabi, ang limang mangmang na dalaga ay walang sapat na langis para sa kanilang mga ilawan. Marahil hindi nila naisip na mahalaga o kailangang magdala ng sobrang langis. O hindi sila naging maiingat na katiwala ng langis na mayroon sila. Marahil nawala sa pokus, nabigo silang sapat na maghanda para panatilihing nagdiringas ang kanilang mga ilawan.
At kaya nga, bilang tugon sa kanilang kahilingan na pahintulutan silang pumasok sa hapunan ng kasalan, sumagot ang kasintahang lalaki, “Hindi ninyo ako nakikilala.” Ipinahihiwatig nito na sa gitna ng kanilang paghahanda at matalinong pangangasiwa, ang limang matatalinong dalaga ay talagang kilala Siya.
Ang mahalagang langis, na kumakatawan sa personal na pagbabalik-loob, ang nagbigay-daan para masindihan ng matatalinong dalaga ang kanilang mga ilawan at pumasok sa piging ng kasal kasama ang kasintahang lalaki. Ang langis ay hindi maaaring ibahagi sa kanilang mga kaibigan dahil ang personal na pagbabalik-loob ay talagang ganoon—personal. Maaari at dapat nating itaas ang liwanag ng ating mga ilawan upang pasiglahin at palakasin ang iba, ngunit bawat isa sa atin ay katiwala ng sarili nating pagbabalik-loob.
Tulad ng sinabi ng Tagapagligtas, “Maging matapat, nananalangin tuwina, taglay ang inyong mga ilawan na tinabasan at nagniningas, at may langis na dala kayo, upang kayo ay maging handa sa pagparito ng Kasintahang lalaki.”
Gayundin natin makikilala ang Tagapagligtas at magkakaroon tayo ng “tiwala sa paglapit sa Diyos ngayon mismo” kapag naghahanda tayo na panatilihing puno ng langis ng pagbabalik-loob ang ating mga ilawan at pagkatapos ay hayaang magningning ang liwanag ng pagbabalik-loob na iyon. At tulad ng inilalarawan ng napakagandang iskultura sa Temple Square, maaari at dapat nating suportahan at palakasin ang iba na tulad ng ginagawa natin—nag-aanyaya sa iba na lumapit sa liwanag—ang Liwanag ng Mundo na si Jesucristo.
Ang pangalawang talinghaga na ikinuwento ni Mateo ay tungkol sa mga talento. Sa kuwentong iyon, ang panginoon, sa inaasahang paglalakbay nang malayo, ay nagbigay ng mga talento sa tatlong alipin niya. Noong panahon ng Bagong Tipan, ang ibig sabihin ng talento ay pera. Ngunit umaasa ako na ipagpapalagay ninyo ang mga talentong ito na mga kaloob, kakayahan, at pagpapalang ibinigay sa atin ng ating Ama sa Langit. Ang panginoon ay nagbigay ng limang talento sa isang alipin, sa isa ay dalawa, at sa isa pa ay isa. At pagkatapos ay naglakbay ang panginoon.
Nang magbalik siya, natuklasan niya na ang mga alipin na binigyan niya ng limang talento at dalawang talento ay naging tapat at kapaki-pakinabang na mga katiwala at ginamit nang tama ang mga talento. Tumubo nang doble ang mga talentong ipinagkatiwala niya sa dalawa. At dahil naging matapat sa kaunting bagay, ang panginoon ay nagbigay nang higit pa, sinasabing, “Magaling! Mabuti at tapat na alipin: naging tapat ka sa kaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay: pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.”
Kabaligtaran nito, ang alipin na binigyan ng isang talento ay itinago iyon—marahil dahil naging abala siya at ipinagpaliban ang paggamit nang tama sa kanyang talento. O marahil nadismaya siya sa pag-alam kung paano magsisimula o natakot siyang mabigo. Marahil inihambing niya ang sarili sa iba pang mga alipin, at ang pag-aalinlangan niya sa sariling kakayahan ang pumigil sa kanya na sumubok. Hindi siya naghanda para sa pagbabalik ng panginoon, hindi niya naranasan ang kagalakan ng tapat na pangangasiwa, at nawala sa kanya ang talento niya.
Ang talinghaga tungkol sa sampung dalaga at ang talinghaga tungkol sa mga talento ay pareho ng tuon. Parehong binibigyang-diin ng mga ito na mayroon tayong personal na responsibilidad sa ating sariling pagbabalik-loob at dapat nating ihanda ang sarili na tanggapin ang kaloob na kadakilaan ng Panginoon—at na mayroon tayong pinangangasiwaan at personal na pananagutan sa mga pagpapala sa atin.
Sa huli, isinasalaysay sa Mateo 25 ang kuwento tungkol sa mga taong may “tiwala sa harapan ng Diyos.” Inilarawan bilang mga tupa ng Mabuting Pastol, na matatagpuan sa Kanyang kanang tabi, nasisiyahan sa piging ng kasalan na kasama Niya, at pinagpala na maging mga pinuno sa maraming bagay, sinabi Niya:
“Ako’y nagutom at binigyan ninyo ako ng pagkain. Ako’y nauhaw, at binigyan ninyo ako ng inumin. Ako’y taga-ibang bayan, at ako’y inyong pinatuloy. Ako’y naging hubad, at inyong dinamitan. Ako’y nagkasakit, at ako’y inyong dinalaw. Ako’y nabilanggo, at ako’y inyong pinuntahan.”
Ipinapakita ito nang napakaganda sa video na ito.
[video (subtitles)]
“Ipinakita sa atin ni Jesus kung paano mahalin ang ating kapwa. Sinusunod natin ang Kanyang halimbawa kapag pinasisigla natin ang pagod, inaaruga ang mga bata, pinapanatag ang mga nakapaligid sa atin, pinapakain ang mga nagugutom, hinahanap ang mga nangangailangan. Bawat araw ay isang oportunidad na maging katulad Niya, maglingkod na tulad Niya, at magbigay ng kalinga na tulad Niya. Ang araw-araw na pagkalinga ay nagsisimula sa inyo. Bisitahin ang CaringSummary.ChurchofJesusChrist.org.”
[end video]
Ito ang mga hinihingi sa atin. Bilang Kanyang mga disipulo, inihahanda natin ang ating sarili para sa Kanyang Ikalawang Pagparito at tapat at kapaki-pakinabang tayong nangangasiwa sa mga bagay na ipinagkaloob sa atin. Ang Habag, pag-ibig sa kapwa, kabanalan, at tapat na pangangasiwa ay nagbibigay sa atin ng karapatang mamuhay kasama Niya at magkaroon ng tiwala sa pagharap sa Diyos ngayon. Tulad ng itinuro ni Mormon, yaong mga puspos ng pag-ibig sa kapwa-tao—ang dalisay na pag-ibig ni Cristo [ay]—“makabubuti sa [kanila]” sa huling araw. Sila ay magiging katulad ng Tagapagligtas, na makikita Siya kung ano Siya, at mapuspos ng pag-asa at magiging dalisay na katulad Niya na dalisay. Ipinahayag ni Pangulong Nelson, “Ang pag-ibig sa kapwa at kabanalan ang nagbubukas ng daan sa pagkakaroon ng tiwala sa harapan ng Diyos!”
Itinuturo ng lahat ng tatlong talinghagang ito—kung paano tayo—na Kanyang mga disipulo ay maghahanda para sa mapanganib na panahon bago ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Tayo ay nabubuhay sa mga panahong ito! Dapat nating panatilihin na buong liwanag na nagniningas ang mga ilawan ng ating pagbabalik-loob, hayaang magningning ang ating liwanag, ginagamit at pinalalawak ang ating mga talento, kinakalinga ang mga nangangailangan—ibig sabihin, ang pagkakaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao, ang dalisay na pag-ibig ni Cristo.
Lahat ng tatlong talinghagang ito ay nagtuturo sa atin ng tungkol sa pangangasiwa:
Pangangasiwa para sa sarili nating pagbabalik-loob.
Pangangasiwa para sa mga kaloob, talento, ari-arian, at tulong na pinagpala sa atin, pati na ang mundong ito.
Pangangasiwa para sa ating kapwa na nagugutom, walang tirahan, nasasaktan, at pagod.
Bilang mga disipulo ni Jesucristo, paano tayo nangangasiwa nang mahusay?
Marahil ay makatutulong ang mas malalim na talakayan tungkol sa pangangasiwa. Alamin muna natin ang ibig sabihin ng pangangasiwa. At ano ang isang katiwala?
Ang isang katiwala ang namamahala sa mga ari-arian ng isang malaking sambahayan o lupain. Ang katiwala ay hindi ang may-ari ng mga ari-arian ngunit pinagkakatiwalaan na pamahalaan ang mga ito sa ngalan ng may-ari. Ang isang kapaki-pakinabang na katiwala ay tapat sa may-ari ng mga ari-arian, na nagmamalasakit sa mga mapagkukunan nang matalino at bukas-palad. Ang pangangasiwa, kung gayon, ay maingat at responsableng pamamahala sa mga bagay na ipinagkatiwala sa ating pangangalaga.
Itinuro ni Bishop Gérald Caussé ng Presiding Bishopric kung ano ang ibig sabihin ng maging isang katiwala sa mundo. Sabi niya, “Sa ebanghelyo, ang ibig sabihin ng buong katagang [pangangasiwa] ay isang sagradong espirituwal o temporal na responsibilidad na pangalagaan ang isang bagay na pag-aari ng Diyos na pananagutan natin.”
Isaalang-alang kung gaano kaganda ang ideyang ito! Tayo ang mga katiwala ng ating Ama sa Langit sa mga ari-ariang ipinagkatiwala sa atin. Ibig sabihin, isang sagradong pagtitiwala sa pangangalaga sa mundo; sa Kanyang mga anak; sa ating mga kaloob, talento, at pagpapala. At isang sagradong responsibilidad na ingatan ang Kanyang mga ari-arian.
Para ano o kanino kayo mangangasiwa?
Tunay na ito ay sumasakop sa lahat ng likha ng Diyos sa mundo. May tungkulin kayong pangasiwaan ang sariling katawan at isipan. May tungkulin kayong pangasiwaan ang mga kakayahan, talento, espirituwal na kaloob, at tulong na pinagpala kayo. May tungkulin kayong pangasiwaan ang mundo. At may tungkulin kayong pangasiwaan ang isa’t isa.
Paliwanag ni Bishop Caussé: “Kabilang … sa tungkulin nating [pangasiwaan] ang mga likha ng Diyos, na siyang pinakamahalaga, ang sagradong tungkuling mahalin, igalang, at pangalagaan ang lahat ng taong kasama nating naninirahan sa mundo. Sila ay mga anak ng Diyos, ating mga kapatid na babae at lalaki, at ang kanilang walang-hanggang kaligayahan ang layunin mismo ng paglikha.”
Magiging kapaki-pakinabang na katiwala ba kayo? Ibig sabihin, pangangalagaan ba ninyo nang buong talino at bukas-palad ang mga likha ng Diyos?
Nais kong idetalye ang ating pagtuon sa pangangasiwa sa mga kaloob at talento na pinagpala sa atin, sa ating pangangasiwa sa mundo, at pangangasiwa sa ating kapwa. Tandaan, ang matwid na pangangasiwa ay katibayan ng ating pagiging disipulo.
Una, pangangasiwa sa ating mga kaloob at talento.
Mula sa Doktrina at mga Tipan 46:11–12 natututuhan natin ang katotohanang ito:
“Sapagkat hindi lahat ay pinagkakalooban ng lahat ng kaloob; sapagkat maraming kaloob, at sa bawat tao ay ipinagkaloob ang isang kaloob sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos.
“Sa ilan ay ipinagkaloob ang isa, at sa ilan ay ipinagkaloob ang iba, upang ang lahat ay makinabang sa gayong paraan.”
Ang ating espirituwal na mga kaloob ang mga kakayahang ibinigay ng Diyos sa bawat isa sa atin. Ang mga ito ay ipinagkaloob ayon sa Kanyang kalooban at takdang panahon, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, at laan para sa pagpapala at kapakinabangan ng lahat ng anak ng Diyos.
Ang matatapat na katiwala ay naghahangad at nag-aanyaya ng mga espirituwal na kaloob sa kanilang buhay at ginagamit ang mga kaloob na pinagpala sa kanila upang pasiglahin at paglingkuran ang iba. Bawat isa sa inyo, na mga anak ng Diyos, ay binigyan ng mga kaloob at natatanging talento.
Inilarawan ni Elder Marvin J. Ashton, miyembro ng Korum ng Labindalwa, ang ilang hindi kapansin-pansing kaloob, katangian, at kakayahan na maaari ninyong isaalang-alang. Habang iniisa-isa ko ang mga ito, magsasagawa ba kayo ng kaunting pagmumuni-muni at hahangaring matukoy ang isa o dalawa sa pagpapala sa inyo? Pagkatapos, sa pagkakaroon ng kaloob na iyon, isaalang-alang kung paano ninyo ito gagamitin bilang isang tapat na katiwala para pagpalain ang iba.
“Ang kaloob na humiling; kaloob na makinig; kaloob na makarinig at gumamit ng marahan at banayad na tinig; kaloob na manangis; kaloob na umiwas na makipagtalo; kaloob na maging kalugud-lugod; kaloob na umiwas sa walang kabuluhang paulit-ulit; kaloob na hangarin ang yaong matwid; kaloob na huwag manghusga; kaloob na umasa sa patnubay ng Diyos; kaloob na maging disipulo; [kaloob na magpahinahon;] kaloob na pangalagaan ang iba; kaloob na makapagnilay-nilay; kaloob na mag-alay ng panalangin; kaloob na magbigay ng malakas na patotoo; at kaloob na tumanggap ng Espiritu Santo.”
Habang patuloy kayong nagmumuni-muni sa inyong mga kaloob, maaari ba akong magbigay ng babala? Huwag ikumpara o sukatin ang inyong mga kaloob sa mga kaloob ng iba. Huwag gumawa ng “mapanghamak na pagsusuri sa sarili.” “Ang pagkukumpara ay magnanakaw ng kagalakan.” Ariin ang inyong mga kaloob at ipagdiwang ang mga pag-aari ng iba. Tandaan, ang mga espirituwal na kaloob ay bigay ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo para sa layunin na makinabang ang lahat sa gayong paraan.
Ang aking mahal na lola ay isang English teacher at maingat sa kanyang pagsasalita. Palagi niyang sinasabi, “Ang pagkukumpara ay nakasusuklam.” Ang salitang nakasusuklam ay napakabigat na salita. Ang ibig sabihin nito ay “kamuhi-muhi at talagang hindi katanggap-tanggap.” Bakit gumamit ng napakabigat na salita ng aking lola noong pagpayuhan ako tungkol sa panganib na dulot ng pagkukumpara? Ito ay dahil bihirang may magandang ibinubunga ang ikumpara ang ating sarili sa iba. Sa pagkukumpara ng ating sarili sa iba, inilalayo natin ang sarili sa kanila. Sa halip na madama na bahagi ako ng buong katawan ni Cristo, sa tingin ko ay isang maliit na daliri lamang ako at sinusukat ang aking halaga laban sa isang tao na sa palagay ko ay siyang tumatayong mga balikat, braso, at katawan. Karaniwan, kapag ikinukumpara natin ang sarili sa iba, nadarama natin na mas mababa tayo o nakahihigit sa iba, at parehong hindi tama ito. Lahat tayo ay mga anak ng mga magulang na nasa langit, at pinagpala na mag-angkin ng espirituwal na mga kaloob, katangian, talento, at lakas.
Kaya inaanyayahan ko kayo na pagyamanin ang kaloob na pag-abandona sa paggawa ng pagkukumpara. Hilingin sa Ama sa Langit na tulungan kayong matukoy ang inyong espirituwal na mga kaloob at talento at kung paano ninyo magagamt ang mga ito bilang isang tapat na katiwala.
Narito ang isang halimbawa.
Ilang taon na ang nakararaan, pinag-iisipan ng isang young adult na nakatira sa Netherlands, ang kautusang unang ibinigay kina Adan na magparami at punuin ang mundo. Sapagkat siya at ang kanyang asawa ay nakararanas ng infertilidad, sinikap nilang maunawaan kung paano naaangkop sa kanila ang utos na iyon. Natanto niya na noong panahong wala pang anak sina Adan at Eva, nilinang at inaalagaan nila ang hardin na ibinigay sa kanila ng Diyos na pangangasiwa. Habang pinagninilayan niya ang kanyang sitwasyon, naisip niya ang mga hardin sa lugar na kanyang pinaninirahan—ang hardin na kalupaan, ang hardin na kanyang bayan, ang hardin na kanyang pamilya, at ang hardin na kanyang ward.
Napagtanto niya na bagama’t hindi siya nakatira sa Halamanan ng Eden, ito ang mga hardin kung saan siya inilagay ng Panginoon. Maaari siyang maghangad na paramihin at punan ang ibinigay Niya sa kanya na pangasiwaan. Pagninilay ni Jean:
-
“Paano ko pararamihin ang mga kaloob na ibinigay ng Panginoon sa akin at sa iba?
-
Paano ko pararamihin ang pagmamahal sa mga anak ng Diyos?
-
Paano ko pararamihin ang oras at pagsisikap kong maglingkod sa iba?
-
Paano ko pupunan ang sarili kong espirituwal na balon?
-
Paano ko pupunan ang nawala sa iba, temporal man ito o espirituwal?
-
Paano ko pupunan ang pag-asa at pananampalataya na tila naglaho na sa maraming tao sa mundo?”
Habang nakatuon si Jean sa mga tanong na iyon, pinagpala siyang matukoy ang mga oportunidad na magparami at punan ang mga bagay gamit ang kanyang mga kaloob at talento. Nagturo siya sa mga teatro sa mga kabataan mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Naglingkod siya sa mga young women. Sinamantala niya ang mga oras na naisisingit niya sa kanyang sariling propesyon upang makatulong sa pag-aalaga ng mga anak ng kanyang mga kaibigan. Gumugol siya ng mas maraming oras sa pag-aaral ng ebanghelyo at nadama niya na pinagpala siya na mas maunawaan kung paano pagagaanin ang mga pasanin ng iba at aluin ang mga tao na kailangang aluin. Pinalakas niyon ang kanyang patotoo at pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Ang pinakamahalaga sa lahat, personal niyang naunawaan ang plano ng Diyos para sa kanya.
Ang mabubuting katiwala ay laging paparamihin at pupunuin ang mga ari-arian ng Panginoon.
Bagama’t hindi sa paraang una niyang inaasahan, ang karanasan ni Jean ay napakagandang katibayan ng isang pangako na mula kay propetang Jeremias, na nagsabi:
“Mapalad ang tao na nagtitiwala sa Panginoon, at ang pag-asa ay ang Panginoon.
“Sapagka’t siya’y magiging tulad sa punungkahoy na itinanim sa tabi ng tubig, at gumagapang ang mga ugat sa tabi ng batis. At hindi natatakot kapag dumarating ang init, sapagkat ang mga dahon nito ay nananatiling sariwa. At hindi mababalisa sa taon ng pagkatuyo, sapagkat hindi ito tumitigil sa pamumunga.”
Pangalawa, pangangasiwa sa mundo at lahat ng anak ng Diyos.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Bilang mga nakikinabang sa banal na Paglikha, ano ang dapat nating gawin? Kailangang alagaan natin ang mundo, maging matatalinong katiwala nito, at ingatan ito para sa mga darating na salinlahi.”
Alam ko na ito ay isang paksa na malaki ang malasakit ng inyong henerasyon. Labis ang inyong determinasyon, at nababahala ang ilan sa inyo. Tinitiyak ko sa inyo na naghanda ng paraan ang Diyos para sa magandang pamumuhay para sa lahat ng naninirahan sa planetang ito kung handa tayong gamitin ang ating mga kaloob at talento para sa ikabubuti nito, mananatiling karapat-dapat na tumanggap ng paghahayag, at maingat na gagamitin ang masaganang mapagkukunan sa mundo upang pangalagaan ang isa’t isa.
Sinabi ng Panginoon:
“[Aking] … pinalawak ang kalangitan, at ginawa ang lupa, gawa ng aking kamay; at lahat ng bagay rito ay akin.
“Sapagkat ang lupa ay sagana, at may sapat at matitira; oo, aking inihanda ang lahat ng bagay, at ibinigay sa mga anak ng tao na maging mga kinatawan ng kanilang sarili.”
Paano ninyo gagamitin ang kalayaang pumili na pinagpala sa inyo, ang inyong pangangasiwa, para sa maluwalhating pagpapala ng mundo?
Nilinaw ng Panginoon sa kasunod na talata na dapat nating “[kunin] ang kasaganaan na [Kanyang] ginawa at [magkaloob ng ating] bahagi alinsunod sa batas ng [Kanyang] ebanghelyo, sa mga maralita at nangangailangan.” May sapat at matitira kung ibabahagi natin ang ating saganang pagpapala at gagamitin ang ating kalayaang pumili bilang mga katiwala sa mundo na tinutularan si Cristo.
Balikan natin ang sinabi ni Pangulong Nelson tungkol sa ating pangangasiwa sa mundo. Sabi niya, “Bilang mga nakikinabang sa banal na Paglikha, ano ang dapat nating gawin? Kailangang alagaan natin ang mundo, maging matatalinong katiwala nito, at ingatan ito para sa mga darating na salinlahi.”
Patuloy pa ni Pangulong Nelson, “At dapat na mahalin at pangalagaan natin ang isa’t isa.”
Mahalagang maunawaan natin ang koneksyon sa pagitan ng pangangalaga sa mundo at sa pangangalaga sa ating kapwa. Sa pangangalaga sa mundo, pagpapaganda ng ating lokal na kapaligiran, at pagtulong sa ating mga komunidad na maging mas nakatutugon sa pangangailangan, kumikilos tayo bilang matatalinong katiwala ng mundo upang pagpalain ang buhay ng ating kapwa. Sila ang mga yaong inutusang magmahal. Tulad ng mga tupa sa talinghaga, pinakakain natin ang mga gutom, binibigyan ng tubig ang uhaw, dinaramitan ang hubad, at dinadalaw ang maysakit at ang pagod. Ating “[tinutulungan] ang mahihina, [itinataas] ang mga kamay na nakababa, at [pinalalakas] ang tuhod na mahihina.”
Lahat ng inyong mga kapatid sa lahat ng panig ng mundo ay ginagawa ito. Lumaki si Eritai sa malayong isla ng Marakei, Kiribati. Pagkabalik niya mula sa kanyang misyon, nag-aral siya sa BYU–Hawaii, kung saan siya naging bahagi ng SWAT, ang Sustainable World Action Technology team, at natutuhan ang tungkol sa hydroponic gardening, isang paraan ng pagtatanim ng mga halaman nang walang lupa at gamit lamang ang mga mineral na sustansya sa isang solusyon ng tubig. Nang makatapos ng pag-aaral, bumalik si Eritai sa Kiribati upang tulungan ang kanyang sariling mga kababayan.
Ang Kiribati ay isang islang bansa na binubuo ng 32 hugis-singsing na mga isla ng coral na may mga gitnang lagoon na tinatawag na mga atoll, at isang mataas na isla ng coral. Dahil sa lokasyon nito sa dakong equator, malupit ang kondisyon ng panahon dito. Ang mainit, maalat na simoy ng hangin ng dagat at pagpasok ng tubig-dagat sa kalupaan ay sumisira sa mga pananim at kumokontamina sa tubig. Kaya may kakulangan sa lupa at espasyo na matataniman ng masusustansiyang makakain. Ang malnutrisyon at sakit ay naging laganap sa mga taga-isla ng Kiribati dahil halos eksklusibo silang umaasa sa mga inaangkat at naprosesong pagkain.
Ngunit si Eritai ay may sigla at pangitain, mga talento na ginamit niya upang lumikha ng isang maayos na programa na turuan ang mga lokal na pamilya sa Kiribati kung paano magtanim ng masusustansiyang prutas at gulay gamit ang hydroponics. Ang isang hydroponic garden ay portable, self-contained, at mabilis na lumalaki, na nakapagpapatubo ng pananim sa loob ng 30 araw.
Para sa kanyang makabago at nakaliligtas na gawain, iginawad kay Eritai ang parangal na United Nations Champion of the Earth for Asia Pacific.
Si Eritai ay isang kahanga-hangang halimbawa ng kapaki-pakinabang na paggamit ng mga kaloob at talento sa kanyang pangangasiwa sa mundo at sa kanyang kapwa. Pinakakain ang gutom, nabibilang tayo sa mga tupa na nasa kanang kamay ng Diyos.
At kailangan nating magbigay ng inumin sa mga nauuhaw. Ang pagpalain ang ating kapwa ng mapagkukunang tubig na malinis, sanitasyon, at hygiene ay kinakailangan sa pag-unlad ng tao. Upang maisakatuparan ang gawaing ito, nakikipagtulungan ang Simbahan sa ibang mga organisasyon at lokal na komunidad sa iba’t ibang panig ng mundo upang mapahusay ang access sa mga serbisyong ito at mapatatag ang mga sistema sa kabuuan, tinitiyak na ang mga solusyon ay pangmatagalan at nagtataguyod ng self-reliance. Ito ay mahalagang gawain! At ito ay nagiging lalong mahalaga sa gitna ng paglaganap ng tagtuyot sa buong mundo at sa patuloy na pagdami ng populasyon.
Si Alexandra, isang young adult sa Cascas, Peru, ay nagtanong sa kanyang sarili, “Ano ba ang kulang dito sa amin?” Alam ni Alexandra na hindi bababa sa 20 porsiyento ng mga pamilya sa kanyang komunidad ang kulang sa mga serbisyong pangkalinisan, na humahantong sa mas mataas na panganib ng pagkakaroon ng mga sakit na dala ng tubig na tulad ng kolera. Upang matugunan ang hamong ito, sumali si Alexandra sa isang sanitation business training na pinamunuan ng lokal na Water for People team sa Peru.
Sinimulan niya ang isang negosyo at inimbakan ang kanyang maliit na tindahan ng maraming paninda na gaya ng mga lababo, gripo, inodoro, tiles, at iba pang mga materyales na kailangan ng mga pamilya para makumpleto ang kanilang mga banyo. Ngayon, ang mga pamilya sa Cascas ay may mapagkukunan na ng mga materyales na kailangan nila sa pagtatayo ng mga banyo sa mga kabahayan.
Maaari din ninyong alamin ang pangangailangan sa malinis na tubig at sanitasyon sa inyong komunidad at kung paano kayo makikibahagi.
Sinang-ayunan ni propeta Isaias ang sinabi ng kanyang kakontemporaryong kaibigan na si Jeremias nang sabihin niya sa atin:
“Kung magmamagandang-loob ka sa gutom, at iyong tugunin ang nais ng nagdadalamhati, kung magkagayo’y sisilang ang iyong liwanag sa kadiliman. …
“At patuloy na papatnubayan ka ng Panginoon, at masisiyahan ang iyong kaluluwa sa tuyong dako, … at ikaw ay magiging parang halamang nadilig, at parang bukal na ang tubig ay hindi nauubos.”
Siyempre pa, si Jesucristo ang pinagkukunan ng lahat ng buhay na tubig. Pinatototohanan ko na kapag nagbigay tayo ng inumin sa nauuhaw, tayo ay pinagpapalang uminom ng Kanyang buhay na tubig —“isang bukal ng tubig tungo sa buhay na walang hanggan.” Kapag inaalagaan natin ang mundo at ang ating kapwa, mas napapalapit tayo sa Tagapagligtas at nagnanais na magkaroon ng kaugnayan sa Kanya sa pamamagitan ng tipan na magtutulot sa atin na maging mas katulad Niya. Tayo ay magiging responsableng mga katiwala—at masasayang katiwala rin. Tayo’y mapapanibago at lilipad na may mga pakpak na gaya ng mga agila at hindi mapapagod.
Noong nakaraang taon, inanunsiyo ng Relief Society General Presidency ang pagpapalawak ng pandaigdigang inisyatibo para mapabuti ang kalusugan at kagalingan ng kababaihan at ng mga bata. Sa kahilingan ng Unang Panguluhan, ang Relief Society ang nangunguna sa pagsisikap na ito.
Nais naming bigyan ng kakayahan ang mga kababaihan at pamilya ng mas malawak na pang-unawa at mapagkukunan upang mas makaya nilang gumawa ng mga pagbabago na maaaring magkaroon ng pangmatagalang epekto sa kanilang mga tahanan, komunidad, at bansa. Kapag may kakayahan ang isang babae dahil malusog at edukado siya, ang mga pamilya ay pinagpapala, ang mga komunidad ay umuunlad, at ang mga bansa ay lumalakas. Kapag pinagpapala ninyo ang isang bata, namumuhunan kayo sa hinaharap. Kaya nakatuon ang gawain natin sa nutrisyon ng mga bata na limang taon pababa, pangangalaga sa ina at bagong panganak, pagbabakuna, at edukasyon.
Si Alaina ay isang young adult na nakatira sa Georgia, USA. Nag-aaral siya ng doctorate degree sa occupational therapy na may layuning magtrabaho sa isang neonatal intensive care unit (NICU) ng isang ospital para sa mga sanggol na nangangailangan ng dagdag na pangangalaga pagkatapos na maipanganak, lalo na ang mga ipinapanganak nang wala sa panahon. Ang pandaigdigang inisyatibo ng Relief Society para sa kababaihan at sa mga bata ay nakaantig nang husto kay Alaina. Dahil sa inspirasyon ng paanyaya na lumahok sa pandaigdigang inisyatibo, ginawa ni Alaina na paksa ng kanyang graduate capstone project ang “kangaroo care,” o skin-to-skin contact sa mga sanggol na ipinapanganak nang wala sa panahon.
Mahigit 15 milyong sanggol ang ipinapanganak nang wala sa panahon kada taon sa buong mundo. At sa Atlanta, Georgia, kung saan nakatira si Alaina, ang preterm birth at infant mortality rate ay mas mataas kaysa sa pambansang pamantayan ng US.
Si Alaina ay lumilikha ng isang programang pang-edukasyon upang mas magkaroon ng kamalayan ang mga tao sa mga benepisyo ng skin-to-skin contact sa pagitan ng mga premature na sanggol at kanilang ina. Ang mga sanggol, na nakasuot lamang ng lampin, ay kinakarga nang direkta sa dibdib ng ina, at pagkatapos ay nilalagyan ng balabal o kinukumutan silang dalawa. Ang ganitong contact ay nagpapanatili ng temperatura, nagpapababa ng stress, nagpapanormal ng mga hormone, nagdaragdag ng koneksyon, nagtataguyod ng pagpapasuso, nagpapabuti sa pagtulog, at marami pang ibang benepisyo. Ngunit hindi laging ginagawa sa NICU ang ganitong pamantayan sa pangangalaga. Layunin ng proyekto ni Alaina na mapabuti ang pagpapatupad nito.
Napaka-espirituwal para sa kanya ang pananaliksik niyang ito. “Ang pagbabasa ng agham … at… pag-aaral na ang ating katawan ay nilikha upang gawin ang mga bagay na ito” ay may katuturan para sa kanya dahil sa nalalaman niya tungkol sa plano ng kaligtasan.
Ang skin-to-skin na pangangalaga para sa mga premature na sanggol ay lalong naging espesyal at umantig sa akin, dahil may apo akong lalaki na ipinanganak noong Pebrero na halos pitong linggong napaaga. Sa timbang lamang na tatlong libra, limang onsa, ang aming maliit na mandirigma ay nasa NICU nang halos isang buwan. At bawat isa sa mga araw na iyon, ang aking manugang na babae at ang aking anak ay kinarga at itinapat sa kanilang dibdib ang kanilang sanggol, nang skin-to-skin. Alam ninyo, ang “kangaroo care” ay para din sa mga tatay. Ang trauma ng biglaang kapanganakan ng aming apo, at ang sakit sa paghihiwalay na kaugnay ng pag-iwan sa kanya sa ospital, ay napapawi sa mga sandaling iyon.
Hinahayaan ni Alaina na magningning ang liwanag ng kanyang pagbabalik-loob; ginagamit niya ang mga talento na pagpapala sa kanya, at inaalagaan niya ang mga nangangailangan sa pamamagitan ng pag-aaral at pagpapataas ng kamalayan sa mahalagang kasanayang ito. Tumutugon ang kanyang mga pagsisikap sa tawag ng Tagapagligtas—“ako’y nagkasakit at ako’y inyong dinalaw.”
Sina Eritai, Alexandra, at Alaina ay mga disipulo ni Jesucristo na inihahanda ang kanilang sarili para sa Kanyang Ikalawang Pagparito habang tapat at kapaki-pakinabang silang nangangasiwa sa mga bagay na pagpapala sa kanila ng Panginoon.
Sinabi ng Tagapagligtas, “Yamang ginawa ninyo ito sa isa sa pinakamaliit sa mga kapatid kong ito, ay sa akin ninyo ginawa.” Tunay na mga kinatawan ang mga young adult na ito ng mga inilarawan ng Tagapagligtas na Kanyang mga tupa, na mapupunta sa Kanyang kanang kamay, na karapat-dapat na matamasa ang Kanyang presensya.
Kabilang tayo sa isang simbahan na gumagawa ng kahanga-hangang kabutihan sa buong mundo, na pinagpapala ang buhay ng ating kapwa, hindi lamang ang ating mga miyembro. Noong 2024, may 6.6 milyong oras na naboluntaryo. 1.45 bilyong US dollar na gastusin. 192 bansa at teritoryo ang napaglingkuran. Kabilang sa mga pandaigdigang humanitarian initiative ng Simbahan ang mga mapagkukunan ng malinis na tubig, mga proyekto sa hygiene at sanitasyon, emergency relief, pangangalagang pangkalusugan, at mga proyekto sa seguridad sa pagkain. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at ang mga miyembro nito ay pinaniningning ang kanilang liwanag upang purihin ang ating Ama sa Langit.
Bagama’t magagamit at gagamitin ng Simbahan at ng Relief Society ang kanilang pandaigdigang saklaw upang mapalawak ang mga inspiradong pagsisikap na pakainin ang gutom, painumin ang uhaw, damitan ang hubad, at pangalagaan ang maysakit, ang pinakamahalaga at mabisang gawain ay patuloy na ginagawa ng bawat isa sa atin.
Sa pagsisikap na tularan si Jesucristo, hinahangad nating malaman ang mga agarang pangangailangan sa ating paligid at tumugon nang may pagmamahal. Sinisikap nating maging tapat na mga katiwala ng Kanyang mga ari-arian—na kinabibilangan ng mga talento at oportunidad na pinagpala sa atin, ng mundo sa lahat ng kaluwalhatian nito, at ng mga taong saklaw ng ating impluwensya.
Tulad ni Naaman sa Lumang Tipan, maaaring naghihintay kayo na sabihang gawin ang “isang dakilang bagay”—nag-iisip kung paano kayo makararating sa liblib na bahagi ng Africa o sa isang isla sa dagat upang pangalagaan ang inyong kapwa sa ibang bahagi ng mundo.
Mga kapatid, inaanyayahan ko kayong gamitin ang inyong mga kaloob at talento sa paggawa ng ilang maliliit at simpleng bagay sa larangan ng inyong pangangasiwa. Saan man kayo naninirahan, may mga batang kulang sa nutrisyon. Saan man kayo naninirahan, may mga taong hindi marunong magbasa. Saan man kayo naninirahan, may mga balakid sa pangangalagang pangkalusugan. Saan man kayo naninirahan, may mga gutom, uhaw, hubad, maysakit, at nasa bilangguan, literal man o talinghaga.
Mga kaibigan, kailangan namin kayo! Umaasa ako na taimtim kayong maghahangad ng paghahayag at gamitin ang inyong mga kaloob at talento para makahanap ng malikhaing solusyon na makatutulong na pagpalain ang kinabukasan ng lahat ng anak ng Diyos. Nakatitiyak ako na bahagi iyan ng inyong banal na pangangasiwa.
[video (subtitles)]
“Malawak ang sansinukob. Trilyong kalawakan na may bilyun-bilyong bituin, lupain, katubigan, halaman, hayop. Gayunman … kilala at mahal ng Diyos ang bawat isa sa atin na Kanyang nilikha. Kabilang kayo.”
[end video]
Magtatapos ako sa isang personal na kuwento, isang kuwento na tungkol sa aking mahal na kaibigan na si Lydia, na nagbigay ng pambungad na panalangin ngayong gabi. Nakilala ko si Lydia nang maglingkod siya sa Relief Society Building bilang service missionary ilang taon na ang nakararaan. Si Lydia ay laging nakasuot ng kulay ube dahil ang babaeng inilarawan bilang unang napabalik-loob ni Pablo na si Lydia, ay nagbebenta ng mga tela na kulay-ube.
Si Lydia ay nasuri na may arthritis noong apat na taong gulang pa lamang siya. At habang nagdurusa siya sa sakit araw-araw, masaya niyang hinahayaang magningning ang liwanag ng kanyang pagbabalik-loob kay Jesucristo. Kung may anumang bagay na marangal, kaaya-aya, o magandang balita, o maipagkakapuri—nasa kanya ang lahat ng iyon!
Bilang bahagi ng assignment na ito na magbahagi ng mensahe sa inyong lahat, inanyayahan akong pumili ng mga taong mananalangin ngayong gabi. Kaagad na naalala ko si Lydia. Natapos niya ang kanyang misyon, nagsimulang mag-aral sa BYU, at natanggap sa College of Nursing. At dahil malapit na kaibigan ko siya, patuloy pa rin kaming nakikipag-ugnayan sa isa’t isa. Mahal ko si Lydia.
Tungkulin kong hilingin sa kanya na mag-alay ng panalangin, pero hindi ko pa rin siya nagawang tawagan. Hindi nagtagal noong Marso 31, nakatanggap ako ng text mula kay Lydia:
“Magandang umaga Pangulong Johnson!!!
“Mahal na mahal kita!
“Napanaginipan kita kagabi. Kinakabahan daw ako at nai-stress sa isang bagay na kailangan kong gawin, at napansin mo iyon. Niyakap mo ako, hinila mo ako nang nakababa ang ulo mo sa tabi ng ulo ko at bumulong sa tainga ko, ‘Okay lang, Lydia, kaya mo ito. Basta’t gawin mo lang ang maliliit na bagay.’ Ang iyong magiliw na panghihikayat at paalala na gawin ito nang paunti-unti ang eksaktong bagay na kailangan kong marinig ngayon. At, naku, kailangan ko talaga ng yakap ng isang Pangulong Johnson! Sa palagay ko ang Ama sa Langit ay nagpapadala sa atin kung minsan ng maliliit na mensahe sa pamamagitan ng mga taong mahal natin at pinagkakatiwalaan na tulad mo.
“Umaasa ako na dama mong buhat-buhat ka ng mga anghel ngayong linggong ito. Isang mahigpit na yakap para sa iyo, mahal kong kaibigan.”
Nag-reply ako kaagad, “Hindi na ako makapaghintay pa para sabihin sa iyo kung bakit mo napanaginipan iyon!”
Tinawagan ko si Lydia nang gabing iyon para tanungin kung handa ba siyang manalangin sa pandaigdigang young adult devotional na ito. Siyempre pa, sumagot siya ng oo—at nagpatuloy sa pagsasabi sa akin kung ano ang hindi niya ibinahagi sa kanyang text message. Isang detalye iyon na sa palagay niya ay hindi mahalaga noong nag-text siya sa akin. Sa panaginip niya, kinakabahan siyang magbigay ng panalangin sa harapan ng napakaraming tao.
O, kaygiliw ng mga awa ng Panginoon! Natagalan ang pagsasabi ko kay Lydia na magbigay ng panalangin nang walang magandang dahilan—maliban sa kailangan ni Lydia na managinip siya. Isang paniniyak na kilala siya ng Panginoon at nais Niyang mapasa kanya ang oportunidad na ito.
Oo, malawak ang sansinukob. Trilyo ang mga kalawakan. Bilyun-bilyon ang mga bituin. Mga lupain, katubigan, halaman, hayop na ipinagkaloob Niya sa atin upang pangasiwaan. At kilala at mahal ng Diyos ang bawat isa sa atin na Kanyang nilikha. Kabilang kayo.
Sinimulan ng Tagapagligtas ang Kanyang paglilingkod dito sa lupa sa pagsasabing Siya ay isinugo “upang ipangaral ang magandang balita sa mga dukha; … upang ipahayag ang paglaya sa mga bihag, at ang muling pagkakaroon ng paningin sa mga bulag, upang palayain ang mga naaapi.” Kung iyon ang Kanyang misyon at tayo ay Kanyang mga disipulo, kaisa tayo sa Kanyang layunin.
Kayo, mga kaibigan ko, ay natatanging inihanda at itinalaga para tumulong sa Kanya. Kayo ay mga anak ng Diyos. Kilala Niya kayo. Kayo ay magkaugnayan sa Kanya sa pamamagitan ng tipan. Hindi ninyo masasaid ang pasensiya Niya sa inyo na puspos ng awa. At, kapag tinutupad ninyo ang mga tipang ginawa ninyo sa Kanya, kayo ay pagpapalain ng “Kanyang nagpapagaling at nagpapalakas na kapangyarihan.” Ang kapangyarihan ng Diyos ay magpapalakas sa inyong mga kakayahan, magpapalawak ng mga talento na pinagpala sa inyo, at tutulungan kayong makita Siya sa mga nagugutom, nauuhaw, nahihiwalay, at maysakit.
Bilang Kanyang mga disipulo, ihanda natin ang ating sarili para sa Kanyang Ikalawang Pagparito sa pamamagitan ng tapat at kapaki-pakinabang na pangangasiwa sa mga bagay na pinagpala sa atin. Pinatototohanan ko na sa paghahatid ninyo ng kaginhawahan ni Jesucristo sa iba, pagpapalain kayong makatagpo ng sariling kaginhawahan sa Kanya.
Nakatitiyak ako na buhay si Jesucristo. Pinapatnubayan Niya ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng mga buhay na propeta, tagakita, at tagapaghayag. Nakatitiyak ako na si Pangulong Russell M. Nelson ay Kanyang dakilang tagapagsalita sa mundo ngayon.
Ang gawain at kaluwalhatian ng ating Ama sa Langit at ni Jesucristo ay makita tayong umuwi, handa at karapat-dapat na manatili sa Kanilang kinaroroonan kung saan walang nagugutom, nauuhaw, nahihiwalay, maysakit, o pilay—sapagkat sila ay gumaling at ginawang buo. Kayo ay Kanilang mga importanteng kaagapay. Mahal ko kayo. Mahal Nila kayo.
Sa sagradong pangalan ng ating Manunubos na si Jesucristo, amen.