“Pagbabahagi ng Mabuting Balita,” Kaibigan, Mar. 2026, 36–37.
Pagbabahagi ng Mabuting Balita
Isang kuwento sa tunay na buhay mula sa Kenya.
Isang maliwanag na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay, maagang nagising si Ryan at tumakbo papunta sa kusina. Naaamoy niya ang gata at mga pampalasa mula sa mahamri na kaluluto lang ni Inay. Kinagat ni Ryan ang isa sa mga maiinit at malalambot na tatsulok na donut. “Inay! Pasko ng Pagkabuhay na! Maaari po ba nating panoorin ang pelikula ni Jesus ngayon?” tanong niya nang may malaking ngiti.
Tiningnan siya ni Inay at ngumiti. “Oo naman!”
Tumakbo sa labas ang nakababatang kapatid ni Ryan na si Liam habang nakaupo naman sina Inay at Ryan para panoorin ang pelikula.
Nakita nila si Jesucristo na gumagawa ng mga himala at naglilingkod sa mga tao. Pagkatapos nang saktan ng mga tao si Jesus, napuno ng luha ang mga mata ni Ryan.
“Inay, bakit po nila ginawa iyon kay Jesus?” malungkot niyang tanong.
“Pinili niyang magdusa para sa atin,” sabi ni Inay. “Mahal na mahal Niya tayo, Ryan. Siya ay namatay para tayo ay muling mabuhay.”
Nang ipakita ng pelikula ang Pagkabuhay na Muli ni Jesucristo, ngumiti si Ryan. “Tingnan po ninyo, Inay! Nabuhay Siyang muli!”
“Tama,” sabi ni Inay. “‘S’ya’y nabuhay muli! Tulad ng sinabi ng anghel sa Biblia.”
Kalaunan, lumabas si Ryan para maglaro. Nakita niya si Liam na naglalaro ng mga patpat sa ilalim ng puno ng mangga.
“Liam! May maganda akong kuwento sa iyo,” sabi ni Ryan.
Naghintay si Liam habang nakaupo si Ryan sa ilalim ng puno ng mangga. “Tungkol ba ito sa mga kotse?”
“Hindi. Mas maganda ito!” sabi ni Ryan. “Tungkol ito kay Jesus. Siya ay namatay, pero pagkatapos ay muli Siyang nabuhay.”
“Talaga?” tanong ni Liam.
“Oo! Sabi ng angel, ‘Siya’y wala rito: sapagka’t siya’y nagbangon!’ Ibig sabihin maaari din tayong mabuhay na muli.”
“Wow!” sabi ni Liam. “Talagang malakas si Jesus.”
Tumango si Ryan. Naisip niya kung gaano siya kamahal ni Jesucristo. Lubos na pinasaya nito ang kanyang puso. Ibinahagi niya ang mabuting balita sa kanyang pamilya, at dahil diyan ay naging mas espesyal ang kanyang Pasko ng Pagkabuhay.
Mga paglalarawan ni Margarida Esteves. Maaari lamang kopyahin para sa mga gawain sa Simbahan.