“Ang Mahal na Araw ni Mia,” Kaibigan, Mar. 2026, 12–13.
Ang Mahal na Araw ni Mia
Tinulungan kami ng bawat araw na alalahanin si Jesucristo.
Isang tunay na kuwento mula sa USA.
Nagsimula kaming maghanda para sa Pasko ng Pagkabuhay isang linggo bago ito sumapit! Sinabi ni Itay na ang linggo bago ang Pasko ng Pagkabuhay ay tinatawag na Mahal na Araw. Sinabi ni Inay na magkakaroon ng kaunting sorpresa sa mesa sa kusina sa bawat araw. Tutulungan kami ng bawat isa na alalahanin si Jesucristo. Isusulat ko ang lahat ng tungkol dito sa journal ko!
Sa unang araw, nakakita kami ng mga dahon na yari sa papel.
Binasa nina Inay at Itay ang kuwento tungkol sa Linggo ng Palaspas sa mga banal na kasulatan. Nang pumunta si Jesucristo sa Jerusalem, ang mga tao ay nagwagayway ng mga sanga ng palaspas at sumigaw ng, “Hosana!”
Ang kapatid kong si Lucy ay may hawak na larawan ni Jesus na nakasakay sa asno. Iwinagayway namin ang aming mga sanga na yari sa papel. Masaya akong isipin na malugod kong tinatanggap si Jesus.
Sa ikalawang araw, nakakita kami ng garbage bag.
Nagalit si Jesus na nagbebenta ang mga tao ng mga bagay sa templo, kaya itinaboy Niya palabas ang mga ito. Namulot kami ng basura sa damuhan sa paligid ng simbahan. Masaya ako na nakakatulong kaming pangalagaan ang bahay ng Diyos!
Sa ikatlong araw, nakakita kami ng clay o luad.
Nagbasa si Inay ng mga kuwentong ibinahagi ni Jesucristo sa mga tao. Nakinig kami at ginamit ang luwad para bumuo ng mga bagay mula sa mga kuwento. Gumawa si Lucy ng tupa dahil si Jesus ang Mabuting Pastol. Gumawa ako ng munting lampara. Tinulungan ako nitong maalala na panatilihing puno ng pananampalataya ang puso ko.
Sa ikaapat na araw, nakakita kami ng cinnamon.
Sinabi sa amin ni Itay kung paano binigyan ni Maria si Jesucristo ng espesyal na langis para sa Kanyang mga paa. Napuno ng amoy nito ang buong bahay.
Wala kaming ganitong espesyal na langis. Sa halip, gumamit kami ng cinnamon para magluto ng makakain. Sinabi ni Inay na kapag naamoy namin ang cinnamon habang niluluto ang pagkain, dapat naming isipin kung ano ang maibibigay namin kay Jesus.
Sa ikalimang araw, nakakita kami ng mga kandila.
Sinindihan namin ang mga kandila at kumanta ng isang awitin, tulad ng pagkanta ni Jesucristo at ng Kanyang mga disipulo sa Huling Hapunan. Kumain kami ng pita bread at uminom ng grape juice para alalahanin ang unang sakramento. Mayroon din kaming mga pomegranate (prutas na granada) para ipaalala sa amin ang dugo ni Jesus, at mga olibo para sa halamanan ng Getsemani.
Habang kumakain kami, dumadagundong ang kulog sa labas. Dama kong ligtas ako at nagpapasalamat akong alam kong hinarap na ni Jesus ang pinakamadilim na unos.
Sa ikaanim na araw, nakakita kami ng paso ng bulaklak.
Binasa namin kung paano namatay si Jesucristo para sa atin. Pagkatapos ay dinala namin ang paso na walang tanim sa halamanan at itinagilid ito, na parang isang libingan. Naglagay kami ng lupa at mga bato sa paligid nito pero iniwan namin itong nakabukas. Binigyan kami ni Inay ng figure o hugis na sumagisag sa katawan ni Jesus. Mapitagan namin itong ibinalot sa puting tela at inilagay ito sa loob ng paso.
Kahit paso lang ito, nalungkot pa rin ako sa paglalagay ng takip na bato sa pinto.
Sa ikapitong araw, nakakita kami ng papel na may nakasulat na pangalan ng aming mga ninuno.
Sinabi ni Inay na matapos mamatay si Jesucristo, pinasimulan Niya ang gawaing misyonero sa daigdig ng mga espiritu. Sa gayong paraan malalaman pa rin ng mga taong hindi pa nakaalam sa Kanyang ebanghelyo sa lupa ang tungkol sa Kanya. Sa mga templo, maaari tayong mabinyagan para sa mga taong hindi nabinyagan bago sila namatay.
Hindi pa sapat ang edad namin ni Lucy para pumasok sa templo, pero tumulong kaming gupitin ang naka-print na mga name card. Naghalinhinan sina Inay at Itay sa paggawa ng gawain sa templo para sa mga taong nakasulat sa mga kard at naglakad kami nang magkakasama sa paligid ng templo. Kahit mula sa labas, parang langit ang pakiramdam ng templo.
Sa Pasko ng Pagkabuhay, nakakita kami ng libingan na walang-laman.
Sa umaga ng Pasko ng Pagkabuhay wala na ang bato sa harap ng paso at walang-laman ang tela. May kard na nagsabing, Siya ay nagbangon!
Alam ko na na si Jesucristo ang dahilan sa Pasko ng Pagkabuhay. Matapos ipagdiwang ang Mahal na Araw, pakiramdam ko ay mas nakilala ko Siya.
Mga larawang-guhit ni Melissa Kashiwagi. Maaari lamang kopyahin para sa mga gawain sa Simbahan.