“Dula ng Pasko ng Pagkabuhay,” Kaibigan, Dis. 2026, 16–23.
Dula ng Pasko ng Pagkabuhay
Maaaring gawin ng iyong pamilya at mga kaibigan ang programang ito para maikuwento ang Pasko ng Pagkabuhay. Maaari ka ring magsuot ng damit na tulad ng isinusuot ng mga nasa Jerusalem noong nabubuhay doon ang Tagapagligtas.
Habang isinasadula ninyo ang programa, isipin kung ano kaya ang pakiramdam kung kasama ninyo si Jesus. Ano ang mararamdaman ninyo? Pagkatapos ng programa, pag-usapan ang natutuhan at nadama ninyo.
Scene 1
Linggo ng Palaspas
Ang mga disipulo ay lilinya para gumawa ng landas para sa tagahawak ng larawan at iwawagayway nila ang kanilang mga dahon ng palma.
Narrator: Sa huling araw ng Linggo bago mamatay si Jesucristo, sumakay Siya sa isang asno papasok sa Jerusalem. “Nang malapit na siya … , ang lahat ng napakaraming mga alagad ay nagpasimulang magalak at magpuri sa Diyos nang may malakas na tinig dahil sa lahat ng mga makapangyarihang gawa na kanilang nakita.”
Ang tagahawak ng larawan ay maglalakad sa landas na hawak ang unang larawan (si Jesucristo na nakasakay sa asno). Ang mga disipulo ay sisigaw ng “Hosana!” nang ilang beses habang iwinawagayway nila ang kanilang mga dahon ng palma.
Disipulo 1: “Mapalad ang Hari na dumarating sa pangalan ng Panginoon! Kapayapaan sa langit, at kaluwalhatian sa kataas-taasan!”
Narrator: “Nang pumasok siya sa Jerusalem, ang buong lunsod ay nagkagulo na nagsasabi, Sino ba ito?”
Disipulo 2: “Ito ang propetang si Jesus, na taga-Nazaret ng Galilea.”
Lahat ay aawit ng ikatlong taludtod ng “O, Tagapagligtas” (Liahona, Oktubre 1998).
Scene 2
Ang Huling Hapunan
Narrator: Pagdating ng Huwebes, nagtipon si Jesucristo at ang Kanyang mga disipulo at ibinigay sa kanila ang sakramento.
Ang tagahawak ng larawan ay dadalhin ang ikalawang larawan (Si Jesus sa Huling Hapunan). Ang mga disipulo ay uupo at titingnan ang larawan ni Jesus.
Narrator: “Samantalang sila’y kumakain, dumampot [si Jesus] ng tinapay, at nang kanyang mabasbasan ay kanyang pinagputul-putol, ibinigay [Niya ito] sa kanila at sinabi, ‘Kunin ninyo; ito ang aking katawan.’”
Sa mapitagang paraan, ang isa sa mga disipulo ay kukunin ang tinapay.
Narrator: Siya’y dumampot ng isang kopa at nang siya’y makapagpasalamat ay ibinigay niya sa kanila, at mula roo’y uminom silang lahat. At sinabi niya sa kanila, ‘Ito ang aking dugo ng tipan, na nabubuhos para sa marami.’”
Sa mapitagang paraan, ang isa sa mga disipulo ay kukunin ang kopa.
Narrator: Tinuruan din sila ni Jesus ng isang bagay na mahalaga. Sabi Niya, “Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y magmahalan sa isa’t isa. Kung paanong minahal ko kayo. … Sa pamamagitan nito ay makikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.”
Lahat ay aawit ng “Mahalin ang Bawat Isa” (Aklat ng mga Awit Pambata, 74).
Scene 3
Ang Halamanan ng Getsemani
Narrator: “Pagkatapos ay pumunta si Jesus na kasama sila sa isang pook na tinatawag na Getsemani, at sinabi niya sa kanyang mga alagad, ‘Maupo kayo rito, samantalang ako’y pupunta sa dako roon at mananalangin.’”
Ang mga disipulo ay uupo nang magkakasama sa isang panig ng entablado. Ang tagahawak ng larawan ay tatayo sa kabilang panig ng entablado na hawak ang ikatlong larawan (Si Jesus na nagdarasal sa halamanan).
Narrator: “Paglakad pa niya ng malayu-layo, siya’y nagpatirapa at nanalangin, na nagsasabi, ‘Ama ko, kung maaari, lumampas sana sa akin ang kopang ito; gayunma’y hindi ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo.’”
Ang mga disipulo ay hihiga at magkukunwaring natutulog.
Narrator: Habang nagdarasal ang Tagapagligtas, nakatulog ang Kanyang mga disipulo. Nagdusa si Jesus sa halamanan nang mag-isa. Nadama Niya ang lahat ng ating pasakit at kalungkutan para maunawaan at matulungan Niya tayo. Nagdusa Siya para mabayaran ang ating mga kasalanan.
Lahat ay aawit ng “Getsemani” (Mga Himno—Para sa Tahanan at Simbahan, blg. 1009).
Scene 4
Ang Krus
Narrator: Pagkatapos magdasal ni Jesus, dinakip Siya ng mga kawal at itinali Siya. Kahit wala Siyang ginawang mali, nagpasiya ang mga pinuno na ipapatay Siya.
Ang tagahawak ng larawan ay dadalhin ang ikatlong larawan (ang Tagapagligtas sa krus). Ang mga disipulo ay luluhod at titingin sa larawan.
Narrator: At habang nakapako Siya sa krus, sinabi ni Jesus, ‘Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.’” Maging sa Kanyang matinding pasakit, Siya ang perpektong halimbawa ng pagmamahal at pagpapatawad.
Lahat ay aawit ng “May Luntiang Burol” (Mga Himno, blg. 117).
Scene 5
Ang Libingan
Narrator: Pagkamatay ni Jesucristo, ang Kanyang katawan ay nakahimlay sa isang libingan sa loob ng tatlong araw. Sa ikatlong araw, bumisita si Maria Magdalena at ang iba pang kababaihan sa libingan. “At nakita nilang naigulong na ang bato mula sa libingan. … Nang sila’y pumasok ay hindi nila nakita ang bangkay [ng Panginoong Jesus].”
Si Maria at ang mga babae ay malungkot na lalakad sa entablado at titingin-tingin sa paligid na tila nalilito.
Narrator: Dalawang anghel ang nagpakita at nangusap sa kababaihan.
Ang Anghel 1 at Anghel 2 ay papasok sa entablado sa tabi ni Maria.
Anghel 1: “Huwag kayong matakot, sapagkat nalalaman kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus.”
Anghel 2: “Wala siya rito, sapagkat siya’y nabuhay.”
Narrator: “Sila nga’y dali-daling umalis … na may takot at malaking kagalakan, at tumakbo sila upang magbalita sa [ibang] mga alagad.”
Si Maria at ang kababaihan na nagagalak na tumakbo sa entablado para ibahagi ang mabuting balita sa lahat.
Maria: Siya’y nabuhay! Buhay si Jesucristo!
Ang tagahawak ng larawan ay itataas ang ikalimang larawan (ang nabuhay na muling Cristo). Lahat ay babalik sa entablado.
Narrator: Muling nagbangon ang ating Tagapagligtas sa umaga ng Pasko ng Pagkabuhay. Dahil sa Kanya, nagbago ang lahat. Maaari tayong magkaroon ng pag-asa, kapayapaan, at kaligayahan. Dahil Siya ay buhay, Siya ay kasama natin ngayon at sa tuwina.
Lahat ay aawit ng “Si Jesus ay Nagbangon” (Aklat ng mga Awit Pambata, 44).
Mga larawang-guhit ni Róisín Hahessy. Mga ipinintang larawan ni Dan Burr. Maaari lamang kopyahin para sa mga gawain sa Simbahan.