2025
Isang Pakikipagkwentuhan kay Melvis Tungkol sa Sakramento
Abril 2025


“Isang Pakikipagkwentuhan kay Melvis Tungkol sa Sakramento,” Kaibigan, Setyembre 2025, 40–41.

Isang Pakikipagkwentuhan kay Melvis Tungkol sa Sakramento

Larawan ng nakangiting batang lalaki

Si Melvis ay naninirahan sa Kuala Lumpur, Malaysia. Tinanong namin siya tungkol sa ginagawa niya para maging makabuluhan ang sakramento.

Magkuwento ka sa amin tungkol sa iyong sarili.

Larawan ng isang batang lalaking kasama ang kanyang pamilya

Ako ay siyam na taong gulang, at ako ay mula sa Nigeria. Dalawa ang wika ko, ang Igbo at Ingles. Ang mga paborito kong libangan ay football at paglalaro. Apat kami sa pamilya ko—ako, ang mga magulang ko, at ang kapatid kong babae.

Larawan ng magkapatid na naglalaro sa isang palaruan

Ang mga paborito kong bagay tungkol sa pamumuhay sa Malaysia ay ang pagkain at ang kultura. Ang paborito kong pagkain ay nasi goreng (fried rice). Sa aking paaralan ay ipinagdiriwang namin ang Lunar New Year at iba pang mga pista opisyal mula sa iba’t ibang kultura.

Bakit mahalaga sa iyo ang pagtanggap ng sakramento?

Larawan ng batang lalaki na hawak ang mga banal na kasulatan

Sa pagtanggap ng sakramento, pinapanibago ko ang mga tipan at pangakong ginawa ko sa Ama sa Langit. Alam ko na ang pagtanggap ng sakramento at pagtupad sa aking mga tipan ay nagdadala ng mga pagpapala, tulad ng pagsama sa akin ng Kanyang Espiritu para gabayan ako at bigyan ako ng kapanatagan na harapin ang mga hamon.

Ano ang maaari mong gawin para makapaghanda para sa sakramento linggu-linggo?

Larawan ng magkapatid na naglalaro ng keyboard

Sinisikap kong sundin si Jesus at mamuhay sa paraang tulad ni Cristo sa buong linggo. Sa sacrament meeting, gusto kong kinakanta ang mga himno. Sa sakramento, tahimik akong nagdarasal sa puso ko, at sinisikap kong maging mapitagan.

Ginagawa ko ang lahat para makinig sa mga mensahe pagkatapos ng sakramento. Gusto kong magsulat ng mga tala habang nakikinig. Pagkatapos ng simba ay nagkukuwento ako tungkol sa natutuhan ko sa aking ina at kapatid.

Ano ang ginagawa mo para sundin at alalahanin si Jesucristo sa buong linggo?

Larawan ng batang nagdarasal

Lagi akong nagdarasal sa umaga kasama ang pamilya ko araw-araw. Sa paaralan, pinapayagan ko ang mga kaklase ko na gamitin ang laptop ko sa oras ng klase kapag nakalimutan nila ang kanilang laptop sa bahay. Ibinabahagi ko rin ang mga baon ko sa mga kaklase kong walang dala.

Ano ang sasabihin mo sa iba tungkol sa pagtutuon sa oras ng sakramento?

Sasabihin ko sa kanila na palayain ang kanilang isipan sa kanilang mga alalahanin at lahat ng iba pa. Pagnilayan lang ang mga biyaya at pagmamahal ng Diyos sa kanilang buhay.

PDF ng Artikulo

Mga larawang guhit ni Miguel Angel Sánchez