2025
Mga Saranggola sa Easter
Abril 2025


“Mga Saranggola sa Easter,” Kaibigan, Abril 2025, 4–5.

Mga Saranggola sa Easter

“Ang mga saranggola sa himpapawid ay nagpapaalala sa atin na si Jesucristo ay nabuhay na mag-uli,” sabi ni Alec.

Isang tunay na kuwento mula sa Bermuda.

Larawan ng dalawang batang lalaki at isang lalaking gumagawa ng mga saranggola gamit ang mga patpat at papel

Itinali ni Colin ang dalawang mahahabang piraso ng kahoy para magawa ang kanyang saranggola. Pagkatapos ay ibinuhol niya nang mahigpit ang sinulid sa paligid ng saranggola upang maging matibay ito. Ngayon ay oras na upang idagdag ang makulay na papel.

Itinuro ni Tiyo Ladd ang kanyang sariling saranggola. “Tama ba ang ginagawa ko?“

“Opo. Hilahin niyo na po ang mga tali nang mahigpit,” sabi ni Colin.

“At pumili ng ilang tela para sa buntot,” sabi ni Alec, ang nakababatang kapatid ni Colin. Itinuro niya ang mga piraso ng tela sa mesa. “Makakatulong ito para mapalipad ito.”

Si Colin at ang kanyang pamilya ay gumagawa ng mga saranggola para sa Biyernes Santo. Ang Biyernes Santo ay isang malaking pista-opisyal sa Bermuda. Ito ang Biyernes bago ang Pasko ng Pagkabuhay. Nagdiriwang ang lahat sa pamamagitan ng pagpunta sa dalampasigan para magpalipad ng kanilang mga saranggola. Dumalaw si Tiyo Ladd sa pamilya ni Colin. Hindi pa siya nakagawa ng saranggola noon.

“Bakit kayo nagpapalipad ng mga saranggola tuwing Biyernes Santo?” tanong ni Tiyo Ladd. Pinili niya ang pula at asul na papel para sa kanyang saranggola.

“Ang mga saranggola na lumilipad sa hangin ay nagpapaalala po sa atin na si Jesucristo ay nabuhay na mag-uli,” sabi ni Colin. “Bumalik Siya sa piling ng Ama sa Langit. Kaya lahat tayo ay mabubuhay na mag-uli balang-araw.”

Tumango si Alec. “Lahat ng tao sa Bermuda ay nagpapalipad ng mga saranggola para magdiwang.”

“Ano ang paborito mong bahagi?” tanong ni Tiyo Ladd.

Pumili si Colin ng ilang makukulay na papel. “Gusto ko na mas napapalapit tayo sa Diyos. At nakakapaglaan tayo ng oras sa pamilya at mga kaibigan natin.”

“Gusto ko kasi na maraming tao ang magkakasamang nagdiriwang,” sabi ni Alec.

Noong Biyernes Santo, nagpunta si Colin at ang kanyang pamilya sa dalampasigan. Kinuha nila ang kanilang mga saranggola, fish cake, at maiinit na tinapay.

Maraming tao sa dalampasigan. Napuno ng makukulay na saranggola ang kalangitan. Hinipan ng hangin ang buhok ng lahat sa paligid, at ang maliwanag na asul na langit ay tumutugma sa kulay ng karagatan. Tamang-tama ang araw na iyon para sa pagpapalipad ng mga saranggola!

Umupo sila sa dalampasigan para kumain. Mainit ang mga fish cake, at malambot ang mga tinapay. Kumaway sina Colin at Alec sa mga kaibigang dumadaan.

Larawan ng dalawang batang lalaki at isang lalaking nagpapalipad na saranggola sa dalampasigan

Tapos, sinamahan nila si Tiyo Ladd na lumakad sa dalampasigan. Mahigpit na hinawakan ni Colin ang kanyang saranggola. Kinailangan niyang tumakbo at sumubok nang ilang beses bago hipan ng hangin ang saranggola at pinalipad ito sa ere. Pinagmasdan niya ang kanyang makukulay na saranggola na sumasayaw sa ihip ng hangin.

“Natutuwa akong nabuhay na muli si Jesus,” sabi ni Alec.

Napatingin si Colin sa kanyang saranggola at ngumiti. “Ako rin.”

PDF ng Kuwento

Mga paglalarawan ni Tatsiana Burgaud