“Ang Panalangin sa Piano,” Kaibigan, Abril 2025, 16–17.
Ang Panalangin sa Piano
Umupo si Miguel na handang magpraktis.
Isang tunay na kuwento mula sa Puerto Rico.
Binuksan ni Miguel ang kanyang piano music at tinitigan ang mga itim na nota sa pahina. Kakabigay lang sa kanya ng kanyang guro ng bagong kanta na tutugtugin. Mukhang napakakomplikado nito! Matatagalan bago matutunan ito.
Ipinatong niya ang kanyang mga daliri sa keys ng piano at sinimulan niyang hanapin ang tamang mga nota. Plink, plink, PLUNK. Paulit-ulit niyang pinindot ang maling mga key habang tumutugtog.
Bakit hindi niya makuha ang mga nota nang tama? Mas mahirap pa ang awiting ito kaysa sa mga awitin sa Primary na hilig niyang tugtugin. Inis na inis siya! Ibinagsak niya ang kanyang mga kamay sa mga key ng piano. Blonk!
“Miguel?” ang tawag ni Mamá. “Okay ka lang ba diyan?”
“Opo.” Buntong-hininga ni Miguel. “Mahirap lang po ang kanta na ito.”
Pumasok si Mamá sa silid. “Nalulungkot ako na nahihirapan ka. Nagdasal ka ba bago ka nagsimulang magpraktis?”
“Hindi po.” Hindi iyon naisip ni Miguel.
“Kapag may bago akong inaaral, gusto kong magdasal bago ako magpraktis. Nariyan ang Ama sa Langit para tulungan tayo. Hindi mahalaga kung ikaw man ay naglalaro ng sports, nagbibigay ng mensahe sa simbahan, o tumutugtog ng piano. Lagi tayong makahihingi ng tulong sa Kanya, dahil hindi natin ito laging magagawa nang tayo lang.”
Makakatulong ba talaga ang pagdarasal sa kanya na matutuhan ang kanyang bagong tutugtugin sa piano? Nagpasiya siyang subukan ito.
Kinabukasan ay umupo ulit si Miguel sa piano na handang magpraktis. Pero bago siya nagsimula, naalala niyang manalangin.
“Ama sa Langit,” sabi niya, “tulungan po Ninyo akong matutuhan ang bago kong tutugtugin. Mahirap itong aralin, pero alam ko pong magagawa ko ito sa tulong Ninyo.”
Pagkatapos ay tinapos niya ito sa pagpapasalamat sa Ama sa Langit sa kanyang mga pagpapala. Narelaks ang kanyang mga braso, at handa na siyang magpraktis.
Dahan-dahan niyang sinimulan ang paghahanap ng mga nota sa piano at sunud-sunod na tinugtog ang mga ito. Patuloy siyang nagpraktis. Bago pa niya namalayan, natugtog na niya ang simula ng kanta! Hindi man lang niya napansin kung gaano katagal na siyang nagpraktis.
Sumilip si Mamá sa silid. “Wow, Miguel. Humuhusay ka nang tumugtog!”
“Salamat po!” sabi ni Miguel. “Sa palagay ko ay nakatulong sa akin ang pagdarasal bago ako nagpraktis para maging matiyaga at matuto nang paunti-unti.” Binuklat-buklat niya ang mga pahina ng kanta. “Mas maganda ito kaysa sa pagmamadali na matutuhan kaagad ang buong kanta.”
“Maganda ang simula mo!” nakangiting sabi ni Mamá. “Hindi magtatagal, matututuhan mo na ang buong kanta.”
Ngumiti rin si Miguel. Pagkatapos ay inilagay niya ang kanyang mga kamay sa piano at nagsimulang tumugtog.
Mga paglalarawan Tracy Nishimura Bishop