2025
Makikita Kong Muli si Celeste
Abril 2025


“Makikita Kong Muli si Celeste,” Kaibigan, Abril 2025, 30–31.

Makikita Kong Muli si Celeste

“Ang mga bulaklak na ito ay nagpapaalala sa akin ng pagkabuhay na mag-uli,” sabi ni Inay.

Isang tunay na kuwento mula sa USA.

Larawan ng isang batang babae at ng kanyang ina na nagtatanim ng mga binhi sa lupa

Tumalungko ako at tumingin sa bakuran. May linya ng itim na lupa sa gilid ng bahay ng mga Johnson kung saan kakatanim lang namin ni Nanay ng maliliit na bulaklak. Hinaplos ko ang lupa at napabuntong-hininga ako.

“Salamat sa pagtulong sa pagtatanim ng mga iyon,” sabi ni Inay.

Tinitingnan ko ang aking mga kamay na puno ng lupa, at hindi nagsalita ng kahit ano. Iniisip ko si Celeste Johnson. Si Celeste na dating nakatira sa bahay na ito. Si Celeste na halos kaedad ko. Si Celeste na sumama sa akin sa Primary. Magkasama kaming naglaro at nagpunta sa mga birthday party ng isa’t isa. Minsan nagtatayo kami ng tent sa likod-bahay niya at kunwari ay nagka-camping kami. Siya ang pinakamatalik kong kaibigan.

Wala na si Celeste ngayon. Namatay siya sa isang aksidente sa kotse ilang buwan na ang nakararaan. Labis kaming umiyak ng pamilya ko. Kaibigan namin si Celeste, at alam naming mami-miss namin siya. Umiyak kami dahil sugatan ang tatay ni Celeste sa aksidenteng iyon. Umiyak kami dahil malungkot ang pamilya ni Celeste.

Gusto ko talagang tulungan ang pamilya ni Celeste. Binigyan ko ng stuffed animal ang nakababatang kapatid ni Celeste na si Ella. Tinulungan ko rin ang ilang tao mula sa ward na gumawa ng mga regalo para sa pamilya ni Celeste. Gusto kong malaman nila na may nagmamahal sa kanila.

Nang pumunta ako sa burol ni Celeste, umupo ako sa tabi ng mga kaibigan mula sa simbahan. Inawit namin ang paboritong awitin ni Celeste sa Primary, ang “Pananampalataya,” na tungkol sa paraan para muli nating makasama ang Diyos. Ipinaalala nito sa akin na makikita ko ulit si Celeste. Sa sementeryo, naglagay ako ng bulaklak sa ibabaw ng kabaong. Malungkot pa rin ang lahat ng nakakakilala kay Celeste. Nami-miss namin siya. Pero nang nanalangin ako at nag-ayuno, hindi na ako gaanong nalulungkot. Nakatulong din ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan at pakikipag-usap sa mga kaibigan mula sa simbahan.

Ngayon, binisita namin ang mga Johnson para tulungan silang magtanim ng maliliit na bulaklak sa kanilang bakuran. Maliit at kulay brown pa lamang ang mga ubud nito ngayon. Hindi ko alam kung ano talaga ang magiging itsura ng mga ito sa tagsibol, pero dapat ay maging maganda ang mga ito.

Pinagmamasdan pala ako ni Inay noon at sabi niya, “Alam mo ba kung ano ang gusto ko sa maliliit na bulaklak?”

Umiling ako. Mataas ang sikat ng araw, at kailangan kong paliitin ang mga mata ko para tumingin sa kanya. “Ano po?”

“Ang mga bulaklak mula sa maliliit na ubud na ito ay namamatay sa taglamig, pero palagi silang bumabalik sa tagsibol,” sabi niya. “Ipinapaalala nila sa akin ang pagkabuhay na mag-uli. Hindi mo makikita ang mga bulaklak pagkatapos nilang mamatay, pero hindi ibig sabihin na wala na sila. Tulad ni Celeste at tayong lahat kapag namatay tayo. Dahil kay Jesus, tayong lahat ay mabubuhay na mag-uli.”

Tiningnan ko ang mga tumpok ng lupa. Lalago nang lalago ang maliliit na ubud at itutulak palayo ang lupa. Alam ko na sa tagsibol ay magiging magagandang bulaklak na ang mga ito, at alam ko na makikita kong muli si Celeste.

Larawan ng batang babae na nagpapalipad ng halik sa maliliit na bulaklak sa lupa

Tiningnan ko ang lupa kung saan nakatanim ang maliliit na bulaklak at nagpalipad ng halik. “Magkikita tayo sa tagsibol!” Bulong ko.

PDF ng Kuwento

Mga larawang-guhit ni Shawna J. C. Tenney