Soccer at ang Sabbath
Ang kuwentong ito ay naganap sa Honduras.
“Sabado’y araw na tangi. Araw ng paghahanda sa Linggo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 105).
Ang mga aktibidad ni Samuel sa araw ng Sabado ay nakakaapekto sa kanyang Linggo.
Gustung-gusto ni Samuel na manood ng telebisyon kasama si Itay, lalo na tuwing Sabado. Buong linggong nagtatrabaho si Itay. Pero kapag Sabado, nagluluto si Inay ng pastelitos de piña (tinapay na may palamang pinya) at magkakasama silang lahat na nanonood ng TV.
Isang Sabado ng gabi, nagpasiya silang manood ng partido de fútbol (larong soccer). Pero gabi na nang magsimula ang laro, at matagal pang matatapos. Nang matapos ang first half, ang iskor ay 0-0. Gusto pang manood ni Samuel. Pero hindi niya mapigilan ang paghikab.
“Oras na para matulog, Samuelito,” marahang sabi ni Inay. “Kailangan mong matulog para gising ka sa simbahan bukas.”
“Pero Inay,” sabi ni Samuel. “Dalawa po ito sa pinakamahuhusay na koponan sa Honduras!”
Tiningnan ni Itay ang orasan. “Sige. Manood ka pa. Pero kailangan mong bumangon sa takdang oras bukas.”
Ang laro ay lalo pang naging kapana-panabik sa second half. Gising na gising na si Samuel! Naghihiyawan sila ni Itay sa tuwa. Sa una ay may nakagawa ng corner kick. Pagkatapos ay magaling na napigilan ng goalie ang pagpasok ng bola. Isang team ang nakapuntos, at pagkatapos ang isa naman. Bago pa namalayan ni Samuel, tapos na ang laro. Nagtapos ito sa tablang iskor na 1-1.
Kinaumagahan, antok na antok si Samuel kaya ayaw niyang bumangon. Pero alam niya na mahalagang magsimba.
Sa sacrament meeting, nagsimulang makatulog si Samuel. Paulit-ulit na napapatungo ang kanyang ulo. Kinakalabit siya ni Inay para hindi makatulog. Pero antok na antok siya kaya hindi siya nakinig sa mga tagapagsalita. “Sa palagay ko ang mga aktibidad mo sa araw ng Sabado ay nakakaapekto sa iyong Linggo,” sabi ni Itay.
Sa Primary, nagsalita ang titser ni Samuel tungkol sa pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath. Itinanong niya kung ano ang magagawa ng mga bata para maging espesyal ang Linggo. Nag-isip sandali si Samuel. Pagkatapos ay sinabi niya, “Matulog nang maaga sa gabi ng Sabado!”
Pagkauwi nila galing sa simbahan, kinausap ni Samuel sina Inay at itay. “Masaya po ang panonood ko ng laro kagabi,” sabi ni Samuel. “Pero dapat po ay natulog na ako nang maaga. Sa palagay ko po dapat nating gamitin ang ilang oras ng Sabado para maghanda para sa Linggo.”
“Sang-ayon ako,” sabi ni Itay.
Tumango si Inay. “Ako rin.”
Nang sumunod na Sabado, may isa pang laro sa TV.
“Ano ang dapat nating gawin ngayong gabi?” tanong ni Itay. “Gabi na namang nag-umpisa ang laro.”
“Manood na lang tayo ng pelikula,” sabi ni Inay.
“O lumabas po tayo,” sabi ni Samuel.
“OK ba sa iyo ang lumabas?” tanong ni Itay kay Inay.
“Siyempre naman,” sabi ni Inay. “Masayang kasama ang pamilya.”
“At kapag nakauwi na po tayo,” sabi ni Samuel, “matutulog na tayo nang mahimbing. Kaya magiging handa na tayo para sa Linggo!”