2021
Magkapatid na Mahilig Magbisikleta
Mayo 2021


Magkapatid na Mahilig Magbisikleta

Ang kuwentong ito ay naganap sa Gauteng, South Africa. Salamat kay Zamu S. para sa pagbabahagi ng kanyang kuwento!

Walang ganang maglaro si Zamu. Pero gusto niyang maalaala siya ni Zinathi.

“Dito ako’y may mag-anak. … At sila’y nais kong kapiling nang walang hanggan” (Mga Himno, blg. 188).

brothers riding bikes together

Mabilis na nagbisikleta si Zamu sa bakuran sakay ng kanyang asul na bisikleta. Ang kanyang dalawang taong gulang na kapatid na si Zinathi ay nasa likuran niya sakay ng pulang scooter nito.

“Bilis, magbisekleta uli tayo!” sabi ni Zamu nang makarating sila sa hangganan ng bakuran. Pumihit siya at nagpedal nang mabilis sa abot ng kanyang makakaya pabalik sa harap. Humampas ang hangin sa kanyang mukha.

“Zamu at Zinathi!” sigaw ni Zamu.

Tumawa si Zinathi. Sumigaw siya kasama ni Zamu.

“Zamu at Zinathi! Zamu at Zinathi!”

Nagbisikleta sila sa bakuran nang pabalik-balik, hanggang sa mapagod ang mga binti ni Zamu at hindi na makapagpedal.

“Magpahinga muna tayo,” ang humihingal na sabi ni Zamu.

“Pumunta kayo rito at magpahinga,” ang sabi ni Itay na naroon sa trampolin.

Ipinarada ni Zamu ang kanyang bisikleta at hinawakan si Zinathi. Tinulungan niya ang kanyang nakababatang kapatid na makasampa sa trampolin. Pagkatapos ay sumampa siya at naupo sa tabi ni Itay.

“Masaya ka ba?” tanong ni Itay.

“Opo!” sabi ni Zinathi.

Humiga si Zamu sa trampolin at napabuntung-hininga. Ang kalangitan sa itaas ay matingkad na asul, at mainit ang dampi ng sikat ng araw sa kanyang balat.

“Maganda ang araw na ito, ‘di ba?” sabi ni Itay.

Tumango si Zamu. Ipinikit niya ang kanyang mga mata at pinakinggan ang huni ng mga ibon habang kausap ni Itay si Zinathi. Inaantok na siya.

“Zamu.”

Idinilat niya ang kanyang mga mata. Nakadukwang si Zinathi sa kanyang mukha.

“Ano ‘yun?” tanong ni Zamu.

“Tara na!” Itinuro ni Zinathi ang kanyang scooter.

“Teka muna. Nagpapahinga ako.”

Napasimangot si Zinathi.

“Pasensya ka na,” sabi ni Zamu. “Pagod na pagod na ako.”

Hinila ni Zinathi ang braso ni Zamu. “Tara na!”

“Ayaw ko! Nakipaglaro na ako sa iyo!”

“Zamu,” sabi ni Itay.

Tumingin si Zamu sa kanya.

“Balang araw, kapag malaki na siya, maaalala ni Zinathi kung paano kayo naglaro nang magkasama. Ang mga alaalang ginagawa mo ngayon ay mananatili sa kanyang puso.”

Tumingin si Zamu sa malalaki at kulay brown na mata ng kanyang nakababatang kapatid.

“Pwede na ba?” tanong ni Zinathi.

Wala pa ring ganang maglaro si Zamu. Pero gusto niyang maalaala siya ni Zinathi.

Ngumiti siya. “OK.”

Sumaya si Zinathi. “Yehey!”

Lumundag si Zamu mula sa trampolin at tinulungan si Zinathi na makasakay sa scooter nito. Pagkatapos ay sumakay siya sa sarili niyang bisikleta.

“Handa ka na?” tanong niya.

“Oo!”

Magkasama silang nagbisikleta sa bakuran. “Zamu at Zinathi!” sigaw nilang muli.

Pagod pa rin si Zamu, pero magandang uri iyon ng pagod. Lumakas na ang kanyang mga binti habang nagbibisikleta siya sa likuran ni Zinathi. Sana maalala ito ni Zinathi, naisip niya. Maaalala ko ito magpakailanman.