Ang Pamilya ni Charlotte
“Kung minsan kapag kumakanta po tayo ng ‘Mag-anak ay Magsasamang Walang Hanggan,’ naiisip ko, ‘Maliban sa pamilya ko.’”
Tinakpan ng mga daliri ni Charlotte ang kanyang mga tainga. Ang oras ng pagkanta sa Primary ang paborito niya. Pero ngayon ay ayaw niyang marinig ang mga awiting kinakanta nila. Nagpaalam siya kung puwede siyang umupo sa pasilyo.
Tinitigan niya ang berdeng karpet, pinipigilan ang kanyang pag-iyak. Hindi iyon gumana.
May taong lumapit sa kanyang tabi. Mabilis na pinahid ni Charlotte ang kanyang luha at tumingala.
Si Sister Henry pala. “Ano’ng nangyari?” tanong nito.
Napalunok si Charlotte. “Ang mga awiting iyon ay tungkol po sa masasayang pamilya at pagiging magkakasama magpakailanman,” mahinang sabi niya.
“Oh. Gano’n ba.” Naupo si Sister Henry sa tabi ni Charlotte.
Ilang buwan na ang nakalipas, kinausap ng mga magulang ni Charlotte ang kanilang pamilya. Ipinaliwanag ni Itay na lilipat na siya.
“Para po bang magdidiborsyo na kayo?” tanong ni Charlotte.
“Hindi sa gano’n,” sabi ni Inay. “Mahal namin kayong pareho, pero oo, magdidiborsyo na kami.”
Naalala ni Charlotte kung paanong sabay niyang naramdaman ang lamig at init sa kanyang balat. Pagkatapos ay sumabog ang matindi niyang nararamdaman! Takot, galit, pagkalito, at matinding kalungkutan—na para bang magkakasakit ka.
Nararamdaman pa rin niya ang gayon kung minsan. Tulad noong nakipagkumpetensya siya sa paglangoy at sa magkabilang panig ng pool naupo sina Inay at Itay. O kapag umiiyak ang kanyang nakababatang kapatid na hinahanap si Inay kapag nasa bahay sila ni Itay.
O kapag kumakanta sila tungkol sa mga pamilya sa Primary.
“Nang magdiborsyo ang mga magulang ko, parang may sumusuntok sa tiyan ko,” sabi ni Sister Henry. “Nang paulit-ulit.”
Nagulat si Charlotte. “Nagdiborsyo rin po ang mga magulang n’yo?”
Tumango si Sister Henry. “Nagdiborsyo sila noong kaedad mo ako.”
Tumingin si Charlotte sa kanyang mga kamay. “Kung minsan kapag kumakanta po tayo ng ‘Mag-anak ay Magsasamang Walang Hanggan,’ naiisip ko, ‘Maliban sa pamilya ko.’” Mariin niyang ipinikit ang kanyang mga mata. “Galit na galit ako. At masama iyon, ‘di po ba? ”
Umiling si Sister Henry. “Hindi. Dati sumasama ang pakiramdam ko kapag nakakakita ako ng mga bata na kasama pareho ang kanilang mga magulang.”
“Tama po!” sabi ni Charlotte. “Para silang nasa grupo ng masasayang pamilya, at ako hindi. Nagbago na ang lahat ngayon.”
“Normal lang na magalit, malungkot, matakot ngayon—anupamang maramdaman mo,” sabi ni Sister Henry. “Mahirap ang diborsyo. Pero ipinapangako ko sa iyo na gagaan din ang pakiramdam mo. Ang pamilya mo ay pamilya mo pa rin, kahit iba na ngayon ang sitwasyon. Nakatulong nang malaki sa akin na alalahanin na mahal pa rin ako ng aking mga magulang, at mamahalin nila ako magpakailanman.”
Ngumiti si Charlotte. Gusto niya si Sister Henry.
Lumapit pa si Sister Henry kay Charlotte. “Pero alam mo ba kung ano ang lubos na nakatulong sa akin?” bulong nito.
“Ano po ‘yun?” pabulong na sagot ni Charlotte.
“Nalaman ko na mayroon pa rin akong perpekto at masayang pamilya,” sabi ni Sister Henry. “At ikaw rin. Lahat tayo, anuman ang sitwasyon ngayon ng pamilya natin sa lupa.”
Pinakunot ni Charlotte ang kanyang ilong. “Paano po?”
“Hindi perpekto ang ating mga pamilya sa lupa, ngunit perpekto ang ating pamilya sa langit. Kaya anuman ang mangyari, may mga magulang tayo sa langit na nagmamahal sa atin at isang napakagandang tahanan sa langit ang naghihintay sa atin.”
Nang pinagnilayan iyon ni Charlotte, nakadama siya ng kaunting pag-asa. Inisip niya kung ano ang mararamdaman niya balang araw kapag nakita niyang muli ang kanyang mga magulang sa langit.
“Siguro po kapag kumakanta tayo ng tungkol sa mga pamilya, iisipin ko ang pamilya ko sa langit,” sabi ni Charlotte. Tumango si Sister Henry.
May isa pang tanong si Charlotte. “Halata po bang umiyak ako?”
“Hindi naman,” sabi ni Sister Henry.
Tumayo si Charlotte. “Kung gayon po handa na akong kumanta.”