Hindi Makapasok!
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Ang kuwentong ito ay naganap sa Central Hungary, Hungary.
Baka makatulong si Emma!
“Magtiwala ka sa Espiritung yaon na nag-aakay sa paggawa ng mabuti” (Doktrina at mga Tipan 11:12).
Palukso-lukso si Emma sa mga bitak sa sementadong bangketa. Maganda at maaliwalas ang araw na iyon. Sila ni Inay ay naglalakad papunta sa tindahan ng groseri.
“Inay, gaano po kalayo ang araw?” tanong niya.
“Hindi ko alam,” sabi ni Inay.
Tiningnan ni Emma ang kalangitan. “Sa tingin po ba n’yo makakapunta ang isang rocket sa araw? Mas mainit po ba ang araw kaysa sa kidlat? Sa tingin po ba n’yo …”
Tumawa si Inay. “Pahirap nang pahirap ang mga tanong mo!”
Tumawa rin si Emma. Marami siyang tanong. Laging sinisikap ni Inay na masagot ang mga ito. Iyan ang isang dahilan kaya gusto ni Emma na sumasama kay Inay.
Tiningnan ni Emma ang kanyang paligid. May mga taxi na dumaraan sa sementadong kalsada. May mga nakasakay sa bisikleta. Maraming tao rin ang naglalakad.
Pagkatapos ay tumingin si Emma sa kabila ng kalsada. Isang batang babae ang nakaupo sa hagdan sa labas ng isang gusali ng mga apartment. Parang umiiyak ito.
Bumagal sa paglakad si Emma. Dapat ba siyang huminto para tumulong? Siguro gusto ng batang babae na mapag-isa. Kung minsan gusto ni Emma na mapag-isa kapag malungkot siya.
Tumigil sa paglakad si Emma. Kadalasan gusto ni Emma na may kausap siya kapag kailangan niya ng tulong. At baka makatulong siya!
Hinawakan niya ang kamay ni Inay. “Tingnan po n’yo, Inay. Siguro kailangan ng batang iyon ng tulong”
Tumingin si Inay sa kabila ng kalsada. “Sa palagay ko tama ka.”
Humawak si Emma sa kamay ni Inay nang tumawid sila sa kalsada. Umakyat siya sa hagdan kung saan nakaupo ang bata. “Hi,” sabi ni Emma. “Kailangan mo ba ng tulong?”
Ang maliit na bata ay suminghot at tumingin sa kanila. Siya ay nakatalungko, at namumula at namumugto na ang kanyang mga mata.
“Hindi ako … makapasok sa apartment namin.” Napabuntong-hininga siya. Garalgal at mahina ang kanyang boses. Lumuhod si Emma sa tabi niya para mas marinig ito.
“Hindi ako marunong magbasa,” sabi ng bata. “Hindi ko alam kung anong button ang pipindutin ko para makapasok.”
Tumingin si Emma sa dingding sa labas ng gusali ng mga apartment. Maraming maliliit na button. Bawat button ay may pangalan. Sa tabi ng mga button ay may isang speaker.
“Ano’ng apelyido mo?” tanong ni Emma.
“Schneider,” sabi ng bata.
Binasa ni Inay ang nakapangalan sa lahat ng button hanggang sa mahanap niya ang “Schneider.” Pinindot niya ito.
Buzz!
Malakas ang tunog ng button. Pagkatapos ay may nagsalita sa speaker.
“Ito ang mga Schneider. Ano ang kailangan n’yo?”
Nagsalita si Inay sa speaker. “Hi! Nasa labas kami ng anak ko kasama ang isang maliit na bata na nagsabing hindi siya makapasok.”
Ang bata ay mabilis na tumayo at tumakbo sa speaker. “Inay,” sabi niya, “hindi ko po mabasa ang button para makapasok, at tinulungan ako ng mga taong ito!”
Tila nagulat ang boses na nasa speaker. “Leni! Akala ko naroon ka sa kuwarto mo! Huwag kang mag-alala. Bababa na ako agad diyan.”
Makalipas ang ilang sandali, isang babae ang patakbong lumabas. Ang bata ay tumakbo at niyakap siya.
Bumaling ang babae kay Emma. “Salamat sa pagtulong mo sa aking mahal na si Leni!”
Ngumiti si Emma. “Madali pong tumulong.”
Sila ay kumaway para magpaalam at bumaba sa hagdan. Masaya ang pakiramdam ni Emma. Nakaisip siya ng isa pang itatanong kay Inay.
“Madali ko lang pong natulungan ang batang iyon. Bakit ang saya-saya ko po dahil doon?”
Pinisil ni Inay ang kamay ni Emma. “Iyan ang Espiritu Santo na nagsasabi sa iyo na mabuti ang pinili mo.”
Ngumiti si Emma. Masaya siya na huminto siya para tumulong.