2025
Bilang Isang Bingi, Pakiramdam Ko ay Hindi Ako Kabilang. Nadama Ko na Kabilang Ako sa Simbahan
Setyembre 2025


Naniniwala Ako

Bilang Isang Bingi, Pakiramdam Ko ay Hindi Ako Kabilang. Nadama Ko na Kabilang Ako sa Simbahan

Ang pagiging miyembro ng Simbahan ng Panginoon ay nagturo sa akin na anumang mga hamon ang kinakaharap natin, ang pananampalataya at pag-asa sa Kanya ay maaaring umakay sa atin tungo sa kapayapaan, layunin, at pagiging kabilang.

isang dalagang nakaupo sa sacrament meeting

Habang lumalaking bingi, madalas kong madama na hindi ako nakikita at hindi konektado sa mundo sa paligid ko, at hindi sigurado kung makakahanap ako ng puwang kung saan talaga ako babagay.

Sa kabila ng mga hamong ito, hindi ako sumuko. Naniwala ako na may higit pa sa buhay kaysa sa mga paghihirap na naranasan ko, at determinado akong hanapin iyon.

Pagkatagpo sa Simbahan

Ilang taon na ang nakararaan, naghanap ako ng layunin sa buhay at natuklasan ko ang isang Facebook page na tinatawag na “ASL Followers of Jesus Christ in Washington, D.C.”

Wala pa akong narinig kailanman tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, pero marunong ako ng American Sign Language (ASL), at may isang bagay tungkol sa page na nakaapekto sa aking damdamin. Nagkomento ako sa isang post at, sa gulat ko, may natanggap akong sagot. Dalawang sister missionary na nangangasiwa sa page ang nagtanong sa akin ng dalawang bagay:

“Paano mo kami nahanap?”

“Ano ang alam mo tungkol kay Jesucristo?”

Naging tapat ako sa sagot ko: Wala akong pananampalataya, pag-asa, o pagpapahalaga sa sarili. Binago ng sagot ng mga sister missionary ang lahat. Hinikayat nila akong magtuon sa pagtitiwala sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, na nangangako na tutulungan Nila akong malagpasan ang aking mga paghihirap. Bagama’t nag-alinlangan ako noong una, nakaapekto sa akin ang mga sinabi nila.

Nang saliksikin ko ang ebanghelyo, natanto ko na ang buhay ay isang paglalakbay pabalik sa Ama sa Langit, puno ng kasiyahan at kalungkutan, at mga pangyayaring hindi inaasahan. Pero sa pagsampalataya at pag-asa kay Jesucristo, maaari kong ituloy ang paglalakbay na ito at makasumpong ng kapayapaan at kaligayahan (tingnan sa 1 Nephi 17:13).

Sa sumunod na ilang buwan, nakipagtulungan ako sa mga ASL sister missionary sa D.C., na natututo tungkol sa ebanghelyo at lumalago sa aking pananampalataya. Nagsimba ako, nakilahok sa mga aktibidad, at bumisita pa sa Washington D.C. Temple sa open house nito. Nang pumasok ako sa silid-selestiyal sa unang pagkakataon, nakadama ako ng kapayapaan at katiwasayan na noon ko lang naranasan.

Nang magpatuloy ako sa paglalakbay, naharap ako sa mga bagong hamon at oportunidad. Lumipat ako sa isang bagong kolehiyo sa New York, kung saan hindi lamang ako nakakilala ng mga bagong kaibigan kundi napalalim ko rin ang aking pananampalataya. Sa panahong ito, nagpasiya akong magpabinyag—isang desisyon na nagpabuti sa buhay ko.

Pagkasumpong ng Kapayapaan at Pagiging Kabilang

Nang sumapi ako sa Simbahan, pakiramdam ko ay natagpuan ko na rin ang lugar ko sa wakas.

Ang mga salita ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol ay naging palagiang paalala ng pag-asang taglay ko na ngayon: “Ang ating pag-asa na matanggap ang buhay na walang hanggan ay matitiyak sa pamamagitan ng biyaya ni Cristo at ng ating sariling mga pagpili.” Ang mga salitang ito ay nagpapadama sa akin ng katiyakan na hindi ako nag-iisa at na ang sakripisyo ni Jesucristo ay nagbibigay sa akin ng oportunidad na magsisi at bumalik sa aking Ama sa Langit.

Bagama’t halos buong buhay kong nadama na hindi ako kabilang, nadama ko sa Simbahan ang pagiging kabilang at pagkakaroon ng layunin. Sa pagsampalataya kay Jesucristo, natuklasan ko na ako ay anak ng Diyos, karapat-dapat sa pagmamahal at walang hanggang kaligayahan. Kung nadama ko noon na nakahiwalay ako at nag-iisa, ngayo’y labis kong nadarama na kabilang ako, na nalalaman na hindi ako nag-iisa kailanman, anumang mga hamon ang kinakaharap ko.

Kung naghahanap ka ng kapayapaan, pagiging kabilang, at layunin sa iyong buhay, hinihikayat kitang gawin ang unang hakbang sa iyong sariling paglalakbay sa pamamagitan ng pagsasaliksik sa ebanghelyo ni Jesucristo at pagpapalalim ng iyong pananampalataya sa Kanya.

Tuklasin ang pag-asang nagmumula sa pagtanggap sa inyong banal na pagkatao. Dapat mong malaman na hindi ka nag-iisa kailanman—at na tutulungan ka ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa iyong mga paghihirap.