2025
Sa mga Panahon ng Kadiliman at Paghihirap, Hanapin ang Liwanag
Setyembre 2025


Pag-aangkop ng Doktrina at mga Tipan sa Inyong Buhay

Sa mga Panahon ng Kadiliman at Paghihirap, Hanapin ang Liwanag

Ang madidilim na bahagi ng buhay ay nagbibigay sa atin ng oportunidad na “[apuhapin]” at pahalagahan ang liwanag ng Panginoon.

isang dalagang may teleskopyo na nakatingala sa kalangitan

Kung magpipinta ako ng larawan ng isa sa pinakamahihirap na sandali sa buhay ko, sa palagay ko ay magmumukha iyong kalangitan sa gabi—halos lahat ay madilim, pero may kalat-kalat na maliliit at kumukutitap na mga tuldok ng liwanag.

Kapag sinabi kong madilim na panahon, iyon mismo ang ibig kong sabihin. Madalas sumakit ang ulo ko at nagma-migraine ako na pinalala pa ng pagkalantad sa liwanag, kaya gumugol ako ng maraming araw sa loob ng bahay na walang ilaw. Nagluto ako ng pagkain na may kakaunting ilaw na tumatagos sa mga bintana ng kusina kong may kurtina. Binawasan ko ang liwanag ng computer screen ko na halos wala nang liwanag kapag kailangan kong gumawa ng homework.

Ang mundo—at ang aking espiritu—sa pakiramdam ko ay malungkot at walang-buhay.

Sa kabilang dako, tila hindi kapani-paniwala ang liwanag ng mga araw na pakiramdam ko ay malusog ako. Naaalala ko na lumabas ako, sa kasikatan ng araw, at halos hindi ako makapaniwala sa sigla at buhay ng mundo.

isang mabituing kalangitan sa gabi

Ang Kadilimang Dumarating Bago ang Liwanag

Hindi lang ako ang nakaranas ng mga panahon ng literal o kunwaring kadiliman. Sa kanyang pangitain tungkol sa punungkahoy ng buhay, nakita ni Lehi ang “isang napakalaking abu-abo ng kadiliman” (1 Nephi 8:23). Inilarawan ni Joseph Smith ang “makapal na kadiliman” na nakatipon sa kanyang paligid habang naghahangad siya ng sagot sa kanyang panalangin (Joseph Smith History—1:15). Nang mamatay ang Tagapagligtas sa krus, “nagkaroon ng kadiliman sa ibabaw ng lupain” (3 Nephi 8:19).

Sa bawat isa sa mga pagkakataong ito, isang mahirap na panahon ng kadiliman ang nauna sa isang mahalagang sandali ng liwanag at paghahayag na nagpapabago ng buhay. Para kay Lehi, ang kadiliman ay nakapalibot sa mga taong halos nakarating na sa maluwalhating punungkahoy ng buhay. Si Joseph Smith ay naligtas mula sa kaaway nang “isang haligi ng liwanag na … higit pa sa liwanag ng araw” ang lumitaw sa kanyang itaas (Joseph Smith Kasaysayan—1:16). At higit sa lahat, ang Ilaw ng Sanlibutan ay nabuhay na muli at bumalik sa lupa pagkaraan ng tatlong araw ng kadiliman.

Noong 1833 naharap ang mga naunang Banal sa isa sa pinakamadidilim na panahon sa kasaysayan ng makabagong Simbahan. Pinaalis sila ng mga mandurumog mula sa kanilang mga tahanan, winasak ang kanilang mga pananim at ari-arian, at binantaan pa ang buhay ng marami sa kanila. Patungkol sa kanilang sitwasyon, tinutukoy sila ng Panginoon na mga “pinahirapan, at inusig, at pinalayas” (Doktrina at mga Tipan 101:1).

Nasaan ang liwanag na kinailangan nila?

“Inaapuhap” ba Natin ang Panginoon?

Sa mga sandali ng kadiliman, may mahalagang puwang bago dumating ang liwanag na iyon upang bigyan tayo ng ginhawa—kung saan natututo tayong magtiwala sa Panginoon at umasa sa Kanyang kapangyarihan. Ito ay isang puwang na mahirap at nangangailangan ng mahalagang pagpapasiya, kung saan pipiliin natin kung may pananampalataya tayong maghintay na “ang [bisig ng Diyos] ay maipahayag” (Doktrina at mga Tipan 123:17).

Kadalasan, hindi natin mapipili ang mga pagsubok na makakaharap natin, pero mapipili natin kung paano tayo tutugon sa mga iyon. At “ang tagumpay at kaligayahan ng bawat tao, kapwa ngayon at sa kawalang-hanggan, ay lubhang nakasalalay sa paraan ng kanyang pagtugon sa mga paghihirap sa buhay.”

Kaya paano tumugon ang mga naunang Banal na iyon sa kanilang mga pagsubok? Bagama’t “hindi [nila gaanong] pinahalagahan” ang payo ng Panginoon, na humantong sa paghihirap na ito, “sa araw ng kanilang kaguluhan, dahil sa kanilang pangangailangan ay inaapuhap nila [Siya]” (Doktrina at mga Tipan 101:8).

Kapag nahaharap tayo sa mga panahon ng kadiliman at paghihirap, “inaapuhap” ba natin ang Panginoon? Bumabaling ba tayo sa Kanyang liwanag, o tumatalikod tayo sa Kanya?

Sa Doktrina at mga Tipan 98, ibinibigay sa atin ng Panginoon ang itinuturing kong tatlong hakbang na plano sa pagbaling sa Kanya at pagtitiis sa mga panahon ng kadiliman:

  • Magpasalamat sa lahat ng bagay (tingnan sa talata 1).

  • Matiyagang maghintay sa Panginoon (tingnan sa talata 2).

  • Manampalataya na lahat ng bagay ay gagawa para sa iyong ikabubuti (tingnan sa talata 3).

At sa Doktrina at mga Tipan 101, ibinigay ng Panginoon ang mga pangakong ito sa mga taong nagtitiis:

  • “Sila na ikinalat ay titipunin” (talata 13).

  • “Sila na nagdalamhati ay aaliwin” (talata 14).

  • “Sila na nagbigay ng kanilang buhay para sa aking pangalan ay puputungan” (talata 15).

Ito ang pangako ng Panginoon—na ang ating mga pagsubok ay maaaring maging kagalakan. “Lahat ng yaong hindi makatitiis ng pagpaparusa, sa halip [ay] itinatatwa ako, ay hindi mapababanal” (Doktrina at mga Tipan 101:5). Ang kadiliman ng paghihirap ay maaaring makaragdag sa kakayahan nating maghanap at magtamasa ng liwanag.

isang maliwanag at magandang konstelasyon sa likod ng isang teleskopyo

Paghahanap ng Layunin sa mga Pagsubok

Para maibalik ang kuwento sa pananakit ng ulo ko dahil sa liwanag, naaalala ko ang araw na tumanggap ako ng basbas sa pinakamatinding migraine sa buhay ko. At bagama’t ang basbas na iyon ay nagbigay sa akin ng pag-asa na bubuti ang aking kalagayan, biniyayaan din ako ng katatagan, paglago, higit na habag para sa iba, at dagdag na kaalaman kung paano haharapin ang mga pananakit ng ulo ko.

Iyon pala ang liwanag na kailangan ko sa sandaling iyon—isang pangako na may kabuluhan ang mga panahon ng aking paghihirap. At bagama’t hindi nangangako ang ebanghelyo ni Jesucristo na maiiwasan natin ang lahat ng hirap sa buhay, nangangako ito na maaaring may layunin ang ating mga pagsubok. Sa pamamagitan ni Cristo, ang ating mga pagsubok ay mga oportunidad para tayo mapabanal.

Kaya kumapit nang mahigpit sa maliliit na pagsabog ng liwanag na iyon sa inyong buhay. Hayaang magpalakas sa inyo ang alaala ng magagandang sandali na puno ng liwanag sa mga panahon ng kadiliman.

At tandaan na bagama’t maaari makasira sa ating magandang sitwasyon ang madidilim na panahon ng mortal na buhay, laging nariyan ang Liwanag ni Cristo para sa atin.

Mga Tala

  1. Mga Paksa at mga Tanong, “Paghihirap,” Gospel Library.