Tungkol sa Isyung Ito
Tema sa Buwang Ito: Kalusugang Pangkaisipan
Hello, kamangha-manghang mga mambabasa.
Una sa lahat, mahal namin kayo, mahal kayo ng Tagapagligtas, at sana’y madama ninyo ang pagmamahal na iyon habang binabasa ninyo ang isyung ito.
Kung binabasa ninyo ito, malamang na kayo ay isang tao, na ibig sabihin ay malamang na naranasan na ninyong minsan ang isang mahirap na bagay.
Kung gayon, talagang may isang bagay sa isyu sa buwang ito na makakaugnay kayo—dahil lahat ng tao sa mundo ay dumaranas ng lungkot, mga tukso, mga pangamba, at iba pa. Ang mahinang kalusugang pangkaisipan ay kadalasang pinalalaki ang umiiral nang mga hamon, at alam na alam ng Tagapagligtas ang maaaring maging epekto nito sa mga tao.
Isa ako sa maraming taong nahihirapan sa karamdaman sa pag-iisip, at bagama’t mahirap, natutuhan ko sa aking mga karanasan na ang pagbaling sa Tagapagligtas palagi ang pinakamahalagang bahagi ng anumang proseso ng paggaling. Matutulungan Niya tayo, lalo na kapag ginagamit natin ang mga espirituwal at temporal na kasangkapang magagamit natin.
Anumang bagay ang nagpapahirap sa inyo, ang pagbaling sa Kanya at tunay na pagsasaalang-alang sa nais Niyang gawin ninyo ay magbibigay ng pag-asa at lakas na sumulong. Nakita ko na nang napakaraming beses ang kapangyarihang inaalok Niya sa atin.
Narito ang ilang artikulong kasama sa isyu sa buwang ito:
-
Isang koleksyon ng mga tanong at mga sagot tungkol sa kalusugang pangkaisipan
-
Ilang payo tungkol sa katahimikan at pagbubulay
-
Isang kuwento mula sa isang young adult sa Canada na nakakaranas ng pagkabalisa na parang napag-iiwanan siya sa buhay
-
Ang pamamaraan ng isang counselor sa pagtulong sa mga missionary na maghanda at panatilihing malusog ang kanilang isipan habang naglilingkod
Mayroon din kaming mga kuwento na bahagi ng aming patuloy na serye:
-
Naniniwala Ako: Kung paanong ang isang young adult na naghahanap ng isang komunidad ay natagpuan ang ebanghelyo ni Jesucristo sa pamamagitan ng isang Facebook group para sa mga indibiduwal na bingi
-
Para sa mga Ina ng Maliliit na Bata: Mga kabatiran mula sa isang ina kung paanong ang Panginoon ay palaging kasama natin, maging sa kalagitnaan ng gabi
-
Mula sa Mission Field: Payo mula sa mga missionary na nasa misyon ngayon tungkol sa mga paraan na makapaghahandang maglingkod ang mga magiging missionary
-
Pagsasabuhay ng Doktrina at mga Tipan: Suporta para sa inyong pag-aaral ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin tungkol sa mga paraan na ang mga pagsubok ay maaaring para sa ating ikabubuti kapag hinangad natin ang liwanag ng Panginoon
Mahal kayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo, at sa kabila ng mga paghihirap na maaari nating maranasan, tayo ay tunay na nilikha upang magkaroon ng kagalakan.
Masayang pagbabasa!
Trent Hortin, Liahona Digital Content Intern