2025
Mga Tanong at mga Sagot tungkol sa Kalusugan ng Pag-iisip
Setyembre 2025


“Mga Tanong at mga Sagot tungkol sa Kalusugan ng Pag-iisip,” Liahona, Set. 2025.

Mula sa Lingguhang YA

Mga Tanong at mga Sagot tungkol sa Kalusugan ng Pag-iisip

Lahat ng bagay na hindi makatarungan sa buhay ay itatama dahil kay Jesucristo.

speech bubble, mga

Ang paghahanap ng kagalakan sa ebanghelyo ni Jesucristo habang binabalanse ang mga hamon sa kalusugan ng pag-iisip ay parang imposible kung minsan. Ang mga puwersang mahirap kontrolin ay maaaring makahadlang sa atin na madama ang impluwensya ng Espiritu Santo, at maging dahilan marahil para tayo mag-alinlangan kung bakit patuloy tayong nagsisikap.

Bagama’t hindi pa inihahayag ng Panginoon ang lahat ng sagot sa ating taos-pusong mga pagsamo, nagbigay Siya ng patnubay, payo, kapanatagan, at pag-asa sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta at apostol at iba pang mga lider ng Simbahan.

Narito ang ilan sa kanilang mga inspiradong salita na makatutulong na masagot ang mga karaniwang tanong ng mga young adult. Kung nagpapabigat din sa inyong isipan ang ilan sa mga tanong na ito, dapat ninyong malaman na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay maghahatid ng kapayapaan at pag-asa sa inyo kapag wala nang iba pang makagagawa nito.

Pagdama sa Espiritu

T: Bunga ba ng kasalanan ang mga problema ko sa kalusugan ng pag-iisip?

S: “Mahalagang unawain na ang [karamdaman sa pag-iisip] ay hindi bunga ng kahinaan, ni hindi ito bunga ng kasalanan. … Magkakasama nating madaraig ang mga ulap ng pag-iisa at pagkahiya upang mapawi ang pasaning ito at mangyari ang mga himala ng paggaling.”

Sister Reyna I. Aburto, dating Pangalawang Tagapayo sa Relief Society General Presidency, “Sa Dilim at Liwanag, Aking Panginoon, Manatili!,” Liahona, Nob. 2019, 58.

T: Bakit hindi gumagaan ang pakiramdam ko kapag ginagawa ko ang tama?

S: “Huwag isipin na kaya [mong] ayusin ang lahat, ayusin lamang ang kaya [mo]. Kung maliliit na tagumpay lang iyon, magpasalamat para dito at maging matiyaga. Ilang beses sa banal na kasulatan, inutusan ng Panginoon ang isang tao na ‘tumayo nang hindi natitinag’ o ‘mapanatag’—at maghintay. Ang matiyagang pagtitiis sa ilang bagay ay bahagi ng pagkatuto natin sa buhay na ito.”

Pangulong Jeffrey R. Holland, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Parang Basag na Sisidlan,” Liahona, Nob. 2013, 41.

T: Paano ko malalaman na nasasagot ang mga panalangin ko kung nahihirapan akong mapansin ang mga ito dahil sa problema ko sa kalusugan sa pag-iisip?

S: “Sa maraming kawalang-katiyakan at pagsubok natin sa buhay, inuutusan tayo ng Diyos na gawin ang lahat ng ating makakaya, kumilos tayo at huwag tayong pakilusin ng iba (tingnan sa 2 Nephi 2:26), at magtiwala sa Kanya. … Maaaring patuloy tayong sumusulong na umaasa at nagdarasal—ngunit walang ganap na katiyakan—na tayo ay kumikilos ayon sa nais ng Diyos. Ngunit kung igagalang natin ang ating mga tipan at susundin ang mga utos, habang nagsisikap pa tayong [mas palagiang] gumawa ng mabuti at maging mas mabuti, [mamumuhay] tayo nang may tiwala na gagabayan ng Diyos ang ating mga hakbang.”

Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang Diwa ng Paghahayag,” Liahona, Mayo 2011, 90.

T: Paano ako makadarama ng kagalakan sa ebanghelyo kapag napakahirap na madama ito dahil sa depresyon?

S: “Habang sinasaliksik [mo] ang salita ng Diyos para maunawaan nang mas malalim ang walang-hanggang plano ng Diyos, tinatanggap ang mga paanyayang ito, at sinisikap na tumahak sa Kanyang Daan, mararanasan [mo] ‘ang kapayapaan ng Diyos, na hindi maabot ng pag-iisip’ [Filipos 4:7], kahit sa gitna ng kalungkutan. Mas madarama [mo] ang di-mapapantayang pagmamahal ng Diyos na nag-uumapaw sa [iyong] puso. Papawiin ng liwanag ng langit ang kadiliman ng [iyong] mga pagsubok, at masisimulan [mong] maranasan ang di-masambit na mga kaluwalhatian at kababalaghan ng hindi namamalas, perpekto, at makalangit na kapaligiran. Madarama [mo] na lumalaya [ka] sa pasakit na dulot ng mundong ito.”

Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Isang Mas Mataas ng Uri ng Kagalakan,” Liahona, Mayo 2024, 69.

Pag-access sa Kapangyarihan ni Jesucristo

T: Paano ako matututong magtiwala at umasa kay Cristo kung pakiramdam ko ay hindi ko mapagkakatiwalaan ang sarili ko dahil sa mga hamon sa kalusugan ng aking pag-iisip?

S: “[Kapag] mas marami [kang] natututuhan tungkol sa Tagapagligtas, mas madaling magtiwala sa Kanyang awa, sa Kanyang walang-hanggang pagmamahal, at sa Kanyang nagpapalakas, nagpapagaling, at mapa[g]tubos na kapangyarihan. …

“… Kung mabigo ang lahat ng bagay at ang sinuman sa mundong ito na pinagkakatiwalaan ninyo, hindi kayo kailanman bibiguin ni Jesucristo at ng Kanyang Simbahan.”

Pangulong Russell M. Nelson, “Si Cristo ay Nagbangon; Ang Pananampalataya sa Kanya ay Makapagpapalipat ng mga Bundok,” Liahona, Mayo 2021, 103, 104.

T: Alam ba talaga ni Cristo ang nararamdaman ko?

S: “Maaaring walang kapamilya, kaibigan, o priesthood leader—gaano man kasensitibo at kabuti ang bawat isa—ang eksaktong nakaaalam sa inyong nararamdaman o nasasabi ang mismong mga salita na makatutulong sa [iyong] paggaling. Pero dapat [mong] malaman ito: may Isang [Nilalang na] lubos na nakauunawa sa [iyong] pinagdaraanan, na ‘higit na makapangyarihan kaysa lahat ng sangkatauhan’ [1 Nephi 4:1], at ‘makagagawa ng higit na sagana kaysa lahat ng [iyong] hinihingi o iniisip’ [Mga Taga Efeso 3:20].”

Elder Matthew S. Holland ng Pitumpu, “Ang Walang Katulad na Kaloob ng Anak,” Liahona, Nob. 2020, 46.

Pagdama sa Pagmamahal ng Diyos

T: Mahal pa rin ba ako ng Diyos kahit na may mga hamon ako sa kalusugan ng pag-iisip?

S: “Siguro mayroong isang koro ng mga tinig ng panghihina ng loob at kadiliman na nagpapagulo sa [iyong] isipan, mga mensahe na nagsasabi sa [iyo] na [ikaw] ay lubhang nasugatan at nalilito, lubhang mahina at hindi napapansin, lubhang naiiba o walang direksyon para makaasang mapagkakalooban ng pagmamahal ng langit sa anumang tunay na paraan. Kapag narinig [mo] ang mga ideyang iyon, mangyaring pakinggan ito: ang mga tinig na iyon ay maling-mali. May tiwala tayo [na] sa anumang paraan hindi hadlang ang ating mga kakulangan para maging marapat sa pagmamahal ng langit.”

Elder Karl D. Hirst ng Pitumpu, “Ang Paborito ng Diyos,” Liahona, Nob. 2024, 11.

T: Bakit hindi pinapawi ng Diyos ang hamon na ito?

S: “Sa pagpupunyaging magkaroon ng kaunting kapayapaan at pag-unawa sa mahihirap na bagay na ito, mahalagang tandaan na nabubuhay tayo—at pinili nating mabuhay—sa isang mundong puno ng kasalanan kung saan dahil sa mga banal na layunin ay paulit-ulit na susubukan at patutunayan ang ating pagsisikap na maging banal. Ang malaking katiyakan sa plano ng Diyos ay ang ipinangakong isang Tagapagligtas, isang Manunubos, na sa pamamagitan ng pananampalataya natin sa Kanya ay matagumpay nating malalagpasan ang mga pagsubok na iyon, bagama’t hindi lubos na maaarok ng isipan natin ang Ama na nagsugo sa Kanya at ang Anak na pumarito. Tanging sa pagpapahalaga sa banal na pagmamahal na ito natin makakayanan ang mas magaan nating pagdurusa, pagkatapos ay mauunawaan na natin ito, at sa huli ay matutubos tayo.”

Pangulong Jeffrey R. Holland, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Parang Basag na Sisidlan,” Liahona, Nob. 2013, 40.

Pagpiling Mabuhay

T: Kung alam ko na mas maganda ang kabilang-buhay, bakit ako dapat magpatuloy sa buhay na ito?

S: “Anuman ang [iyong] mga alalahanin o paghihirap, hindi sagot ang pagpapakamatay. Hindi nito maiibsan ang sakit na nararamdaman [mo] o iniisip [mong] naidudulot [mo]. Sa mundong nangangailangan ng lahat ng liwanag na makukuha nito, huwag [mo sanang] balewalain ang walang-hanggang liwanag na itinimo ng Diyos sa [iyong] kaluluwa bago pa likhain ang daigdig na ito. Makipag-usap sa isang tao. Humingi ng tulong. Huwag [mong] kitlin ang buhay na pinag-alayan ni Cristo ng Kanyang buhay upang maligtas. Makakayanan [mo] ang mga paghihirap sa buhay na ito dahil tutulungan [ka] namin [na] makayanan ang mga ito.”

Pangulong Jeffrey R. Holland, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Huwag Kang Matakot: Sumampalataya Ka Lamang!,” Liahona, Mayo 2022, 36.

“Anuman ang inyong paghihirap, mga kapatid—sa isipan man o sa damdamin o sa katawan o anuman—huwag piliing wakasan ang napakahalagang buhay! Magtiwala sa Diyos. Mananganan nang mahigpit sa Kanyang pagmamahal. Dapat ninyong malaman na balang-araw ay magbubukang-liwayway at maglalaho ang lahat ng pasakit sa mortalidad.”

Pangulong Jeffrey R. Holland, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Parang Basag na Sisidlan,” Liahona, Nob. 2013, 42.

Pagsuporta sa mga Mahal sa Buhay

T: Paano ko matutulungan ang aking mahal sa buhay na nahaharap sa mga hamon sa kalusugan ng pag-iisip?

S: “Ang mabigyang-kaalaman ang ating mga sarili tungkol sa karamdaman sa pag-iisip ay naghahanda sa atin para matulungan ang ating sarili at ang iba pa na maaaring nahihirapan. Ang malalaya at matatapat na talakayan sa isa’t isa ay tutulong na mabigyan ng kaukulang pansin ang mahalagang paksang ito. Dahil tunay ngang kailangan [ang] kaalaman bago makatanggap ng inspirasyon at paghahayag. Ang mga hamong ito na madalas na hindi nakikita ay nakakaapekto kaninuman, at kapag hinaharap natin ang mga ito, parang imposible nating makayanan ito.

“Isa sa mga unang bagay na kinakailangan nating matutuhan ay ang katiyakang hindi tayo nag-iisa. Inaanyayahan ko kayo na pag-aralan ang paksang kalusugan sa pag-iisip sa bahaging Tulong sa Buhay sa Gospel Library app. Ang pag-aaral ay nagdudulot ng higit na pang-unawa, higit na pagtanggap, higit na pagkahabag, higit na pagmamahal. Mababawasan nito ang trahedya, habang tinutulungan tayong magkaroon at makagawa ng mga angkop na inaasahan at nakatutulong na pakikisalamuha.”

Elder Erich W. Kopischke ng Pitumpu, “Pagtalakay sa Kalusugan sa Pag-iisip,” Liahona, Nob. 2021, 38.

T: Nagpakamatay ang isa sa mga mahal ko sa buhay dahil sa mga hamon sa kalusugan ng pag-iisip. Ano ang mangyayari sa kanya?

S: “May makalumang paniniwala ang isang sekta na ang pagpapakamatay ay isang kasalanan at na ang isang taong [nagwakas ang buhay sa pamamagitan ng] pagpapakamatay ay itatapon sa impiyerno magpakailanman. Maling-mali iyan. Naniniwala ako na makikita sa karamihan ng mga sitwasyong ito na ang mga indibiduwal na ito ay namuhay nang magiting at na ang pagpapakamatay ay hindi magtatakda sa kanilang [pupuntahan sa] kawalang-hanggan.”

Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Renlund: Understanding Suicide” (video), Gospel Library.

binatilyo sa pagsikat ng araw

Pagsulong at Pag-asa

Ang ilang sagot na ibinibigay sa atin ng Diyos ay naiiba sa inaasahan natin, at ang ilang sagot ay hindi darating sa buhay na ito. Bagama’t hindi natin alam ang lahat ngayon kung bakit marami sa atin ang nakikibaka sa mga hamon sa kalusugan ng pag-iisip, maaari tayong mapanatag sa pangako na balang-araw ay magkakaroon tayo ng perpektong pag-unawa sa lahat ng bagay. Ang ating mga pagsisikap—kahit pakiramdam natin ay hindi ito nagkaroon ng bunga kung minsan—ay magiging sulit (tingnan sa Mga Taga Galacia 6:9; Doktrina at mga Tipan 58:3).

Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kahanga-hanga ang pananampalataya dahil nananatili ito kahit hindi dumarating ang mga pagpapala gaya ng inaasahan. Hindi natin nakikita ang hinaharap, hindi natin alam ang lahat ng sagot, ngunit mapagkakatiwalaan natin si Jesucristo habang patuloy tayong kumikilos pasulong at paitaas dahil Siya ang ating Tagapagligtas at Manunubos.”

Habang inaalam [at nararanasan] ninyo at ng inyong mga mahal sa buhay ang pagiging kumplikado ng kalusugan ng pag-iisip, tandaan na lahat ng hindi makatarungan tungkol sa buhay ay itatama dahil kay Jesucristo. Patuloy na sumulong at umasa—na kasama Siya sa inyong tabi, palagi kayong makakapagtiis nang may pag-asa.