2025
Sa Bagong Ina na ang Sanggol ay Palaging Gising
Setyembre 2025


Para sa mga Ina ng mga Batang Musmos

Sa Bagong Ina na ang Sanggol ay Palaging Gising

Sa gitna ng mga gabing walang tulog dahil sa dalawang sanggol, naalala ko na hindi kailanman natutulog ang Panginoon.

isang ipinintang larawan ng Tagapagligtas na nakasabit sa ibabaw ng dalawang kuna

Larawang-kuha sa kagandahang-loob ng awtor

Unang pagkakataon kong maging ina sa siyam-na-buwan na kambal. Panggabi ang trabaho ng asawa ko, kaya magdamag kong inalagaang mag-isa ang aking mga anak. Nakatira kami sa isang maliit na bahay-paupahan na may orihinal na sahig na kahoy na lumalangitngit sa bawat galaw ko. Naging mahirap na pagsubok ang gabi sa dalawang kuwarto naming napakalapit sa isa’t isa, at takot ako palagi sa bawat paghakbang ko.

Kadalasan, mahimbing matulog ang mga anak namin, na labis kong pinasalamatan. Pero may ilang gabi, kapag nagigising na umiiyak ang mas mahimbing matulog, na di-maiwasang makagising sa mas mababaw matulog, mayroon akong dalawang anak na pagod at nag-iiyakan.

Hindi na kailangang sabihin pa na nakakapagod at nakakadismaya na sikaping pakalmahing mag-isa ang dalawang sanggol sa kalagitnaan ng gabi.

Isang gabi, nangyari ang bagay na ito mismo, at mabilis kong pinakalma at halos napatulog ang isang sanggol sa salas namin. Binalikan ko ang isa ko pang sanggol, na umiiyak pa rin, at kinarga siya. Sa gitna ng aking tumitinding pagkadismaya, tumingala ako at nakita ko ang ipinintang larawan ni Cristo na napapaligiran ng mga bata na nakasabit sa dingding sa tabi ng kanyang kuna. Inisip ko kung gaano kalaki ang pasensya at pagmamahal at giliw ng pagtingin Niya sa kanila.

Nang sumulyap ako sa tagiliran, nakita ko, sa dilim, ang sarili ko sa salamin na hawak ang aking anak. Nang ilagay ko ang maliit na salaming iyon sa katabing dingding, hindi ko natanto ang pagkakatulad sa ipinintang larawan na lilikhain nito. Pero nang pabalik-balik kong tiningnan ang larawan ng Tagapagligtas na kasama ang mga batang iyon at ang sarili ko na kasama ang aking mahal na anak na umiiyak nang malakas, bigla kong naisip na hindi ako nag-iisa rito. Nadama ko na ako, ang pagod na inang nakita ko sa salamin, ay maaaring maging mas mapagpasensya, mas mapagmahal, at mas magiliw kaysa nadama ko—tulad Niya—dahil sa Kanya at sa Kanyang halimbawa.

Isang sandali iyon na ayaw kong malimutan kailanman. Nagpapasalamat ako sa paalala na hindi ako nag-iisa kailanman at para sa Kanyang halimbawa kung paano pakitunguhan ang aking mga anak, kahit (at lalo na) sa gayong mga sandali sa kalagitnaan ng gabi.

Simula noong gabing iyon, nakadama ako ng espesyal na kapanatagan sa mga salita sa mga banal na kasulatan na nagpapaalala sa atin na hindi tayo nag-iisa kailanman—sa ating mga pagsubok, sa ating mga kalungkutan, sa ating pagkahapo bilang bagong ina.

Tulad ng ipinahayag ni Elder Robert D. Hales (1932–2017) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “‘Sa aking Getsemani’ at sa inyo, hindi tayo nag-iisa. Siya na nagbabantay sa atin ‘ay hindi iidlip ni matutulog man’ [Mga Awit 121:4]. Ang Kanyang mga anghel dito at sa kabila ng tabing ay ‘nasa paligid [natin], upang dalhin [tayo]’ [Doktrina at mga Tipan 84:88]. Ibinabahagi ko ang aking natatanging patotoo na ang pangako ng ating Tagapagligtas ay totoo, sapagkat sinasabi Niya na, ‘Silang naghihintay sa Panginoon ay magpapanibagong lakas; sila’y paiilanlang na may mga pakpak na parang mga agila; sila’y tatakbo, at hindi mapapagod; sila’y lalakad, at hindi manghihina’ [Isaias 40:31].”

Ang paggising ng mga sanggol sa kalagitnaan ng gabi ay maaaring hindi tumigil sa lalong madaling panahon. Pero maaari tayong mapanatag sa pagkaalam na, habang nariyan tayo para sa ating mga anak, pagod at dismayado man tayo, ang ating Tagapagligtas at ating Ama sa Langit ay laging nariyan para sa atin.