Mula sa Lingguhang YA
Kailangan Mo ba ng Tulong para Maragdagan ang Kakayahan Mong Tumanggap ng Paghahayag? Subukang Lumikha ng Katahimikan sa Iyong Buhay
Ang mga tahimik na sandali ay maaaring magpalinaw sa ating isipan at mag-anyaya sa Espiritu.
Nadama mo na ba na dasal ka nang dasal at wala kang natatanggap na sagot? Humihingi ka ng mga sagot, kapanatagan, o patnubay, pero parang tahimik ang Panginoon?
Naranasan ko na iyan. Pero kung minsa’y iniisip ko—sa mga panahong iyon na pakiramdam ko ay hindi ako sinasagot ng Diyos, siguro ay nagpapadala Siya ng mga sagot.
Siguro wala lang ako sa tamang lugar para matanggap ang mga iyon.
Ang Kapangyarihan ng Tahimik na Sandali
Kanina lang, nakinig ako sa isang mensahe kung saan nagsalita si Pangulong M. Russell Ballard (1928–2023) sa mga young adult. May sinabi siya na lubhang nakaapekto sa akin:
“Mayroon ka bang personal na tahimik na sandali? Inisip ko kung ang mga tao noong araw ay mas maraming oportunidad kaysa sa atin ngayon na makita, madama, at maranasan ang presensya ng Espiritu sa kanilang buhay.
“Mukhang habang nagiging mas maliwanag, maingay, at abala ang ating mundo, mas nahihirapan tayong madama ang Espiritu sa ating buhay. Kung wala kang tahimik na sandali, maaari mo bang simulang … magkaroon nito?”
Teka, ano?
Sa lahat ng ipinagagawa sa atin, mahalaga ba ang katahimikan? Napukaw ang interes ko rito, kaya ginusto kong malaman kung ano rin ang sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa tahimik na sandali. Itinuro niya:
“Maaari nating gamitin ang ating oras sa pakikinig sa tinig ng Panginoon na bumubulong ng Kanyang patnubay, kapanatagan, at kapayapaan. Ang tahimik na oras ay sagradong oras—oras na magpaparating ng personal na paghahayag at magpapadama ng kapayapaan.
“Disiplinahin ang sarili na magkaroon ng oras na makapag-isa at nang kasama ang inyong mga mahal sa buhay. Ipahayag sa Diyos ang inyong saloobin sa pamamagitan ng panalangin. Maglaan ng panahong ituon ang sarili sa mga banal na kasulatan at pagsamba sa templo.”
Kaya ang tahimik na sandali ay mahalaga. Pero paano ito gumagana?
Pagpapahusay ng Iyong Pagtanggap
Nagkaroon ng panahon sa buhay ko na nadama ko na hindi ako konektado sa Ama sa Langit. Kahit pumupunta ako sa templo, nagdarasal, at nagbabasa ng mga banal na kasulatan, labis pa rin akong nahirapan. Natanto ko na ginagawa ko ang mahahalagang espirituwal na bagay, pero hindi ako naglalaan ng tahimik na sandali sa buhay ko para tunay na pagnilayan ang koneksyon ko sa Ama sa Langit. Nagpasiya akong subukang magmuni-muni—na magpahinga mula sa mundo at talasan pa ang pakiramdam ko sa Espiritu.
Nang magsimula akong maglaan ng tahimik na oras para magmuni-muni at sikaping kumonekta sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, nakadama ako ng malaking kaibhan sa kakayahan kong makilala ang Kanilang patnubay sa buhay ko. Nakadama rin ako ng higit na kapayapaan at kagalakan sa aking mga sitwasyon.
Nagpatotoo si Bishop L. Todd Budge, Pangalawang Tagapayo sa Presiding Bishopric, na, “Ang pagtahimik ay nangangailangan ng higit pa sa paglalaan ng oras para sa Panginoon—nangangailangan ito ng paglimot sa ating mga pagdududa at pangamba at pagtutuon ng ating puso’t isipan sa Kanya.”
Kung gusto mong magdagdag ng katahimikan sa buhay mo at kumonekta sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, ang pagninilay sa iyong mga banal na kasulatan, paggugol ng oras sa templo, at araw-araw na panalangin ay magagandang paraan para marinig Sila. Maaari ka ring gumugol ng iba pang mga sandali ng katahimikan sa mga gawing tulad nito:
-
Magsimula sa maliit: Maghanap ng isang tahimik na lugar kung saan hindi ka magagambala, at umupo nang ilang minuto lang, na nakatuon sa paghinga nang dahan-dahan.
-
Pumili ng isang paboritong talata sa banal na kasulatan: Gawing simpleng parirala ang isang talata sa banal na kasulatan na uulitin mo sa iyong isipan habang humihinga ka nang malalim.
-
Magpatugtog ng mahinang musika: Gumamit ng nakapapanatag na mga tunog para mapahinga ang iyong katawan at matahimik ang iyong isipan.
-
Mag-ukol ng oras na hindi konektado sa mundo: Maglakad-lakad o umupo sa kalikasan nang hindi nakikinig sa anumang musika, podcast, o audiobook. Magtuon lamang sa pagtingin sa magagandang likha, pagninilay, at pagdarasal.
Pakinggan ang Kanyang Tinig
Kung sa pakiramdam mo ay nahihirapan kang marinig ang tinig ng Panginoon, tandaan—kung minsa’y wala tayo sa isang lugar na tahimik, sa isipan o sa ating kinaroroonan, para marinig Siya nang malinaw. At sa iba pang mga pagkakataon, kahit mas tahimik, kung minsa’y hinihingi lang ng Ama sa Langit na matiyaga nating hintayin ang Kanyang kalooban. Ano’t anuman, ang tahimik na sandali ay maaaring magpalinaw sa pakikinig natin sa Kanya at mas magpalago sa tiwala natin sa ating banal na pagkatao, ating layunin, at ating pananampalataya.
Kadalasa’y kailangan natin ng kaunting tahimik na sandali para makilala ang patnubay ng Panginoon. Maglaan ng sandali na patahimikin ang iyong puso’t isipan upang marinig mo Siya.