2025
Handa na para sa Tawag: Payo mula sa mga Missionary Tungkol sa Paghahandang Maglingkod
Setyembre 2025


Mula sa Mission Field

Handa na para sa Tawag: Payo mula sa mga Missionary Tungkol sa Paghahandang Maglingkod

Nakipag-ugnayan kami sa limang missionary para hingin ang kanilang payo kung paano magsimulang maghanda para sa misyon.

isang binatang nakaupo sa isang desk at nag-aaral ng kanyang mga banal na kasulatan

Ang paghahandang magmisyon ay isang napakasayang panahon! Nakatuon ka sa pag-aaral ng doktrina ni Jesucristo, inaalam mo kung paano nangungusap sa iyo ang Espiritu, at inihahanda mo ang iyong isipan sa paglalaan ng iyong oras sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.

Aakma ka sa maraming bagong bagay sa iyong misyon, at bagama’t hindi ka makapaghahanda para sa bawat sitwasyon, may mga bagay na maaari mong gawin na mas magpapadali sa iyong pag-akma.

Tinanong namin ang ilang kasalukuyang missionary at ang mga naghahandang maglingkod kung ano ang imumungkahi nila pagdating sa paghahanda para sa iyong misyon. Narito ang sabi nila:

Hangaring Makilala ang Tagapagligtas

Sana’y talagang hinangad kong makilala si Cristo bago ako nagmisyon. Malinaw na alam ko ang tungkol sa Kanya—lumaki ako na binabasa ang mga pamantayang banal na kasulatan, nang mag-isa at kasama ang aking pamilya. Alam ko ang mga kuwento tungkol kay Jesus at ang mga sipi sa doktrina na isasaulo. Nagpapasalamat ako sa espirituwal na kaalamang iyon na buong buhay kong pinag-ukulan ng panahon para matamo. Pero kung may isang bagay akong ginawa na maaari kong baguhin sa mga huling buwan bago ang aking misyon, babalikan ko at sisikaping makilala ang Tagapagligtas.

Siya Mismo ay nangako, “Humanap kayo, at kayo ay makakatagpo” (Mateo 7:7). Kapag hinanap natin si Jesucristo, matatagpuan natin Siya sa Aklat ni Mormon, sa templo, sa sakramento, at sa napakaraming maliliit at mga simpleng paraan ng pagtulong Niya sa atin sa bawat araw. Mas marami akong nakitang himala sa aking misyon kaysa rati sa buhay ko, at sa palagay ko ay dahil mas hinahanap ko at pinasasalamatan sa Diyos ang mga iyon nang higit kaysa rati.

Sister Julia Collings, Hamburg Germany Mission

Magpunta sa Mission Prep at Pag-aralan ang mga Banal na Kasulatan

Para makapaghanda para sa aking misyon, dumalo ako sa isang mission preparation class sa aking ward. Binasa namin ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo at pinag-usapan kung paano ipamumuhay ang mga alituntunin nito.

Bukod dito, tiniyak kong basahin ang Aklat ni Mormon araw-araw! Nag-ukol din ako ng oras bawat linggo na pag-aralan ang Biblia, lalo na ang Mateo, Marcos, Lucas, at Juan. Gusto kong matiyak na mayroon akong patotoo sa mga katotohanan ng ebanghelyo na ituturo ko at may pundasyon ako sa banal na kasulatan para ituro ang mga iyon.

Elder Rickard DeMille, Orem Utah Mission

Pag-aralan ang Aklat ni Mormon at Matutong Mahalin ang Iba sa Pamamagitan ng Paglilingkod

Ang dalawang pinakamahalagang paraan ng paghahanda ko para sa aking misyon ay sa pamamagitan ng pag-aaral at paglilingkod. Binasa ko ang Aklat ni Mormon araw-araw, nang mas masigasig kaysa rati, at sinikap kong hanapin ang mga bagay na angkop sa buhay ko. Ang mga mensaheng nasa mga pahinang iyon ay tila tuwirang patungkol sa akin, at doon ko nalaman kung gaano ko kailangan ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo at kung gaano Siya kahandang ibigay ang Kanyang kapangyarihan. Kailangan ng pagsasanay at pagsisikap ang pagsasabuhay ng mga banal na kasulatan, pero walang hanggan ang naging gantimpala nito sa akin.

Ang sumunod ay paglilingkod. Taun-taon, tinatamaan ng mga bagyo ang mga lungsod sa baybayin ng Florida, USA. Malaking pinsala sa ari-arian ang dulot ng mga hangin at baha, at kadalasa’y napakahirap o magastos para sa mga tao sa mga lugar na ito na tumanggap ng mabilisang tulong na kailangan nila. Noong 12 anyos ako, hindi ko naunawaan kung bakit namin ginugugol ang katapusan ng linggo sa paghahakot ng mga sanga ng puno sa paligid. Ang natutuhan ko nang gawin ko ito bawat taon ay kung gaano kalaking kagalakan ang matatagpuan sa pagsisikap na paglingkuran ang iba. Sinisikap ko pa ring maging mas mapagkawanggawa, pero alam ko na kung kailangan kong mahalin ang isang tao, ang kailangan ko lang gawin ay paglingkuran sila!

Elder Joseph Lowry, Orem Utah Mission

Pag-aralan ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo at Dumalo sa Templo

May ilang madaling paraan para makapaghanda para sa misyon. Una, imumungkahi ko na basahin at pag-aralan mo ang kabanata 3 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Kung alam mo na kung ano ang ituturo mo bago ka pumunta sa misyon, maaari kang mas magtuon sa kung paano ito ituro nang may Espiritu.

Imumungkahi ko rin na tanggapin mo ang sarili mong endowment at dumalo ka sa templo nang madalas hangga’t kaya mo. Tinutulungan tayo ng templo na magkaroon ng walang-hanggang pananaw at matutulungan kang magtuon kay Jesucristo.

Ang huling paraan na imumungkahi ko para makapaghanda para sa misyon ay ang basahin at alamin ang Aklat ni Mormon. Iyan ang magiging pinakamagandang kasangkapan para ikonekta ang sarili mo at ang iba kay Jesucristo sa iyong misyon at sa buong buhay mo!

Elder Rugby Taylor, Everett Washington Mission

Magkaroon ng Mas Magagandang Kasanayan sa Pakikisalamuha

Para makapaghanda para sa misyon, mahalagang dagdagan ang kaalaman mo sa ebanghelyo, pero kailangan mo ring ihanda ang mga kasanayan mo sa pakikisalamuha sa tao. Imumungkahi ko na magsimulang lumabas sa iyong comfort zone sa pamamagitan ng pakikisalamuha sa iba. Sikaping kausapin ang mga taong hindi mo karaniwang kakausapin.

Nalaman ko na ang pagtuturo ng ebanghelyo ay nangangailangan ng mga kasanayang iyon sa mga tao. Ang mga kasanayan sa pakikisalamuha na matututuhan at mapapalakas mo sa iyong misyon ay tutulong sa iyo sa iyong propesyon, pakikipagdeyt, pag-aaral, at mga relasyon sa iba sa hinaharap!

Elder Emerson Taylor, Manchester New Hampshire Mission