Mula sa Lingguhang YA
Para sa Lahat ng Nakadarama na Sila ay Napag-iiwanan sa Buhay
Kahit hindi ko naabot ang mahahalagang pangyayaring itinakda ko para sa aking sarili, lumalago at natututo pa rin pala ako.
Naramdaman mo na ba na napag-iiwanan ka sa buhay?
Ginugol ko ang halos buong 20’s ko sa pagsukat sa aking pag-unlad sa isang partikular na paraan. Naiplano ko ang ilang mahalagang tagumpay at pangyayari sa buhay na inasahan kong magpapakita sa akin na naisasakatuparan ko ang lahat ng gusto ko sa buhay.
Kasasapit ko pa lang sa 30 anyos ngayong taon, at marami sa mahahalagang pangyayaring iyon ang hindi pa nangyayari, lalo na sa propesyon ko. At dahil diyan, nahihirapan ako sa pakiramdam na napag-iiwanan ako—napag-iiwanan ng mga kaibigan ko, napag-iiwanan sa kung saan inaasahan ng lahat na mararating ko, at ang pinakamasakit, napag-iiwanan sa kung saan inaasahan kong mararating ko.
Alam ko na gusto kong maging doktor mula pa noong tinedyer ako, at isang bagay iyon na maraming taon ko nang pinagsisikapan. Kung babalik ako sa pagka-tinedyer at sasabihin ko sa sarili ko kung gaano kalayo pa ako sa plano ko, malamang na masindak siya.
Pero narito ang mabuting balita: Ang 30-anyos kong sarili ay may mas magandang pananaw sa buhay.
Isang Walang-Katapusang Siklo
Noong 18 anyos ako, napakaganda ng mga bagay-bagay. Nangibang-bansa ako para magsimulang mag-aral sa unibersidad at matagumpay akong naglayag sa buhay sa isang bagong lugar, sinimulan ko ang major na kinuha ng iba pang mga premedical na estudyante sa paligid ko, at pinanatili kong mataas ang mga marka ko.
Patuloy na naging maayos ang mga bagay-bagay nang tumigil ako sa saglit sa pag-aaral para magmisyon, umuwi, at nag-asawa pagkaraan ng ilang taon.
Pero ito ang punto kung kailan nagsimulang maging mas kumplikado ang mga bagay-bagay.
Una, huminto ako nang isang taon sa pag-aaral dahil mas bata nang ilang taon ang asawa ko sa akin at kailangan niyang magtapos sa kanyang pag-aaral. Nang sumunod na taon, nag-apply ako at natanggap sa isang paaralan sa aking bansa—pero tinanggihan ko ang alok nang magsara ang mga hangganan dahil sa COVID-19 at sa di-inaasahang oportunidad sa trabaho ng aking asawa. Nang sumunod na taon nag-apply akong muli, sa pagkakataong ito sa bansang tinitirhan ko noon, pero hindi ako gaanong nagtagumpay dahil hindi ako permanenteng residente sa bansang iyon.
Nang dumating ang ika-27 kaarawan ko, lubos akong pinanghinaan-ng-loob. Dapat ay nakakalahati na ako sa pag-aaral ng medisina ngayon! Ang mga kaibigan kong kasabayan kong nag-aral at nagtapos ay nagpatuloy sa kanilang buhay, habang wala pa ring katapusan ang siklo ng mga aplikasyon ko at pagtanggi sa akin.
Iba’t Ibang Paraan ng Pagkakaroon at Pagsukat ng Pag-unlad
Sa aking pananaw, hindi ako umuusad at wala akong nagawang anumang pag-unlad. Dahil hindi ko naaabot ang mahahalagang tagumpay na binalangkas ko noong tinedyer ako, nawalan ako ng pag-asa at nadismaya ako sa aking sarili.
Pero heto—napakaraming iba’t ibang paraan para magkaroon at sukatin ang pag-unlad. At sa tingin ko, natanto ko na lumalago at natututo pala ako sa paglipas ng panahon.
Ang isang taon na iyon ng paghinto ko sa pag-aaral? Isang pagkakataon iyon para ipakita sa asawa ko na mahalaga sa akin ang kanyang pag-aaral at patuloy na magtamo ng karanasan na tutulong sa akin na maging mas mahusay na doktor.
Noong ikalawang taon na iyon, nang hindi ko tanggapin ang isang alok? Isang oportunidad iyon para manalangin at magsanggunian kami kung paano babalansehin ang mga prayoridad at patatatagin ang buhay na gusto namin.
At noong huling taon na iyon, nang madama ko na wala akong magawa tungkol sa mga bagay na hindi ko makontrol? Nagbigay-daan iyon sa akin para maghangad ng personal na paghahayag at matanggap ang pagpapatibay na kailangan ko mula sa Ama sa Langit na nasa tamang landas ako, kahit pinanghinaan-ako-ng-loob at hindi ko makita ang mangyayari sa hinaharap.
Ayaw kong magkunwari na madali ang mga taon na iyon ng paghihintay. Habang dinaranas ko ang mga iyon, madalas akong madismaya, hindi makakilos, at panghinaan-ng-loob. At alam ninyo? Naging mas mabuti ang hinaharap kaysa inakala ko. Nasa ikalawang taon ako ng medisina ngayon, samantalang ang asawa ko ay nasa pangarap niyang trabaho at kaya kaming tustusan. Pagkaraan ng mga taon ng pag-una sa kanyang trabaho at pag-aaral, handa siyang suportahan naman ako, at mayroon kaming klase ng relasyon na maaaring manatiling matatag sa mahihirap na araw ng pag-aaral ng medisina.
Alalahanin Kung Ano ang Pinakamahalaga
Inaasam ko pa rin ang araw na maaari kong tawaging doktor ang sarili ko. Pero tulad ng itinurong minsan ni Pangulong Russell M. Nelson, na isang doktor din, may mga identidad na mas mahalaga kaysa rito.
At ang pag-alaala sa aking mga identidad bilang isang anak ng Diyos, isang anak ng tipan, at disipulo ni Cristo ay tumutulong sa akin sa mga panahon na nais kong bansagan ang sarili ko na “napag-iiwanan,” na sa palagay ko ay isang bagay na gustong gawin ng marami sa atin bilang young adult.
Magkatulad siguro tayo at binansagan mo ang sarili mo na bigo dahil sa mga paglihis sa mga mithiin sa trabaho. O maganda siguro ang takbo ng propesyon mo pero nahaharap ka sa bansag na “single,” “nahihirapan sa karamdaman sa pag-iisip,” o sa iba pang bagay.
Anuman ang iyong sitwasyon, dapat mong malaman na napakaraming paraan para lumago at matuto at umunlad. Huwag mong sukatin ang sarili mo sa buhay o mga inaasahan ng iba—o kahit sa mga inaasahan mo noon sa iyong sarili.
Sa halip, alalahanin kung ano ang pinakamahalaga: “Ang ating mga ugnayan sa Ama sa Langit at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak, sa ating pamilya, at sa ating kapwa, at ang pagpayag sa Espiritu ng Panginoon na gabayan tayo sa mga ugnayang iyon.”
Maaaring hindi pa ako isang doktor, pero ako ay isang anak ng Diyos. Tumutupad ako sa tipan. Isa akong taong nagsisikap nang husto na maging mabuting asawa.
At laging mas mahalaga iyan kaysa mga pabagu-bagong pagtatakda ng panahon.