Mula sa Lingguhang YA
3 Kasanayan sa Pagpapahayag ng Damdamin na Dapat Linangin Bago Ka Magmisyon
Pag-aralan at sanayin ang silakbo ng kanilang damdamin para mas makaasa sa sarili, maging mas tapat, at mas matatag ang damdamin sa iyong buong paglilingkod.
Sa South America, mahilig kami sa football! Kapag may mahalagang laban ang mga national team namin, tumitigil ang buong bansa para manood. Ang pinakapopular at nakakakabang mga sandali ay nangyayari kapag nagkapareho ang score ng mga team at ang mga penalty kick ang kailangang tumukoy sa mananalo.
Sa mga sandaling iyon, matindi ang damdamin ng mga manlalaro, pero ang dahilan ng kanilang tagumpay ay hindi lamang ang kanilang mga galaw sa field—iyon ay ang kanilang pamamaraan. Ang pamamaraan, na binuo sa pamamagitan ng palagiang pagsasanay, ay tumutulong sa mga manlalaro na magtiwala sa kanilang mga kakayahan at makagalaw sa mahihirap na sitwasyon, gaano man katindi ang kanilang kaba sa sandaling iyon.
Sa trabaho ko bilang psychologist, nagkaroon ako ng pribilehiyong suriin ang mga naghahanda para sa gawaing misyonero. Tulad ng mga football player, ang mga young adult ay maaaring magkaroon ng ilang “pamamaraan sa pagpapahayag ng damdamin” para tulungan silang madaig ang mga hamon na walang dudang makakaharap nila sa kanilang misyon.
Pero, tulad ng anumang kasanayan, ang mga pamamaraan sa pagpapahayag ng damdamin ay nangangailangan ng panahon at pagsasanay. Huwag maghintay hanggang sa bago ka lang pumasok sa missionary training center para magsimulang linangin ang mga ito.
Tinatawag ko ang mga pamamaraang ito na mga tuntuning “dagdagan, bawasan,” at naniniwala ako na matutulungan ka ng mga ito na mas maihanda ang damdamin mo para sa iyong misyon:
Unang Pamamaraan: Dagdagan ang Mabubuting Gawi, Bawasan ang Pagtutol sa Pagbabago
Ang mga sakit sa isip ay totoo at nakakaapekto sa maraming tao, at mahalagang makipag-ugnayan sa mga propesyonal para sa patnubay at tulong. Gayunman, sa pakikipagtulungan sa mga missionary, nakita ko na kung minsa’y maaaring makasakit ng kalooban ang mga sitwasyon o masasamang gawi—tulad ng sobrang screen time, di-regular na gawi sa pagtulog, at paglayo sa mga tao.
Kapag dumarating ang mga sister at elder sa kanilang misyon na may ganitong uri ng mga gawi, kadalasa’y nahihirapan silang makibagay sa gawaing misyonero, at nahaharap sila sa mga hamon sa damdamin na hindi nila inaasahan.
Pero maaaring malutas ito sa pagkakaroon ng mabubuting gawi bago magmisyon, tulad ng pag-eehersisyo, pagkain nang maayos, pagtulog ayon sa iskedyul ng tulog ng mga missionary, at pagtanggap ng mga responsibilidad sa bahay o pagsisikap na maging mas matatag. Maaari ka ring gumawa ng “mental health first-aid kit” para sa mahihirap na sitwasyon sa pamamagitan ng pagkatutong mag-ehersisyo para marelaks, pagsasanay na maging maalalahanin, pagbigkas ng mga paboritong talata sa banal na kasulatan, o pakikinig sa nakasisiglang espirituwal na musika.
Pangalawang Pamamaraan: Dagdagan ang Pananampalataya at Koneksyon sa Diyos, Bawasan ang Pag-aalinlangan
Ang isa sa mga bagay na itinatanong ko sa mga magiging missionary ay kung ano ang kanilang mga alalahanin tungkol sa pagmimisyon. Ang isang karaniwan ay ang takot na hindi sila handa—hindi sapat ang alam nila tungkol sa doktrina o kung ano ang ituturo. Ang kawalang-katiyakang ito ay kadalasang humahantong sa pag-aalinlangan, na makakabalisa sa sinuman.
Ang lunas sa kawalang-katiyakang ito ay matatagpuan sa pagdaragdag ng pananampalataya sa pamamagitan ng matibay na koneksyon kay Jesucristo at mas malalim na pag-unawa sa Kanyang Pagbabayad-sala. Ang pagsunod sa Kanyang mga utos, pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw, at pagdarasal at pag-aayuno ay nagpapalakas ng pananampalataya kay Cristo (tingnan sa Alma 17:2–3).
Kung gayon din ang mga problema mo, tandaan lamang na ang pinag-aaralan mo sa mga banal na kasulatan ay magpapatibay sa iyong isipan habang ibinabahagi mo ang natututuhan mo. Maaari mong ibahagi ang mga ideya mo sa iyong mga magulang, kapatid, at kaibigan.
Pangatlong Pamamaraan: Dagdagan ang Pagmamahal, Bawasan ang Pagwawalang-bahala
Ang pagwawalang-bahala sa damdamin at mga pangangailangan ng iba ay humahadlang sa atin na madama ang pag-ibig sa kapwa para sa kanila, kumonekta sa kanila sa mas malalim na paraan, at magabayan ng Espiritu para malaman kung paano sila tutulungan.
Patungkol dito, binigyan tayo ni Apostol Juan ng mahalagang payo: “Kung sinasabi ng sinuman, Iniibig ko ang Diyos, at napopoot sa kanyang kapatid, siya ay sinungaling; sapagkat ang hindi umiibig sa kanyang kapatid na kanyang nakikita, ay hindi maaaring umibig sa Diyos na hindi niya nakita. At ang utos na ito na mula sa kanya ay nasa atin, na ang umiibig sa Diyos ay dapat ding umibig sa kanyang kapatid” (1 Juan 4:20–21).
Ang pagkakaroon ng pag-ibig sa kapwa, ang dalisay na pag-ibig ni Cristo, para sa iba ay nakakabuti sa kalagayan ng ating damdamin at ng mga nakapaligid sa atin, na nagtutulot sa atin na magkaroon ng magagandang relasyon. Kung hindi ka sigurado kung paano magkaroon ng mas malalim na pagmamahal sa iba, magsimula sa maliliit na pagpapakita ng kabaitan at paglilingkod. Ngumiti at magbigay ng mga papuri, tulungan ang mga nangangailangan, sikaping makinig sa halip na maghintay lamang na makapagsalita, at magpakita ng pag-unawa at pagdamay sa mga taong iba ang opinyon.
Ang pagkakaroon ng pag-ibig sa kapwa ay nangangahulugan din ng pagkakaroon ng dalisay na pag-ibig sa sarili mo. Kung dumaranas ka ng mga hamon sa damdamin na mahirap tiisin, humingi ng tulong sa Ama sa Langit, kahabagan ang sarili, at hayagang kausapin ang iyong pamilya at mga lider ng Simbahan tungkol sa nadarama mo. Magagabayan ka nila sa available na resources, pati na sa mga kwalipikadong therapist, para gumaan ang iyong pakiramdam.
Tulad ng mga football player, mahaharap ka sa mga hamon sa iyong misyon. Pero sa mga sandaling iyon, tandaan na “kung kayo ay handa kayo ay hindi matatakot” (Doktrina at mga Tipan 38:30).
Pag-aralan at sanayin ang mga pamamaraang ito sa pagpapahayag ng damdamin, at matatagpuan mo ang iyong sarili na mas nagiging self-reliant, mas tapat, at mas matatag ang damdamin sa buong paglilingkod mo.